The Magic Of Love (TMOL Komedi) (Part 2)

(Photo Credit: hqwallbase)

 

(Photo Credit:  hqwallbase)
(Photo Credit: hqwallbase)

 “Ano ang gusto mo, Lola Basyang? Letson? o Adobo?” nakangiting tanong ng apo-apohan.

“Sus ko na dalaga ka! Akin na yang inihaw na daing, sa akin na ang ulo, ‘yung sawsawan na suka lagyan mo ng sili at asin,” utos ng matanda.

“Buti, La Basyang, hindi tayo nagkasakit sa bato noh?” birong sagot ng alaga.

“Kumain ka na!” sabay subo sa pagkain ang matanda.

Masayang pinagsaluhan ang engrandeng hapunan ng dalawa. Walang pagsisi na inampon ng matanda si Kulaspira dahil lumaki itong mabait at masunuring bata, at tinuring talaga siyang tunay na Lola.

“La Basyang, ito ha ngayon lang ako magtanong sa iyo, Bakit hindi ka nag-asawa?” seryosong tanong ni Kulaspera sabay nguya sa kainin at daing.

“Sus, ko na bata ka! Bakit mo natanong iyan?” takang tanong ni Lola Basyang.

“Wala lang po, natanong ko lang wala kasing ikinuwento sa akin.,” sagot ni Kulaspera.

“Masarap magmahal, Kulasa, masakit ang masaktan! Sa pag-ibig, parang sugal ang laban; minsan talo ka sa kabiguan, minsan panalo ka sa isang pagmamahal! Darating ang araw malalaman mo ang mga bagay na ito,” paliwanag ni Lola Basyang.

“Parang jack en poy ba, La Basyang?” tanong ni Kulaspera.

“Teka, umibig ka na ba? Sinagot mo na ba ‘yung binata ni Teborcio?” tanong ng matanda.

“Sino si Pugot? La Basyang naman! Sa hitsura ikaw nga takot sa mukhang mamamatay-tao, ako pa kaya?” angal na sagot ng dalaga.

“Mabait naman na tao ‘yun, kahit pinagkaitan ng hitsura ay pasado na sa akin yung binata ni Tiborcio,” wika ng matanda.

“Ai, naku! Maglalako na lang ako ng malungay, okra!” sabay tayo sa sahig.

Napailing na lang ang matanda at hinayaan ang dalaga na iligpit ang pinagkainan nila.

Samantala… Si David sa loob ng hotel ay hindi mapakali sa kaiisip sa dalaga. Gusto niya itong makitang muli. Hindi mawala sa kanyang isipan ang hitsura ng dalaga.

“She’s a lovely girl!” sambit ng kanyang puso’t isipan. Nakahiga siya sa malambot na kama, habang sumasagi sa kanya ang nangyari kaninang umaga.

Hindi mapigil ni David ang mapatawang mag-isa, naalala niya ang kanyang hitsura nang muntik nang masubsob ang mukha niya sa dumi ng kabayo; isang karanasan na hindi niya malilimutan. At bago pa niya tuluyang ipinikit ang kanyang bughaw na mata: “I found you! I’m madly in love with you, lovely girl!” mahinang sambit ni David.

Samantala, sa bahay nina Kulaspera, nakahiga na si Lola Basyang sa sahig na may lumang banig na romblon at isang unan at kumot na yari sa sako ng harina.

“Kulasa, huwag mo kalimutang patayin ang kandila bago ka matulog!” bilin ng matanda.

“Opo, La Basyang.” sagot ng dalaga.

Nakaupo si Kulaspera sa may hagdan, habang pinagmamasdan ang bilog na buwan at mga nagningninganan na mga bituin.

Sa katahimikan ng gabi kahit alas 7:00 pa lang ay kay tahimik na ng paligid; medyo malayo kasi sila sa kapitbahay, kaya ang tanging libangan lang ng dalaga ay ang pagmasdan ang mga tala sa kalangitan. Nakadadama siya ng lungkot sa tuwing maalala ang mga magulang niya at awa kay Lola Basyang niya.

