THE REEL LOVE (Mga Kapana-panabik na Eksenang Tungkol sa Pag-ibig, Onli in da pilPpins!)

Pinoy Henyo (Photo Credit: ittlemisscoffeeshoppe)
Pinoy Henyo (Photo Credit: ittlemisscoffeeshoppe)

Harapin na natin. Hindi ang salamin, kundi ang katotohanan na uhaw tayong mga Pilipino sa salitang kay sarap ramdamin, pero ang hirap intindihin. Clue: Naglipana ito lalo’t bisperas ng Valentines. Timer starts now.

May sumagot: Chocolates. Sagot:  Hindi. Nanghula ulit. Red?Umiling ang nakakakita ng sagot na nakatapal sa noo ng nanghuhula. Umasim ang mukha.

Pinoy Henyo (Photo Credit: ittlemisscoffeeshoppe)
Pinoy Henyo (Photo Credit: ittlemisscoffeeshoppe)

 Hindi. Kumunot ang noo (na sadyang hindi nakuhanan ng camera nina Tito Vic dahil nga nakatapal yung gadget na naka-pointilism style ang mga letra habang nagii-scroll to the left. Teka, right ata. Tsk, tsk. Sayang.

Epic kunot noo pa man din yung  napre-pressure nang contestant. Puso? Biglang nagliwanag ang mukha ng nakakita ng sagot at umabot ang ngiti hanggang Edsa. PWEDE! OO! Plus patalon-talon pa sa upuan. Parang batang kinikilig. O sadyang may bulate sa p’wet.

Lumaki ang mga chinitang mata na may sandamukal na eyeliner at dinikitan ng false eyelashes (kelangan talaga detalyado ang deskripyon) ng nanghuhula. Malapit na siyang tumama. Pero tumatakbo ang oras. Dalawang minuto lang ang kayang igugol ng kaniyang utak para manalo. At dalawang minuto lang ang ititigil ng kanilang pagkasikat sa telebisyon. Kaya gagawin na nilang epic. Para naman kahit papaano, kahit dalawang minuto lang ay hindi sila pinandilatan at minura ng Lola ko dahil pang-grade one lang naman ang hinuhulaan niya. Saglit na katahimikan ang ginawad ng nanghuhula. Ang simple ng hinuhulaan niya, pero nasa dulo ng dila niya, kahit alam natin na form of expression lang yun at puro papillaes at taste sensors lang ang matatagpuan doon at hindi ang mismong salita. Saka nagkaroon ng divine intervention.

Gumana ang miraculous virgin coconut oil na pinanligo niya kanina kaya mamantikain ang itsura niya sa TV.  Ito ay dahil sa paniniwala niya na ang nasabing langis ay may kapangyarihan na magpabukas ng mga pintuan ng kalangitan basta ba i-tweet mo si Micheal the Archangel at pag napagtripan ka niyang pansinin ay ipapa-abot niya ang request mo kay Lord. Biglang nagkaroon ng mga mala-anghel na boses sa paligid niya.

Gumana ang nagmamantika niyang (hindi lang mukha) utak. Eto na. Navi-visualize na niya ang sagot. Malapit na siyang murahin ng nang-gagalaiti kong lola. Tumayo siya at isinigaw ang salitang “PAG-IBIG?”

Pasensya na po. Nadala lamang sa pang-ookray ng lola ko na nanonood ng Pinoy Henyo. Back to the show.

Tama ka ng nabasa. Hindi ka naduduling. (Kung naduling ka man, hindi ko na problema yun. Kasalanan mo ‘yan kakadota mo 15 hours straight. At hindi ka pa rin nakaka-first blood. Tsk, tsk, Pakamatay ka na lang.)

