The Hour I First Believed (Part 1)

Amazing Grace (Photo Credit: wcpromiseofdawn.com)

 

Amazing Grace (Photo Credit: wcpromiseofdawn.com)
Amazing Grace (Photo Credit: wcpromiseofdawn.com)

“Amazing grace, how sweet the sound that saved a wretch like me. I once was lost, but now am found, was blind but now I see.”

Ako si JV. Hindi ko na sasabihin ang buo kong pangalan, sapat na siguro ang palayaw. Una, dahil hindi n’yo rin naman ako makikita. Pangalawa, ma-curious pa kayo at i-search ang pangalan ko sa internet. Naku, mahirap na. Safe na ang JV sa ngayon, tutal kapag nag-search kayo niyan ngayon sa Google. Libo na ang lalabas sa results niyan, imposible na akong makita.

Anyway, itong kuwento ko eh masasabi kong normal na medyo hindi. Ang gulo ‘no? Normal siya kasi kung mababasa ng iba, pwede nilang maisip na boring at parang “one-of-those” na testimonies lang. Oo, testimony ‘to (hindi ba halata sa titulo?), kaya kung ayaw mong magbasa ng mga tulad nito, pwede namang huwag mo muna basahin. Pero sasabihin ko sa ’yo, habang wala ka namang ginagawa, stay. Malay mo naman may makatulong sa iyo.

Nasaan na nga ba tayo? Ah… oo nga pala. Medyo hindi naman siya naging normal, dahil naniniwala ako na ang bawat isa ay may kakaibang kuwento ng buhay.

Ang drama ba ng umpisa? Sige, simulan natin sa medyo light na usapan.

Dalawampu’t anim na taon na ako sa ngayon, pero iaatras ko ang simula ng kuwento noong kamusmusan ko.

Tatlo kaming magkakapatid, at ako ang panganay. Ang aking nanay ay may maliit na tindahan sa tabing bahay. Si Tatay naman ay isang karpentero. Hindi naman kami ganun kayaman, hindi ko rin naman masasabing naghihirap kami. Sapat ang kita ni Nanay at Tatay sa aming tatlong magkakapatid. Lalo na at sa probinsya kami nakatira at ako pa lamang ang nag-aaral noong mga panahong iyon.

Masaya naman kami noon. Masasabi ko na isa kami sa mga pinagpalang mga bata, dahil buo ang pamilya at may pasalubong tuwing darating ang tatay galing trabaho. May bagong damit at laruan tuwing may sobrang kita si Nanay sa tindahan. Ang sarap pa nga palagi ng mga ulam namin noon eh. Aba, kapag nagluto si Nanay ng sinabawang isda, taob ang kaldero. Ang simpleng ulam para sa iba, ay ginto na para sa amin basta si Nanay ang nagluto. Walang katulad!

Isa ang tahanan namin sa may mga pinakamaliliwanag na ilaw tuwing malapit na ang kapaskuhan. Tawanan, kuwentuhan, kainan, bigayan ng regalo, mga palaro at kantahan. Masasabi ko na kahit hindi kami mayaman, may magandang reputasyon ang aking pamilya sa aming komunidad.

Madalas din naman kami magsimba noon. Naglilingkod si Nanay noon sa simbahan at palagi kaming nananalangin. Ngunit bilang bata dati ay wala akong pakialam sa mga ganun. Parang ang pagsimba noon ay isa lamang tradisyon, parang routine na hindi kailangang makalimutang gawin sa loob ng isang linggo.

Marami akong naipagmamayabang sa mga kaibigan ko na mga bagong damit at laruan. Iniinggit ko sila at para bang ang sarap sa pakiramdam noon. Kasi ako ang sikat, ako ang maraming kaibigan! Bago ang bag at uniporme ko tuwing malapit na ang pasukan, ang puputi pa at ang babango. Ang yabang ko noong maglakad. Tingin ko naman ay normal iyon sa isang bata lalo na kung mayroon talaga siyang maipagmamalaki.

Hindi lang naman ako nagmamayabang nang walang dahilan. Aba, lagi ding ako noong nangunguna sa klase! Tutok kasi si nanay sa pag-aaral naming tatlong magkakapatid. Lagi kaming may bagong libro. Kahit hindi kami noon mayaman eh, pinag-iipunan iyon ni Nanay para may lagi kaming bagong matututunan.

Nagpatuloy ang lahat ng kasaganahan at kasiyahan hanggang sa maging walong taong gulang ako. Noong nalaman naming may sakit si Nanay at taningan siya ng Doktor. May Cancer daw siya. Kahit na bata palang ako noon at wala pang gaanong alam pagdating sa mga ganung sakit, hindi ko mapigilang hindi mabagabag nang marinig ko ang mga salitang “Cancer” at “Tatlong buwan”.

Akala ko noong una ay parang wala lang, iyon bang tipong lagnat lang na mawawala kaagad. Akala ko panaginip lang, na sa isang iglap ay pwede kaming magising sa realidad. Ngunit hindi, totoo pala na nangyayari ang lahat. Unti-unting nanghihina ang nanay, ‘yung dating masipag na katawan ay unti-unti ring kinakain at pinahihina ng sakit niya. Doon ko napagtanto na totoo pala ito.

Mula noon, nakikita ko na naglalasing palagi si Tatay. Lagi siyang nakayuko, takip ang bibig at humihikbi sa dilim. Akala niya siguro hindi namin siya nakikita. Lagi siyang nakangiti tuwing dadalawin namin si Nanay sa ospital sa araw, pero ganon ko siya nakikita tuwing gabi. Kulang din ang kita sa tindahan at sa pagkakarpentero ni Tatay. Kulang sa mga gamot at therapies ni Nanay, sa mga bayarin sa ospital, sa pagkain at pag-aaral naming mga magkakapatid. Kulang na kulang ang lahat.

Mula sa pagiging mayabang sa klase, lagi na akong wala sa sarili at minsan ay biglang mapatutulala. Napapabayaan ang pag-aaral, ang dating laging nangunguna pagdating sa mga pagsusulit, lagi nang kulelat. Naglalakad na lang din kami noon mula sa bahay patungong eskuwela. Parang ang bilis ng lahat, nagbago kaagad sa isang iglap. Kailangan daw namin matutong mamaluktot habang maiksi ang kumot sabi ni Tatay. Ngunit balewala sa akin ang biglaang pagbabago, ang mahalaga ay si Nanay.

Hindi na rin kami nagsisimba, para saan pa? Mas mahalaga sa amin noong dalawin at makita si Nanay tuwing walang pasok. Pero nananalangin kami, sobra. Kailangan at mahal na mahal namin si Nanay at hindi namin kayang mawala siya.

(Itutuloy…)

___________________________________________________________________________________

Ang akdang ito ay ibinase sa tunay na mga pangyayari. Kahit ano mang pakakapareho sa pangalan, karakter, lugar at insidente na napapaloob sa kuwento mula sa ibang mga tunay din na kaganapan ay nagkataon lamang at hindi sinasadya.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.