The Hour I First Believed (Part 5)

Amazing Grace (Photo Credit: wcpromiseofdawn.com)
Amazing Grace (Photo Credit: wcpromiseofdawn.com)
Amazing Grace (Photo Credit: wcpromiseofdawn.com)

“..When we’ve been there ten thousand years, bright shining as the sun; We’ve no less days to sing God’s praise than when we’d first begun.”

“ Ayan, ang billis mo palang matuto eh,” sabi ni Elena.

Naging mabuti na kaming magkaibigan simula noong araw na iyon. Siya ‘yung babaeng narinig kong tumutugtog ng piano sa loob ng isang maliit na simbahan malapit sa amin. Pinatuloy niya ako sa simbahan noong nakita niya akong nakatingin sa kaniya. Napakabuti niya para sa isang bagong kakilala. Kaunting batian, hanggang sa yayain niya akong magsimba sa kanila. Hindi na bago sa akin ang mga ganung paanyaya. Maliban sa isang bagong pakiramdam, gusto ko siya.

Nakuwento ko sa kaniya na dati akong gitarista sa simbahan, ngunit hindi ko naituloy dahil sa isang aksidente. Sabi niya subukan ko naman daw ang piano, kaya sinubukan ko. Doon kami naging malapit sa isa’t isa. Kahit kami lang dalawa eh, lagi siyang nananalangin bago niya ako turuan. Kakaiba siya. Pinaliliwanag niya rin sa akin ang lyrics ng mga kanta bago niya ituro sa akin.

Ang paborito niyang tugtugin ay ang kantang “Amazing Grace”, ‘yun din ang awiting una kong narinig na tinutugtog niya. Sinasama niya ako sa bawat pagtitipon nila at maging sa pagsimba. Maganda ang mga mata at ngiti niya. Palaka-ibigan at mayumi, matalino pa. Lagi niya akong binabasahan ng mga verses sa bibliya. Nakatutuwa dahil hindi siya ilag sa mga katulad kong patapon ang buhay.

Marami akong nakukuwento sa kaniya tuwing pagkatapos ng simba at tuwing magkakasama kami. Alam na niya ang halos buong kuwento ng buhay ko. Minsan ay napapaluha rin siya kasama ko, minsan ay tahimik lang siya saka tinatapik ang likuran ko. Kahit ganoon ay talagang nakagagaan ng pakiramdam. Hindi ko iyon kinuwento lahat upang kaawaan niya ako at mahulog ang loob niya sa akin. Hindi.

Kinuwento ko iyon dahil kailangan ko ng isang taong makikinig sa lahat na hindi ako hinuhusgahan. ‘Yung isang tao kung saan magaan ang loob kong mag-open up, ‘yung taong tanggap kung sino ako, ano ako, at ang kalagayan ko sa ngayon. Wala ‘yung iba kung hindi siya, si Elena.

Unti-unti niya rin akong nilalapit sa pananampalataya niya, dahan-dahan, araw-araw. Hindi siya sumusuko.

Mahirap maniwalang may Diyos na laging nandiyan, kung hindi niya rin naman pinakikinggan ang mga pagtawag ko. Mahirap maniwalang may Diyos na mapagkalinga, kung lugmok na lugmok ka sa kahirapan. Mahirap maniwalang may Diyos na nagmamahal, kung ang buong buhay mo ay sira. Mahirap maniwalang may Diyos kung hindi mo rin naman naramdaman.

“Naiintindihan kita at ang mga pananaw mo. Ngunit isipin mo, nandito ka sa simbahan, kasama ko. Nilalapit ka Niya sa Kaniya. Alam kong may dahilan Siya sa lahat. Maniwala ka lang, ‘wag kang mawalan ng pag-asa,” ang laging sagot niya. Ipapanalangin niya ako pagkatapos. Habang nakapikit siya, nakatingin lang ako sa kaniya, at sinasabi sa sarili na “Salamat at nandiyan ka,”.