Isang malalim na buntong hininga ang kanyang pinakawalan at, “Hala, si Pogi ano nga pala’ng pangalan ng Porener na ‘yun? Hay, naku suwerte sana naging malas nga naman! Pati pangalan hindi ko man lang matandaan. Hay, Lord, sana siya na ang lalaking mamahalin ko noh? Pero, alam ko namang hindi mangyayari iyan. Sino nga ba ako para mangarap nang ganyan hehe! Ang lambot ng kamay niya, Porener man siya Lord sa?” tanong ni Kulaspira sa sarili.

Bigla siyang napatingala sa pagsulpot ng isang falling star.  Naalala niya ang kuwento ni Lola Basyang niya na mag wish. Agad-agad na pumikit si Kulaspira para mag-wish nang… POOOTTTTttttttt! Isang malakas na utot ni Lola Basyang.

“Agoy, sus si Lola naman! Mag-wish na sana ako umutot ka pa! Lola talaga oi!” wika ng dalaga.

“Kulasa, pahiran mo nga ng gaas ang tiyan ko, kinabagan na naman ako!” utos ng matanda.

“Opo!” sagot ng dalaga. Kinuha ni Kulaspera ang lampara at agad na pinahiran ng gas ang tiyan ng matanda at hinilot nang kaunti.

Sa bawat pahid ni Kulaspira sa hapis at kulubot na tiyan ng matanda ay dama niya ang awa. Ito ang naging nanay at lola niya na kahit hindi sila magkadugo ay ipinadama ng matanda sa kanya ang pagmamahal para sa isang tunay na apo.

“Ayan, La Basyang, tama na ‘yan; bago pa mapaso ‘yang tiyan mo sa gas,” sabi ng dalaga.

“Matulog ka na, malamig na sa labas! Itali mo maigi iyang lubid sa pinto at baka pasukin tayo ng masamang tao,” utos ng matanda.

Sumunod naman ang dalaga sa inutos ng kanyang lola. At pagkatapos niyang na i-lock ang pinto ay nahiga na rin siya sa tabi ng matanda sa de kolor na banig na romblon. Ngunit nang ipikit na niya ang kanyang mga mata ay mukha ni David ang kanyang nakita. Ang mayabong na pilikmata nito, ang bughaw na mata at ang makinis na maputi na mukha na tila nang-aakit sa kanya.

Unang gabi sa tanang buhay niya ay nagambala siya ng isang estranghero na ang mukha’y muntik nang masoubsob sa dumi kabayo. Hindi niya maipaliwanag kung ano ang naramdaman niya. Maraming nanligaw sa kanya, pero, ni minsan ay hindi niya naranasan ang ganito.

“Porener, patulugin mo na ako! Maglalako pa ako ng malungay at okra bukas sa bayan! Porener, Porener!” mahinang bigkas ni Kulaspira habang nakatagilid. At isang tahimik na gabi sa pagtulog ng dalawang nilalang na pawang estranghero. Isang bagong kabanata ang nag-uugnay sa panaginip nila;  isang misteryo!

Kinabukasan, maagang nagising si David. Kailangan niyang makita ulit ang babaeng nakita niya. Kaya pagkaligo ay hindi na siya kumain at agad na umalis para puntahan ang baryo Putik-Putik. Sa dalawang oras na biyahe, sa lubak-lubak na kalsada masayang pinagkukunan ni David ang mga magagandang tanawin.

Isa ito sa mga dahilan kung bakit napadpad siya baryo Putik-Putik; dahil sa berdeng kapaligiran at mga ibon na sari-sari.

“Perfect! Wonderful!” tanging linya sa kada-click ng kanyang camera.. Mahigit dalawang oras nang narating ni David ang baryo.

(Itutuloy)

About jovelyn

Im not a good writer but i love to 🙂 Masaya din, Malungkot din (Karanasan ng OFW) this is my first book under my name as a writer and Sindi Ng Lampara OFW stories book with Raquel D. Padilla and DFBI writers, columnist in Pilipino Star Ngayon Middle East [email protected] Super kulit at kalog..proud bisdak at tamad na masipag na yaya:)