Ang PAG-IBIG ay isang salitang maraming kahulugan na sa sobrang rami ng depinisyon ay kay hirap ipaliwanag. Maraming nagsasabi na hindi mo kailangan bigyan ng rason ang pagibig dahil kusa itong magbibigay ng kahulugan sa iyo kapag naramdaman mo na ito. Pero hindi lahat ay nabibigyan ng pagkakataon na makaranas ng kakaibang pagibig. Yung tipong gusto nila ang kanilang kwento ukol sa pagibig ay may kakaibang simula at pang-fairytale ending. Yung tipong happily ever after pagkatapos niyong magapi ng iyong prinsesa/prinsipe ang mga berdeng bwakanang mga baboy pagkatapos ninyong tiradurin ang mga makukulay pero galit na mga ibon na nabadtrip dahil hindi sila makakalipad kung hindi ninyo ipambabato. Ganun katindi.

O di kaya’y nalampasan n’yo ang mga balakid habang tumatakbo kayo palayo sa mga constipated na mga unggoy at kay bibilis ng takbo dahil gusto na nilang ilabas ang sama nng loob sa palikuran. (Ay naman, nagame-over ako bigla sa Temple Run. Balik na nga sa pagsusulat nito).

Kaya marahil, nahilig tayo sa panonood ng mga pelikulang ang pangunahing pinupunto ay ang mahiwagang salitang ito. Kahit na alam nating hindi talaga magkakatuluyan sa totoong buhay sina John Lloyd at Bea Alonzo ay makikipagsiksikan tayo sa sinehan o makikipagpatayan makakuha man lang ng piniratang dvd sa bangketa sa Divisoria masilayan lamang ang panibago nilang pelikula. At kahit na pag pinagsama-sama mo lahat ng mga pelikulang pinoy ukol dito ay para kang nakalikom ng isang mahabang playlist dahil ang pamagat ay hango sa kung ano ang theme song nito na ipaparinig sa kissing scene habang umuulan at rumaragasa ang bagyong Ondoy. At kahit hindi bisperas ng Valentines ay nahihitik ang mga sinehan (at ang mga bangketa sa lansangan) ng mga pelikulang hatid ay pakiligin ang mga manunuod at sa sobrang epektibo nito ay nangingisay sila sa naguumapaw na kaligayahan. Saglit lamang po, sasamahan ko lang po ang pamangkin kong epileptic na inaatake na naman ng kanyang sakit. Sisihin ang sun dance nina John Lloyd at Sarah Geronimo. Tsk.

At sa dinami-dami ng mga pelikulang inilalabas sa loob ng maraming taon, napansin mo na rin siguro ang mga pagkakaparehas nito sa mga napanuod mo na noon. Iniba lang ang panahon. Nagbago lang ang director at ang mga gumanap. Napalitan man ang linya na kanilang sinasambit pero tutungo din sa parehas na ending. Kaya’t heto at magpakasasa tayo sa mga eksenang romansa sa pelikula na hindi maaring isakatuparan sa tunay na buhay. Lights, camera…action!

A. Ang status ng buhay nang mga pangunahing tauhan ay mahahati sa tatlong patterns na magpapasakit sa ulo ni Karl Marx.

Una, si babae/lalake ay sobrang hirap. Yung tipong inihaw na ipis ang kanilang kinakain bilang agahan. At nakatira sila sa condo…sa ilalim ng tulay. Ganun kahirap. At makikilala nila ang kanilang iibigin sa loob ng dalawang oras na palabas bilang isang mayaman ngunit antipatiko/masungit at mapagmatang matapobre pero saksakan sa ganda o gwapo (courtesy of belo) na isa sa mga dahilan bakit kahit mala-impyerno ang ugali nito ay mapagtyatyagaan dahil sa angking kagandahan/kakisigan.

Pangalawa, si babae/lalake ay may kaya naman. Natutustusan ng kanilang mga magulang ang mga pangunahin nilang pangangailangan at mga luho tulad ng pagi-star bucks kahit hindi kumain ng isang araw. At sa loob ng isang araw ay dala nila yung Starbucks na disposable cup. At pag tinanong mo yung favourite flavour of coffee nila at pina-ispell mo…it will take them a lifetime to answer you. “Basta may letter m dun!” for which they will answer in the end(pertaining to caramel machiatto which I honestly don’t know how to spell as well). Bloody hell. Teka, bat naging English? Anyway, makikilala nila ang kanilang partner bilang (again) uber sa yaman na mag-aagahan siya sa Brunei at babalik sa Pilipinas para lamang maghilamos ng mukha bago tumungo sa London para magpamanicure. At hindi mawawala ang kanilang kagandahan at kagwapuhan…salamat sa magandang genes ng kanilang mestisong mga magulang. O kung hindi man, magpasalamat tayo sa siyensya. Amen.

