The Hour I First Believed (Part 3)

Amazing Grace (Photo Credit: wcpromiseofdawn.com)
Amazing Grace (Photo Credit: wcpromiseofdawn.com)
Amazing Grace (Photo Credit: wcpromiseofdawn.com)

“…Through many dangers, toils, and snares, I have already come. ‘Tis grace has brought me safe thus far, and grace will lead me home.”

“ Magbasa ng bibliya? Naku, alam mo ate hindi naman ako ignorante ‘pag dating sa ganyan. Nakabasa na rin ako niyan noong bata ako eh. Nahahati na dagat, dumadaming tinapay at isda, nabubuhay na patay? Tss… Napanuod ko na ‘yan sa pelikula; fairytales, wizards, superhero? ‘Marami niyan sa T.V., pasensya na po,” sabi ko sa isang ale na kumatok sa pintuan at nag-ayang magbasa kami ng bibliya.

Hindi ko na kilala ang sarili ko noon, naging mas malala pa yata simula noong tumungtong ako sa highschool. Barkada doon, barkada dito. Cutting classes doon, hithit ng solvent dito. Sabi ko nga, hindi ko na noon kilala ang sarili ko.

Katuwaan lang naman daw eh, pakikisama, isama mo na rin ang kuryosidad. Nakatapos nga ako ng elementarya dahil sa mga kalokohan ko, ano pa ba ang masamang pwedeng mangyari? Wala naman din pakialam na si Tatay. Na sa ngayon eh, mukhang may ipapalit na rin kay Nanay.

Sobrang sumama talaga ang loob ko noon, nang ipakilala niya ang babae niya sa akin. Kailan man,  kahit na sino ay hindi mapapalitan ang pwesto ng nanay ko. Toyo na may mantika at kung minsan ay asin na nga lang ang inuulam ko dahil sa hirap ng buhay, at dahil wala siyang matinong trabaho, mag-uuwi pa siya ng babae? Bakit ba hindi na lang niya pagtuonan ng pansin kaming mga magkakapatid? Hindi ba siya nahihiyang ang ibang tao ang nagpapa-aral sa mga anak niya? At ang panganay niyang anak eh, kumakayod para lamang makatapos?

Sinabi ko ang lahat sa mga kapatid ko noon, ngunit hindi ko sila maintindihan. “Kuya, pabayaan mo na lang si Tatay, baka gusto na rin niya ng katuwang sa buhay. Ilang taon na rin wala si Nanay, hilingin na lang nating maging masaya muli siya,” ang sabi nila.

Hindi ko sila maintindihan! Kung sa bagay, hindi naman sila nagugutom, hindi naman sila ang binubugbog, hindi naman sila ang nag-uulam ng asin at toyo. Babae kasi sila, kaya naman mahina ang loob at malalambot ang puso. Hindi naman sila ang panganay, hindi kasi sila ang kuya.

Tuloy ang paghithit ko noon ng solvent kasama ang mga barkada ko. Pagkatapos sa eskuwela, nagyayaya na sila. Minsan hindi ako sumasama, pero kapag naaalala ko ang lahat ng problema, at ang madilim na tahanang uuwian ko? Aba, why not? Pagkatapos ng lahat, malaya ako sa sariling mundo ko, walang problema, ang gaan ng lahat. Ganun ang naging libangan ko tuwing nalulugmok ako sa kalungkutan.

Hanggang isang araw…

Biyernes iyon ng tanghali, katatapos lang namin mag-“jamming” ng mga kabarkada ko sa likod ng eskuwelahan. Nang may biglang humabol sa amin, mga tanod ng barangay. Dahil sa lutang at mahina, sa madaling salita, nahuli kami. Dinala kami sa isang maliit na presinto at kina-usap. Hindi kami makapagkaila noon, hawak pa namin ang mga ebidensya.

Nagmamakaawa kami noon upang huwag makulong. Ngunit may isang ale na nasa tabi ko na biglang nalang na nagsabi; “Sige na, ako na bahala sa kanila, may pagdadalhan ako sa apat na ‘yan,”. Natatandaan ko siya, siya ‘yung ale noong nakaraang araw na kumatok sa pinto at nag-aayang magbasa kami ng bibliya.

Umayon naman ang mga tanod, ayaw na rin siguro nilang mamroblema sa amin. Siguro nga mas okay na ‘to kaysa matulog sa kulungan. Mukhang mabait naman din ang ale. Ay, si Ate Nita pala, ‘yun daw ang pangalan niya.

Tama ang hinala ko, dinala niya kami sa isang maliit na simbahan. Doon ay pinawalisan niya sa amin ang sahig, nagtanggal din ako ng alikabok at saka nagbunot at nagpakintab ng sahig, dingding at iba pang mga kagamitan. Pinakain niya rin kami at binasahan ng maikling kuwento galing sa bibliya pagkatapos. Hindi ko na matandaan, hindi kasi ako nakikinig. Saka niya kami inayang magsimba tuwing Linggo, at tinanong kung gusto naming tumugtog para sa simbahan. Siyempre sabi namin “Opo”, kahit hindi sigurado.

Totoo nga ang kasabihan; “May tainga ang lupa, at maraming tsismosa”. Pagdating sa bahay, isang malakas na suntok ang humagip sa pisngi ko. Napatumba ako sa lupa sa sobrang lakas, at namanhid ang buong mukha ko. Sinuntok ako ni Tatay. Si Mirasol naman, ‘yung babae niya, inaaawat siya.

“Ang lakas naman ng loob mong umuwi pa ng bahay, pinahiya mo na ako! Wala kang respeto!” sabi niya.

Pumanting ang tainga ko sa mga sinabi niya, “Hindi ako ang nagpahiya sa iyo! Matagal ka nang napahiya sa maraming tao dahil sa ginawa mo mula nang mawala si Nanay! Oo! Wala akong respeto sa ‘yo! Kasalanan mo ‘to!” nabulabog ang lahat sa naging away namin ni Tatay. Sasapakin niya pa sana akong muli nang humarang ‘yung babae niya at sabihing “Tama na!”. Doon ako biglang tumakbo nang tumakbo papalayo sa bahay.

Namalayan ko na lang ang sariling hinihingal at walang tigil na umiiyak. Kung hindi lang sana nawala si Nanay, hindi ganito ang lahat. Napasandal ako sa puno at napatingin sa buwan at mga bituin sa itaas. Hinahanap ko si Nanay, kailangan ko siya lalo na ngayon. Hindi ko na alam ang gagawin ko sa buhay ko. Pagod na akong tumakbo nang tumakbo. Puro hirap, puro kamalasan simula ng nawala siya. Hindi ko maiwasang sisihing muli ang Diyos sa lahat.

Hindi ko alam kung dahil sa solvent na nahithit ko kanina, o dahil sa lakas ng suntok ni Tatay. Sa gitna ng katahimikan at kadiliman ng paligid, bigla ko na lang nakitang nagliwanag ang langit kung saan ako nakatingala. Nakarinig din ako ng mga awitan. Saka ako nakaramdam ng kapayapaan at biglang napapikit.

(Itutuloy…)

___________________________________________________________________________________

Ang akdang ito ay ibinase sa tunay na mga pangyayari. Kahit ano mang pakakapareho sa pangalan, karakter, lugar at insidente na napapaloob sa kuwento mula sa ibang mga tunay din na kaganapan ay nagkataon lamang at hindi sinasadya.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.