The Hour I First Believed (Part 4)

Amazing Grace (Photo Credit: wcpromiseofdawn.com)
Amazing Grace (Photo Credit: wcpromiseofdawn.com)
Amazing Grace (Photo Credit: wcpromiseofdawn.com)

“…My God has promised good to me, whose word my hope secures. God will my shield and portion be, as long as life endures.”

Panaginip lang siguro ang lahat. ‘Yan ang naiisip ko habang naglalakad ako sa kalsada noong umaga ng Sabado. Lumiwanag ang langit at nakarinig ng mala-anghel na mga awitan? Imposible.

Gutom akong nagising noon sa ilalim ng isang puno. Hindi ko alam kung paano ko nalagpasan ang gabing natulog sa labas. Naglakad lang ako nang naglakad, hanggang sa mapadpad ako sa isang pamilyar na kalsada. Malapit na ako sa amin. Medyo kinakabahan kung anong dadatnan sa bahay, pero bahala na siguro. Dumire-diretso ako sa loob ng bahay, nakita ako ni Tatay ngunit tahimik lang siya, nginitian ako ni Mirasol ngunit hindi ko siya pinansin. Nagkulong lang ako sa kuwarto maghapon.

Si Ate Nita at ang tatlo kong kabarkada ang bumungad sa akin kinaumagahan ng Linggo. Hinihintay nila ako sa sala, bagong ligo at nakabihis na. “Tara, magsimba na tayo,” sabi ni Ate Nita. Wala akong nagawa, dahan-dahan akong naligo at nagbihis. Aaminin ko, napilitan lang ako.

Kantahan, palakpakan, at makinig sa nagsasalita. ‘Yan ang ginagawa nila sa loob ng simbahan na iyon. Kahit na tumatayo ako habang nag-aawitan sila, wala akong paki-alam. Lumilipad ang isip ko kung saan-saan, hindi ako mapakali sa kinalalagyan ko, hinihintay kong matapos ang lahat. Tanghali na nang matapos ang simba, pinakilala kami ni Ate Nita sa mga kabataan nila. Ayos naman sila, mukha namang masaya. Saka kami pinapili kung anong instrumento ang nais namin subukang tugtugin. Hinawakan ko ang gitara.

“Gusto mo niyan?” tanong ng isa nilang kabataan doon, si Kuya Renz.

“Ah, hindi. Tinigtignan ko lang,” sagot ko.

Naupo si Kuya Renz sa tabi ko, at nag-usap kami saglit. Saka niya ako tinuruan kung paano tumugtog ng gitara. Sinubukan ko naman, at aaminin kong nagustuhan ko iyon, kaya ko pala. Natuwa nga sila dahil ang bilis ko raw matuto. Basta sa lahat daw ng gagawin ko, gawin ko raw upang itaas ang pangalan ng Diyos at hindi ang sarili ko. Medyo kumunot ang noo ko noon. Paano ko iyon gagawin? Eh, galit nga ako sa Kaniya? Bahala na, basta gusto ko tumugtog. Ayos na siguro iyon.

Napapadalas na ako sa simbahan na iyon. Hindi upang magsimba, kung hindi upang magpaturo sa pagtugtog ng  gitara. Hanggang sa naging kasama na nila ako sa tinatawag nilang “Praise Team”. Nakatatawa ‘yung pangalan, pero sige na nga. Ang sarap sa pakiramdam kapag nakikita ko silang nasisiyahan sa tugtog. Nakatatawa nga lang, ngunit hindi nagpapahalata kapag bilang napapa-iyak ‘yung bokalista at ‘yung ibang mga kasama ko  habang umaawit at tumutugtog.