Pangatlo, parehas silang may kaya lang. O kaya parehas na mahirap. Boring. Pero wala pa akong pelikulang pinoy romance na nakita na parehas na mayaman. Kokontra ka? May nakita ka na? Pashare naman nun sa facebook.

B. Hindi sila magkasundo sa una. Ngunit lalambot ang kanilang mga batong puso at magiging singlambot ng keso mamon sa Red Ribbon. Masasabi nating ang kanilang pagaaway ang isa sa mga masasayang parte nang pelikula. Dahil dito mo malalaman kung paano sila umasta na akala mo’y nagmana sila kay Vice Ganda. Magbabasagan ng trip dito. Mang-aalaska to the max doon. Magbabatuhan ng unan dito. Magwawala-sa-loob-ng-mall-kind-of-scenes doon. Hayagang magpapahiya sa isa’t isa doon. Mananapilok doon. Kay saya nga talagang panuorin ang kanilang bangayan dahil subconsciously, sadista pala ang mga manunuod.

C. Kung hindi man sila magka-away na nagkaibigan, ang maaring estado ng mga pangunahing karakter ay sila na talaga. Hayagan na nilang binago ang kanilang facebook status at may link pa sa page nila ang account ng special someone nila. Maninigas ang mga langgam sa diabetes pag nakita silang maglambingan sa sobrang katamis nito. Ngunit magugulo ang kanilang makulay na kwento. Bakit? Mamaya ay mararating natin yan. Maghintay ka lamang. 15 words per minute lang ang kaya kong itayp. Dont be excited like you just can’t hide it.

D. Espesyal ang mga love moments montage sa pelikulang pinoy. Dito na papasok ang theme song kung saan nakabase ang pamagat na siyang patutugtugin habang naging maala-music video ang susunod na mga eksena. Dito makikita natin ang pagsusubuan nila ng pagkain na animo’y one year old na hindi marunong gumamit ng sariling kamay. Tapos ay magkikilitian sa ilalim nang punong mangga. O kaya Acacia. Pambansang puno ang Narra pero sa buong buhay ko ay hindi ko pa nakita yun sa pelikula at sa tunay na buhay kaya hindi natin isasama yun sa mga halimbawa. Maglalakad-lakad habang magkahawak ang kamay sa Burnham Park. Magpipiknik sa Luneta habang iniinggit ang sundalong nakabantay sa rebulto ni Rizal. Mga ganoong eksena na lagi mong makikita.

***Pero bakit kaya wala pang gumawa ng mga eksena kung saan nagplanking sila sa may foot bridge sa Balintawak? O kaya masayang nagmumurahan habang kalaban ang isa’t isa sa paglalaro ng Dota? O di kaya’y ipinapakita ang pagti-tweet nila dahil sila lang din ang nagfo-follow sa isa’t isa? Yung mga ganoon naman para may touch of modernism.

E. Espesyal din ang mga surpresa ng mga karakter sa kanilang minamahal. Laging creative. Laging engrande. Dahil kasama nga naman nila ang buong staff para isipin yun. Halimbawa: ang paghingi ng tawad ng karakter ni John Lloyd kay Sarah sa pelikulang nakalimutan ko na ang pamagat kung saan may kasama siyang banda at binayaran niya ang mga extra sa Luneta para isorpresa ang biktima…este ang kanyang minamahal. At kahit sintunado ito, buong puso niyang kinanta ang kanilang theme song. Pero next time, kung ayaw niyang mapahiya sana nagpa-auto tune na lang siya. Iba pang halimbawa ay ang pagbaha ng mga rosas sa kwarto. O kaya pagtapal ng sangkaterbang post-it kung saan sumaya ang National Bookstore kung saan nakasulat ang kanilang mga love quotes na hiningi sa maraming textmates. O bigyan ka ng hindi lang isang birthday cake kundi ibabase sa edad mo ang dami nito. Natuwa sa galak ang Goldilocks.

