The Hour I First Believed (Part 2)

Amazing Grace (Photo Credit: wcpromiseofdawn.com)
Amazing Grace (Photo Credit: wcpromiseofdawn.com)
Amazing Grace (Photo Credit: wcpromiseofdawn.com)

“…’Twas grace that taught my heart to fear, and grace my fears relieved. How precious did that grace appear, the hour I first believed.”

Tuwang-tuwa ako noon tuwing ako ang magpapakain kay Nanay. Ang tagal na niya dito sa ospital, ‘yung taning ng doktor na tatlong buwan, lagpas na. Talagang natutuwa ako.

Kinukuwentuhan ko palagi si Nanay tungkol sa pagpasok ko sa eskuwela. Kinukuwento ko rin kung papaano ako tumutulong kay tatay sa tindahan, at kung papaano ako nagiging kuya sa mga maliliit ko na kapatid.

“Ang galing naman ni kuya,” sabi niya ng dahan-dahan habang nakangiti. “Ipagpatuloy mo ‘yan, ayusin mo ang pag-aaral at maging mabuti kang kuya sa mga kapatid mo ah,”

“Opo naman siyempre, Nanay!” sagot ko naman.

Tingin ko, talagang dininig ng Diyos ‘yung panalangin namin. Makakasama pa namin si Nanay ng matagal. ‘Yung sinasabi ng mga doktor na wala nang pag-asa? Hindi ako naniniwala. Sa makalawa nga, balak na namin ilabas si Nanay dito sa ospital. Tingin kasi namin ni Tatay kaya na namin siyang alagaan sa bahay. Tingin din namin, sinasadya na lang ng mga doktor na magtagal kami para marami silang masingil sa bandang huli.

Mabuti naman at pumayag na ang mga doktor sa kahilingan namin. Kaunting pirmhahan at usap, okay na. Ganito lang pala kadali ‘yun, magiging malapit nang muli si Nanay sa aming lahat.

Nasasabik kaming magkakapatid na naglinis ng bahay. Pati ‘yung kuwarto ng nanay at tatay nilinis din namin. Ako na rin yung naglaba ng mga damit ni Nanay, kailangan niya ang mga iyon pag-uwi. Pagkatapos ng pag-ayos ng bahay, nasasabik kaming tumungo lahat sa ospital upang sunduin siya.

Ngunit ang bilis ng tibok ng puso dahil sa pananabik, ay napalitan ng pag-aalala noong umagang iyon. Nang ang bumungad sa amin ay ang mga doktor at nars sa tabi ng higaan ni Nanay. Yumuko sila pagdating namin. May binulong ang doktor kay Tatay, saka siya marahang tinapik sa balikat.

Nakatulala lang ako noon, nakikiramdam at nagmamasid sa lahat. Nang biglang umiyak ng napakalakas si Tatay habang patakbong papalapit kay Nanay. Hindi ako makagalaw, kahit na hindi nila sinasabi ang nangyari, tila alam ko na kaagad. Dahan-dahan akong lumapit kay Tatay at sa mga kapatid kong nag-iiyakan. Kitang kita ko ang hirap ng paghinga ni Nanay at ang pag-agos ng luha sa mga mata niya. Hawak ko ang kamay niya, hawak ko iyon ng mahigpit, hanggang sa tuluyang matapos ang lahat. Wala na, wala na si Nanay.

Ang mga pangyayaring iyon ang nasa mga panaginip ko tuwing gabi. Pagkatapos noon, gabi-gabi akong pumipikit, hindi upang manalangin kung hindi upang umiyak. Sinisisi ko ang Diyos sa lahat ng mga pangyayari. Pinaasa Niya lang kami. Akala ko ba ayos na? Akala ko ba mahal Niya ang mga anak Niya? Pinahirapan lang Niya si Nanay ng ganoon para kunin lang din? Naglingkod si Nanay sa Kaniya ngunit hindi Siya naging matapat! Inubos lang Niya lahat ng ipon ni Nanay at Tatay para sa wala? Napakalupit Niya, napakalupit!

Araw-araw kong dinadagukan ang dibdib dahil sa bigat at sakit. Tuwing umaga, bago bumangon at maglako ng pandesal. Oo, nagbago na nga nang tuluyan ang lahat simula noon. Unti-unting nalulugi ang tindahan, hindi sapat ang kita ni Tatay. Lalo na ngayon at lugmok na lugmok na siya mula nang mawala si Nanay.  Nangako ako kay Nanay na mag-aaral ako ng maayos, at kailangan kong kumayod upang matupad iyon.

Anim na buwan matapos mawala si Nanay, nagsimula akong maglako ng pandesal sa lugar namin. Nagigising ng alas kuwatro ng umaga upang sumigaw ng malakas at manggising.

“Pandesaaaaaal!”

Kailangan kong lunukin ang hiya at kalimutan ang yabang. Wala na si Nanay, lugmok si Tatay sa alak halos araw-araw. Ako ang panganay, at kailangan ko mag-aral.

Ang dating maliwanag na tahanan, ay isa na sa mga pinakamadidilim na bahagi ng aming barangay noon. Literal, dahil wala kami palaging kuryente. Kailangan ko maging matatag, at hindi naging madali ang lahat. Ayoko magmukhang kawawa, ayokong kaawaan kaming magkakapatid. Kaya naman sumasama ako sa mga pinakamaaangas na kabataan noon sa eskuwela. Hanggang isang araw, nakita ko nalang ang sariling kasama nilang tumatalon sa pader ng eskuwelahan. Para sa pakikisama, para sa angas, para sa respeto.

Hindi ko alam kung papaano pa ako nakapagtapos ng elementarya noon dahil sa ganung ugali ko. Ayos naman pala eh, wala naman palang masamang mangyayari.

Ang mga kapatid ko naman, hayun , kinuha na ng mga tito at tita ko. Mabuti iyon sa kanila, ngayon, ako na lang ang aasikasuhin ni Tatay. Ay, mali, hindi pala “aasikasuhin” kasi hindi niya naman ako inaasikaso. Ako ang nagpapa-aral sa sarili ko, sa pamamagitan ng mga sariling diskarte. Kung mayroon akong dapat pasalamatan dahil sa pagtatapos ko sa elementarya? Iyon ay ang sarili ko. Wala nga siya noong tanggapin ko ang diploma eh, bakit ako magpapasalamat?

Isa pa, saan ako magpapasalamat? Sa mga pasa ko sa katawan na kagagawan niya? Oo, nag-iba na rin siya. Hindi na nagtra-trabaho,umaasa na lang din sa mga kapatid niya. Laging nag-iinom, kaya palaging lasing, kaya palaging galit, kaya ako bugbog sarado. Tingin ko rin nasanay na ako rito eh. Manhid na ang katawan ko, bingi na ako sa mga masasakit na salita at mura niya.

Kung nandito lang sana si Nanay, kung dininig lang sana ng Diyos ang mga panalangin at pagluha namin noon, hindi naman sana ganito eh. Hindi sana nagkaganito.

(Itutuloy…)

___________________________________________________________________________________

Ang akdang ito ay ibinase sa tunay na mga pangyayari. Kahit ano mang pakakapareho sa pangalan, karakter, lugar at insidente na napapaloob sa kuwento mula sa ibang mga tunay din na kaganapan ay nagkataon lamang at hindi sinasadya.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.