“Mahal na kita,” Ang sabi ko isang gabi habang nakatingala kami sa mga butuin sa itaas ng bubong namin. Lagi kaming nakatambay doon tuwing hapon ng Linggo,ilang buwan na rin naming ginagawa ‘to. Hinihintay ang paglabas ng bituin at buwan tuwing magdadapit-hapon. Mahilig kasi siya doon, sabi ko nga, kakaiba siya. Tumatawa siya noon dahil sa katatapos ko palang na kuwento ng mga kalokohan ko noong bata pa ako. “Ano?” tanong niya nang nakangiti habang nakatingin sa akin. “Ang sabi ko, mahal na kita,” muling sabi ko.

Napatulala siya sa akin, saka umaktong aalis ng puwesto.

“Hindi ko naman hinihiling na magustuhan mo rin ako. Alam ko na hindi tayo bagay sa isa’t isa, mahirap lang ako at walang matinong natapos, hindi tulad mo. Sinabi ko lang dahil mabigat na sa pakiramdam, at alam kong makikinig ka,” pigil ko.

Tumahimik ang paligid, narinig ko rin ang paghinga niya nang malalim bago siya magsalita. “Hindi naman ako ganun eh, hindi ko naman hinuhusgahan ang isang tao dahil sa natapos at nakamit niya sa buhay. Alam mo naman na hindi ako ganun ‘di ba? Kaya sana ‘wag mong sabihin na mahirap ka lang at hindi tayo bagay. Dahil… dahil sa tingin ko… gusto na rin kita,” sabi niya habang nakayuko. Ang bilis ng tibok ng puso ko noong mga oras na iyon, noon lang ako naging lubos na masaya, noon ko lang naramdaman iyon. “…ayoko lang sabihin kaagad dahil gusto kong mapatunayan muna sa sarili ko na totoo ‘yung nararamdaman ko. Pero ngayon, alam ko na. Gusto nga kita,”. Pagkatapos ng mga katagang iyon, sabay kaming napangiti at napaluha.

Tunay ang nararamdaman ko kay Elena seryoso ako sa kaniya. Siya lamang ang magandang nangyari sa buhay ko simula ng pumanaw si Nanay. Habang dumadaan ang mga araw, lalo siyang nagiging mahalaga sa akin. Hanggang sa dumating ang isa, dalawa, at ang ikatlong Linggo na hindi ko siya nakita. Nalaman ko na lang mula sa isang kaibigan na inilalayo siya sa akin. Ayaw daw ng pamilya ni Elena sa akin.

Ginawa ko ang lahat upang makita si Elena. Pinuntahan ko siya sa kanila, nagmakaawa sa pamilya niya, ngunit bigo ako. Kinausap naman nila ako ng maayos at pinakiharapan ng mabuti. Ngunit ang kapalit noon ay ang pangakong lalayuan siya habang inaayos ang buhay ko. Wala akong magagawa at hindi ko sila masisisi. Kahit kailan ang taong tulad ko ay hindi naging bagay at naging karapat-dapat sa kaniya.

Umuwi ako na bigo at sugatan ang puso. Nagkulong sa kuwarto saka inilabas ang lahat ng sama ng loob, at iniiyak ang kanina pang pinipigilang mga luha. Pumikit ako saka kina-usap muli ang Diyos na sinasabi nila. Ngayon hindi upang sisihin at magalit, kung hindi upang humingi ng tulong, gabay at awa. Wala na akong pamilyang maayos, sira na ang buhay ko, wala na si Elena, tanging Siya na lamang ang nandiyan, kung nandiyan nga talaga Siya. Iyon muli ang unang beses kong nanalangin ng taos sa puso simula ng mawala si Nanay.

Para sa pagmamahal kay Elena, handa akong ayusin ang buhay ko. Umaasa akong magiging matuwid muli ang lahat, sa tulong Niya.

(Itutuloy…)

___________________________________________________________________________________

Ang akdang ito ay ibinase sa tunay na mga pangyayari. Kahit ano mang pakakapareho sa pangalan, karakter, lugar at insidente na napapaloob sa kuwento mula sa ibang mga tunay din na kaganapan ay nagkataon lamang at hindi sinasadya.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.