F. Espesyal ding manligaw ang mga lalake sa pelikula. Ngunit kahit hindi laging engrande, lagi namang creative. Muli, dahil hindi sila ang nag-isip kundi yung writer. At dahil hindi sila ang gagawa nun kundi yung staff. Aarte lang sila na para bagang sila ang nagpuyat kakaisip kung paano nila gagawing espesyal ang nasabing “moves like jagger” na panliligaw.

G. Hindi mawawala diyan ang mga common dinner dates. At wag na wag niyong kalilimutan ang kandila. Kung gawa ba ng Esperma yun ay hindi natin malalaman ngunit tandaan, hindi mawawala ang kandila kahit na sandamukal ang mga spotlights para makita ng camera ang buong lugar. Kung bakit kandila ang palagiang “staple of a romantic date” ay hindi rin masasagot sa atin ni Google. Baka at the back of their minds, iniisip nila ang mga worst case scenarios. Kung biglang putulan sila ng Meralco nang ilaw kaya nagka-black out ay maaring dahilan kung bakit laging may nakahandang ilaw. Aba, may pagka girl/boy scouts!

H. Hindi rin mawawala ang fireworks sa isang date. Kahit hindi bisperas ng bagong taon ay makakakita tayo ng fireworks sa pinoy romance flicks. Yun nga lang, wag mong asahan na kakanta si Katy Perry dahil hindi p’wedeng may patugtugin na ibang kanta kung ang pamagat ay ang nakakaintriga sa grammar na “Me to you are everything”. At kung saan man binili ang mga paputok kung sa Bocaue man ay hindi natin malalaman. Sayang. Gusto ko sanang bumili ng ganoon dahil ang ganda talagang tingnan. Kaso, walang pangalan ang nagtinda sa sponsors na pasasalamatan sa credits. Badtrip.

I. Nakakatuwa ang mga lugar kung saan magaganap ang mga kissing scenes. Let’s count the ways.

1. Dapat maraming makakakita ng kanilang paghahalikan. Kaya kahit sa gitna ng kalsada ay mang-aagaw ng atensyon ang kanilang bonggang-bongga na pagniniig ng mga labi. Tapos kung izo-zoom in mo yung background makakakita ka siguro ng mga tambay na tuwang tuwa na kumakaway dahil may nakitang camera. Oha, epic cam whore porlayp.

2. Kung medyo private ang gusto ng direktor, hindi mawawala ang papalubog na haring araw na kailangan nang bumalik sa lungga niya para mag-facebook. Kaya habang sunset doon ay saka nila gagawin iyon.

3. At maaring kung sunset ang eksena ay magaganap yun sa isang beach. Malamang sa hindi sa Boracay yun. O sa 100 islands sa Pangasinan. O sa…lahat na ng beaches na ineendorse nang DOT, tapos may biglang sisigaw ng “Kissing scenes,  it’s more fun in the Philippines!”

J. Hindi rin mawawala ang mga eksenang magaganap habang bumubuhos ang signal no.4 na bagyo. At kadalasan, nagkakalabuan ang mga pangunahing karakter. O kung hindi man, doon na magkaka-aminan nang kanilang kasalanan. Pero bakit nga ba dapat umuulan? Ang naiisip kong sagot ay dahil madrama na ang parte na kaakibat nang pagulan, ay hindi na mahihirapang umiyak nang mga artista. Pwede pang ipeke, dahil hindi mo na kailangan nang luha galing sa iyong mga mata. Ginawa na yun nang kalangitan. O nang hose na pinangsaboy behind the scenes.

