The Hour I First Believed (Finale)

Amazing Grace (Photo Credit: wcpromiseofdawn.com)
Amazing Grace (Photo Credit: wcpromiseofdawn.com)
Amazing Grace (Photo Credit: wcpromiseofdawn.com)

Ngayon, naisip ko na halos buong buhay ko pala ay sinayang ko dahil sa galit. Galit sa Diyos, galit kay Tatay, at galit sa naging takbo ng mga pangyayari.  Ang galit na lalo pang pinatindi ng mga pagsubok sa buhay, at ilang beses na pagkakadapa. Ang galit na unti-unting nagtakip sa mga mata ko sa mga dumarating na saklolo at biyaya.

Oo, naranasan ko ang mga bagay na hindi pa dapat nararanasan ng isang bata habang nag-aaral ako dati. Nagtrabaho at gumigising ng napaka-aga para lamang may pambaon. Ngunit ang mas mahalaga ay naitaguyod ko ang sarili at nakapagtapos ng elementarya. Oo, nalulong nga ako sa isang masamang bisyo at napabarkada. Ngunit dumating ang ilang mga tao upang saklolohan ako, ilayo mula sa lalong pagkakapariwara sa kulungan at ilapit sa simbahan. Oo, naaksidente ako at hindi na nakapagpatuloy sa pagtugtog. Ngunit nakatapos pa rin ako ng highschool, napunta sa Maynila, natuto ng isa pang instrumento at higit sa lahat, nakilala si Elena.

Nakalulungkot dahil ang lahat ng magagandang pangyayaring iyon ay hindi ko nakita dati.

 Maraming rin ang naitulong ng pag-ibig ko kay Elena sa naging takbo ng buhay ko. Ito ang muling nagpaalala sa akin sa mga pangakong binitiwan ko sa tabi ni Nanay noon. Ang pangakong aayusin ko ang pag-aaral at huwag pababayaan ang mga mahal ko sa buhay. Ito ang gumabay sa akin pabalik sa mga pangyayari noong kabataan ko, kung kailan maayos pa ang takbo ng lahat. Ang nagtanggal nang unti-unti, sa galit na nagpapabigat sa mga dalahin ko.  Ang nagpaalala na ang pananampalataya ay hindi pala nasusukat sa kung anong nakikita mong biyaya, kung hindi ito pala ay ang kabaliktaran. Ang pananampalataya ay ang paniniwala sa mga bagay na hindi nakikita o nararamdaman.

Hindi man ako mayaman ngunit nakapagtapos ako ng kolehiyo, sa kursong Architecture. Paano nangyaring nakapagtapos ako? Naging full scholar kasi ako sa kolehiyong pinasukan ko, pumayag din sila na kahit papaano ay tumulong ako sa library nila doon. Kaya kahit paano nakapag-aaral at may pambaon at panggastos. Isa ako sa mga pinakamatatanda sa klase, ngunit doon ko napatunayan na, totoo palang hindi hadlang ang edad para matupad ang pangarap. Malaki rin ang naitulong nina Tita Marie. Wala naman silang pinakitang masamang tinapay sa akin mula nang tumira ako dito sa Maynila.

Naitaguyod ko na rin ang mga kapatid ko, at sa ilan pang mga panalangin, makatatapos na rin sila. Naipaayos ko na rin ang bahay namin sa probinsya. Nandoon pa rin si Tatay, si Tita Mirasol, at ang dalawang bunso kong kapatid. Napatawad ko na si Tatay sa lahat ng nangyari at nagawa niya sa akin. Parang mga bata kaming nag-iyakan at nagkayakap noong huling uwi ko sa probinsya. Lumuhod siya sa harapan ko at buong pusong humingi ng tawad. Ngunit bago pa man, napatawad ko na siya.

Pagkatapos nito, balak ko sanang mag-aral muli ng Fine Arts o kaya naman ay Church Music. Kahit anong mauna sa dalawa, hindi naman ako nagmamadali. Pero mas mukhang mauuna ang Fine Arts, para maiba naman. Kahit hindi naman kasi ako nag-aral ng pormal ng Church Music ay nakatutugtog ako dito sa simbahan, nakababasa na rin ng nota at leader ng choir group namin. Malaki ang naitulong ng mga naituro ni Elena noon. Nakapagsulat na rin ako ng ilang mga kanta. Pero paborito ko pa rin tugtugin ang “Amazing Grace”, napaiiyak pa nga ako kahit ngayon tuwing aawitin ko iyon. Ngayon, naiintindihan ko na kung bakit sila dati nag-iiyakan habang kumakanta. ‘Yung bawat lyrics kasi, bumabaon.