Maraming nakabalita na kapit-bahay at ilang kaklase na mahusay daw ako. ‘Yan mayabang na naman ako, rakista raw eh. Maraming nag-aayang kumuha sa akin bilang gitarista sa mga banda. Subukan ko naman daw ang ibang genre. ‘Yung tipong sigawan at malakas na tugtugan, ‘yun daw ang uso eh. ‘Yun daw ang totoong astig. Kaya sa madaling salita, sinubukan ko.Totoo nga, ang lakas ng tugtugan. Metal daw ang tawag doon; nakabibingi, puro sigawan, at puro galit ang lahat ng lyrics ng mga awitin. Nailalabas ko rin ang lahat ng bigat sa dibdib pagkatapos. Nawili ako, at tuluyang napabayaan ang simbahan.

Astig na ako at mukhang matapang na ulit. Hanggang sa may dumating muli na hindi inaasahang pangyayari.

Naaksidente ako at ang sinasakyan kong motor pagkatapos naming tumugtog. Nabali ang kaliwang braso ko. Tinahi, ginamot at sinemento iyon. Ilang linggo rin akong pabalik-balik noon sa ospital. Matagal din akong hindi nakatugtog. Sumama muli ang loob ko sa Kaniya. ‘Yun na nga lang ang alam kong matinong gawin sa buhay ko, sisirain Niya pa? Mukhang gusto Niya yata talagang mag-solvent na lang ako habang buhay.

As usual, walang paki-alam si Tatay. Ako ang gumagamot sa sarili ko, hindi niya na rin ako dinadala ng ospital habang tumatagal. Ayoko ding tulungan ako ni Mirasol, lalo na at malapit na silang magkaroon ng anak ni Tatay. Baka mamroblema pa siya masyado at anong mangyari sa bata, ako pa ang sisihin.

Natapos ko ang highschool ng ganoon. Gumaling ang nabali kong braso ngunit hindi na ako nagpatuloy sa pagtugtog. Sa simbahan man o maging sa labas. Nanganak na rin si mirasol, at ngayon ay nagdadalangtao na naman. Hindi pa rin maayos ang samahan namin ni Tatay. Hindi ko rin alam kung maaayos pa iyon.

Kinuha ako ng kapatid ni Nanay na nasa Maynila. Sinabi na doon muna ako sa kanila. Mas okay na rin iyon sa akin dahil ayoko na sa bahay. May pamilya na doon si Tatay, ayoko nang isiksik pa ang sarili ko. Akala ko ay papag-aralin nila ako ng kolehiyo doon. Pero mukhang malabo, maliliit pa kasi ang tatlong anak nila Tita Marie. Siguro ay pinatira lang nila ako sa kanila dahil sa awa, hindi ko alam. Ngunit sabi ko nga, mas mabuti na ito.

Katagalan ay nahiya rin ako sa kanila, kailangan ko maghanap ng trabaho. Highschool lang ang natapos ko kaya naman hindi na ako dapat maging mapili. Naging konduktor ako ng bus. Bumabiyahe iyon mula probinsya hanggang Maynila. Halos isang ton din iyon. Kailangan kong mag-ipon upang mapag-aral ang sarili at makatapos ng kolehiyo. Ngunit katagalan, sumuko rin ang katawan ko, hindi ko rin kinaya.

Naka-upo ako noon sa harap ng bakuran nina Tita. Malalim ang iniisip; mula noong nawala si Nanay, hanggang sa mga pinagdadaanan ko sa ngayon. Nawawalan na ako ng pag-asang makapag-aral muli. Tutulo na sana ang luha nang makarinig ako ng isang magandang awitin galing sa piano. Akala ko noon ay nananaginip na nanaman ako. Pero hindi, galing iyon sa isa sa mga bahay malapit dito.

Sinundan ko ang tunog, hanggang sa nakita ko ang isang babae na kasing edad ko at buong pusong tumutugtog.

(Itutuloy…)

___________________________________________________________________________________

Ang akdang ito ay ibinase sa tunay na mga pangyayari. Kahit ano mang pakakapareho sa pangalan, karakter, lugar at insidente na napapaloob sa kuwento mula sa ibang mga tunay din na kaganapan ay nagkataon lamang at hindi sinasadya.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.