K. At sa isang matibay na relasyon, dapat may bagyong hahagupit sa katauhan ni…Kara. O nino mang third party. Dapat may karibal sa pagibig. May kabit. May nakasabit. Parang tinga na hindi natanggal nang nagsepilyo ka. At naging plaque. Na umabot sa pagiging tartar. Ganun dapat kabangis ang pagiging kabit nang nasabing kontrabida.

L. At speaking of kabit, dapat kung babae ang third party, nararapat lamang na mas maganda siya sa leading lady. Edukada dahil daig pa ang call center agent sa husay sa pag-ingles. Mayaman, halata sa borloloy na diamante sa katawan. Lahat ng wala kay leading lady, ibinuhos ng Maykapal sa kontrabida. Ganun dapat. Pero kung sa lalaking kabit naman, hindi nangangailangan na mas mayaman ito sa leading man. Pwede ring mas gwapo. Pero usually, sila ang bestfriend na lalake ng pangunahing babaeng karakter. Kung hindi man kababata. Kung hindi man, kaboarder. O kaya kabarkada. Most of the time tambay. Street wise, parang KFC lang.

M. Kadalasan, kapag may kahalong kabit, mauuwi pa rin sa nauna at orihinal ang tinitibok ng puso ng nagtaksil. O di kaya’y sa kabit ngunit alam natin na hindi madali iyon dahil aabutin muna siya nang sangkatutak na sampal, mura, iyak at sipon kakaiyak bago humantong sa the end.

N. Kapag naman mahirap ang inibig ng mayamang gwapo o maganda nitong kapartner, at nagkahiwalay sila dahil sa napakalayo nilang status in life, asahan na natin na reresbak ang mahirap. After 5 or so years, babalik ito. At mestisa/mestiso na rin siya dulot ng gluta at mukha na silang mayaman. Dahil na rin sa milagrong pagkapanalo sa lotto o nakakidnap ng mayaman sa Butuan. Kung paano man siya yumaman, iwikipedia mo na lang yung story synopsis. Nakalimutan ko na eh. Basta, uungusan na niya ang kanyang ex. That’s for sure.

O. Dapat makapagbagbag damdamin ang mga linyang sasambitin kapag nagkakasakitan na. Syempre may pumapatak na luha courtesy of eye mo. At ang linyang ito, sa sobrang winner ay maipapasa mo sa iyong apo sa susunod na decades kung uso pa ang facebook.

P. Dapat laging may baon na rosas. Kung pwede lang imaleta ang Dangwa, nagawa na siguro nang leading man.

Q. Dapat may baon ding banat. Tapos kikiligin si Neneng B. Tapos hihiyaw si Boy Back-up sa background.

R. Kung ipapakilala na ng leading lady ang kanyang boyfriend sa kanyang mga magulang, asahan na accommodating ang nanay at mas masungit pa sa meron ang tatay. Kailangan laging ganun. Obligadong umarte na skeptic ang mga tatay sa mga lalaking umaakyat nang ligaw. Sabi kasi ni direk eh.

S. Kapag may heartbroken, dapat may naglalasing. Dapat may nagwawala sa club. Dapat may sumusuntok sa pader. At dapat ubusin yung 2 rolls nang tissue. Dapat.

T. Kapag naman usapang besfriends into lovers, ang usual formula nito ay laging torpe ang isa. Kadalasan, si babae ang torpe. Hindi niya masabi sa bestfriend niyang lalaki na ang current gf nito ay malakas ang body odor dahil ayaw niya itong masaktan. O kung hindi man, si lalake. Kahit na anong gawin niyang paglalambing, iisipin kaagad ng kanyang bespren na sadyang ganun talaga siya. Automatic na. At kung maging sila man, malamang nagro-roll na rin ang credits pagkatapos marealize yun ng mga manonood. O kaya, may papasok na third party again. At oo, naulit ang cycle.