Tuwing babalikan ko ang mga naging pangyayari sa buhay ko, natutuwa na lang ako kung papaano kumilos ang Diyos. Isa lang ang masasabi ko, amazing talaga. Kumikilos nga talaga Siya sa mga paraan na hindi natin akalain. Mula nang hingin ko ang habag at tulong Niya, pati na ang isa pang pagkakataon, hindi na Niya ako binigo. Maaari ngang ako lang talaga ang hinihintay Niyang lumapit at muling kumilala sa Kaniya. Niyakap Niya naman akong muli. Pinaramdam Niya sa akin na kahit na sa dami ng mga kasalanan ko, ako pa rin ay anak Niya at mahal na mahal Niya pa rin ako.

Kumusta naman kami ni Elena? Ang totoo, isa siya sa mga dahilan kung bakit mo nabasa ang testimoniyang ito. Siya ang naghikayat sa akin upang ibahagi ko sa lahat ang naging karanasan ng buhay ko, at kung papaano kumilos ang Diyos sa bawat yugto nito.

Naaalala ko pa kung papaano ako kinabahan noon at pinagpawisan habang papalapit siya sa akin. Napakaganda niya noong araw na iyon, suot ang puting damit at ang isang napakagandang ngiti. Natatandaan ko pa kung papaano ko kinamayan ang kaniyang ama noon bago niya iabot ang kamay ni Elena sa akin.

“Alagaan mo siyang mabuti,” bulong niya.

“Yes, sir.‘Wag po kayong mag-alala,” sagot ko.

Natatandaan ko pa kung paano namin hinawakan ng matagal ang kamay ng bawat isa, tumulo ang luha at nagyakap bago kami lumapit sa altar ng simbahan. Hindi ko kailanman makalilimutan ang araw ng aming kasal.

Akala ko noon, hindi na aabot dito. Ngunit isa iyon sa mga makapagpapatunay na walang imposible sa Kaniya. Naniniwala na akong hindi lang sa pelikula at T.V. pwedeng mangyari ang lahat. Kaya niyang hatiin ang dagat, kaya niyang paramihin ang tinapay at isda, kaya niyang ibalik ang buhay sa isang tao, kung nanaisin Niya. Hindi natin kailanman mababatid ang Kaniyang pamamaraan, isa lang ang dapat gawin, ang maniwalang kaya Niya.

Sa ngayon, naninirahan na kami ni Elena sa isang simpleng bahay na ako ang nagdisensyo. Patuloy pa ring umaakyat ng bubong at naghihintay sa paglabas ng bituin at buwan sa dapit-hapon. Minsan habang nagkakape at nagbabasa ng bibliya, minsan ay habang hawak ang kamay niya at inaalala ang mga nakaraan ng may ngiti sa aming mga labi. Ipinanalangin pa rin namin ang pagdating ng munti naming mga anghel. Sa pagdating nila, isa lang ang maipapangako ko, magiging mabuti akong ama sa kanila.

Amazing grace, how sweet the sound that saved a wretch like me. I once was lost, but now am found, was blind but now I see. ’Twas grace that taught my heart to fear, and grace my fears relieved. How precious did that grace appear, the hour I first believed. Through many dangers, toils, and snares, I have already come. ‘Tis grace has brought me safe thus far, and grace will lead me home. My God has promised good to me, whose word my hope secures. God will my shield and portion be, as long as life endures. When we’ve been there ten thousand years, bright shining as the sun; We’ve no less days to sing God’s praise than when we’d first begun.

Ako muli si JV at ito ang kuwento ko. Sabi ko nga sa intro, ‘yung kuwento ko ay normal na medyo hindi. Ang gulo ‘no? Normal, kasi pwede ninyong sabihin na “Ay, isang ‘one-of-those’ testimonies lang na naman”. Hindi naman normal, dahil naniniwala akong ang bawat isa ay may kakaibang kuwento ng buhay.

Naniniwala ako na ang bawat nilalang ay may kuwento kung papaanong kumilos ang Diyos, at kung papaano siya nanampalataya. Isa lamang sa mga kuwentong iyon itong sa akin. Ikaw? Anong kuwento mo?

-End-

___________________________________________________________________________________

Ang akdang ito ay ibinase sa tunay na mga pangyayari. Kahit ano mang pakakapareho sa pangalan, karakter, lugar at insidente na napapaloob sa kuwento mula sa ibang mga tunay din na kaganapan ay nagkataon lamang at hindi sinasadya.

2 Comments

  1. praise God…!!!
    alam mo na touch at na inspired tlga ako sa testimony mo as in.. tumidndg balahibo tlga wyl nagbbasa ako at prang naiiyak….

    at this time ai weak tlaga, but still na binabasa ko msg. mo
    na encourage tlaga ako,,.

    • Naku, maraming salamat. To God be the glory! ‘Yan talaga ang main purpose kaya ko naisulat ito. Para makita ng lahat ang kabutihan ni Lord. At ma-touch ang lives ng bawat mambabasa. God bless you always 🙂

Leave a Reply

Your email address will not be published.