U. At alam kong may nasasabik na sa puntong ito. Depende sa target audience, kapag mas matured ang mga manunuod, kinakailangan lang na may ipasok sa bed /sex love scene. At peksman, kahit na itinuturo ng simabahan at ng ating konserbatibong mga magulang na sex after marriage, sa panahon ngayon wala na halos makasunod sa paying ito. Siguro dahil payo nga lamang ito. At ang payo ay meant to be broken. Parang promise lang. Kaya sa pelikulang romansa ng pinoy, kaakibat kadalasan ang ganitong eksena. Siguro dahil nakikisabay na wester films ang panlasa na ipinapamahagi ng mga direktor. Ngunit masasabi ko naman na hindi kabastusan ang nasabing love scenes. Dahil hindi mo naman talaga makikita nang detalyado ang…manuod ka na lang nang bomba films o porn kung nanghinayang ka dahil hindi ko itinuloy. Yun nga lang pag napanuod ito nang santo papa, mapapa-ohmaygad ito dahil hindi niya nabadtrip siya sa wrong grammar na translation.

V. Alam ko din, pansin ng lahat ito. Na parang isang damukal na playlist ang mga pamagat ng pelikula. Kahit na minsan nakakahigh blood ang drama ng grammar. At dapat lang na ang title ang siyang theme song ng kanta. At lahat, revive lang. Kaya saludo ako sa Amnesia Girl. At least kahit papaano, naibsan ang kumukulo kong dugo sa paulit-ulit na non-creativity ng pag-iisip ng titles.

At alam ko, napakarami pang mailalagay dito ngunit wala na akong naisip dahil naenganyo na akong panuorin ang gag show este hearing ni justice Corona. At alam kong mas marami pa kayong maidadagdag, kaya malaya ninyong ipagsigawan iyan sa comments section. O baka may maidagdag pa ako basta’t makapanood ako uli nang mga pelikulang ito. Ay siya, sige na. Naririnig ko na ulit ang walang kamatayang theme song galing sa maintriga sa grammar na “me to you are everything.”

author:  bangsoverload

p.e./mj

1 Comment

  1. Araw ng kanilang pag-iisang dibdib ngunit hindi sumipot ang lalaki. Makalipas ang tentawsan yirs, magbabalik ang lalaki at matutuklasang kasal na ang babae sa iba. Bakit hindi sumipot ang lalaki sa araw ng kanilang kasal tentawsan yirs ago?

    Classic Scenario: Galing sa isang business trip ang lalaki nang mag-crash ang sinasakyang eroplano. Nakaligtas ang lalaki at napadpad sa isang isla at inaruga ng isang babae na maganda pero mukhang longkatuts. Nagka-amnesia ang lalaki at bumalik lang ang memorya after tentwasan yirs.

    Kung-ako-ang-writer-scenario: Galing sa isang business trip ang lalaki nang mag-crash ang sinasakyang eroplano. Nakaligtas ang lalaki dahil may baon siyang parachute at siya ay napadpad sa kaharian ng Monza. Doon ay naatasan siyang hulihin ang Ibong Adarna kasama nina Prinsipe Alfonso, Prinsipe Albano, at Prinsipe Adolfo. Lubhang napakahirap hulihin ng Ibong Adarna. Mabuti na lamang at may baon siyang iPad at nakita niya sa Facebook ang status ng ibon na; “Tired after the concert. Sleepy much. – at Golden Tree.” Tiniis niyang hindi i-like ang status at pasimple siyang pumunta sa puno upang hulihin ang ibon. Dinala niya ang ibon sa palasyo at inutusang umawit para sa ikagagaling ng Mahal na Hari. Nung una ay pakipot pa ang ibon ngunit binlack-mail niya ito na i-popost sa FB ang piktyur ng ibon na tinutuka ang bulaklak ni Rapunzel. Napilitang umawit ang ibon na siya namang ikinagaling ng haring may sakit. Bilang gantimpala, si lalaki ay binigyan ng Lamborghini at si Michael J. Fox pa ang drayber. Ngunit laking gulat niya na pagdating niya sa bahay ng babaeng hindi niya nasipot nung wedding day, tentawsan yirs na pala ang nakalipas….

    -THE END-

Leave a Reply

Your email address will not be published.