The Curse of Being Not-So-Guwapo

(Photo Credit: patnubay.org)
(Photo Credit:  patnubay.org)
(Photo Credit: patnubay.org)

GASGAS na nga’ng kasabihan na “Walang Pinanganak na Panget sa mundo!” Kasi, all God’s creations are beautiful. Kaya lang dahil sa mapanghusgang mga mata ng ibang tao, nagiging panget sa paningin nila ang isang tao to the extent na akala mo, isang “SUMPA” ang maging panget para sa kanila.

Pero ‘ika pa rin sa isang gasgas na kasabihan…”Beauty is in the eye of the beholder!” Naman pala, e. Kaya kanya-kanyang taste lang ‘yan. At nasa tao na rin kung ano nga ba ang totoong sukatan nila ng “Maganda” at “Pogi”.

E, pa’no naman kaya kung isa-isahin natin ang “The Curse of Being Not-So-Guwapo?” Mayro’n ba nito? As in, sumpa talaga? Ang hard mo, ‘dre! haha

Seriously speaking, narito ang ilan sa aking mga nakalap base na rin sa masusi kong obserbasyon at pagmumuni-muni. Nawa’y magkaroon din ito ng katuturan sa inyo. O kung hindi naman, might as well stop reading my blog. Walang pilitan, ‘dre! haha

1.) HINDI MADALING MAKAHANAP NG BABAENG MAGSESERYOSO SA ‘YO. KAHIT GAANO KA PA KASERYOSO SA KANYA: Ayokong maging judgemental, pero kung ang realidad ang ating pagbabasehan. Marami pa ring babae na kasali sa pamantayan o standard nila ang hitsura ng isang lalake. May mga iba siguro na hindi ganoon ka big deal kung hindi man guwapo ang isang lalake. Basta maganda ang ugali. Pero tapatan na tayo mga kalahi ni eba, iba pa rin ang hatak sa inyo ng lalakeng guwapo. At kapag dehins naman kaguwapuhan si adan, or let’s say salat siya sa pisikal na anyo, siguradong hindi n’yo sasayangin ang oras ninyo sa katulad nila. Pagdating naman sa relasyon, ‘wag na tayong magpaka-ipokrito, kokonti lang ang babaeng nagseseryoso sa isang adan na not-so-guwapo. Kumpara sa adan na nuknukan ng kaguwapuhan. Pero take note, ang babaeng hitsura lang ang habol sa isang lalake ay siguradong walang mahahanap na “True Love”.

2.) ‘YUNG FEELING NA LAGI KANG OUT-OF-PLACE AT MAHIRAP MAKIBAGAY SA IBANG TAO. KASI PAKIRAMDAM MO, HINDI NABABAGAY ANG HITSURA MO SA KAHIT KANINO: Oo, nandu’n na ‘yung magseself-pity ka, lalo na sa harap ng ibang tao. Kasi feeling mo, ang panget panget mo. Lalo na kapag puro magaganda o guwapo ang kasama o kahalubilo mo. At pakiramdam mo rin, lagi kang out-of-place kasi ikaw ang pinaka-ngetpa at nahiling mo din na sana, naambunan ka rin kahit konting kaguwapuhan man lang. Iba kasi ang dating kapag guwapo o may karisma ka. Malakas ang hatak mo, lalo na sa mga kababaihan. At aminin na rin natin na pagdating sa socialization o pakikihalubilo sa ibang mga tao, pleasing personality can attract one’s attention.

3.) PAGDATING SA PAGHAHANAP NG TRABAHO, ISA SA QUALIFICATIONS NA HINAHANAP AY PLEASING PERSONALITY: May mga adan na hirap makahanap ng trabaho kahit pa okay naman ang working experiences nila, educational background etc. Pero minsan, sablay sila sa pleasing personality o sa hitsura. May mga kumpanya o establisyamento kasi na mas pinapaboran ang mga “guwapo” at malakas ang dating. Kaysa sa mga hindi kaguwapuhan o mas worst pa doon. Let’s admit it, hindi naman lahat, may discrimination sa ibang kumpanya pagdating sa hitsura ng isang tao. Kaya madalas, umuuwing luhaan ang mga na-reject na hindi kaguwapuhang adan sa mga inaaplayang trabaho. Pero kung guwapo naman at kahit sablay minsan sa working experiences o talino ‘ika nga, malaki pa rin ang chance nila na ma-hire agad. As in, agad agad. hehehe.

4.) MADALAS GAWING KATATAWANAN NG IBA, KATROPA O NG BUONG SANGKATAUHAN. SIGE NA, IKAW NA ANG CLOWN O MASCOT NILA: Kahit pabiro man o hindi, laging ikaw ang tampulan ng tukso o katatawanan dahil sa hitsura mo. Halimbawa: “‘Uy, parang pinisang kamatis ‘yang ilong mo ‘pre!.” (Pango). “Teka, saang planeta ka ba galing? Anong lahi ng alien ka ba?” (Mukhang alien) “Naku, may kakambal pala rito si Bentong.” (Alam na this). Kaya minsan, sa sama ng loob, nasasabi mong sumpa sa ‘yo ang iyong mukha o kapangetan. At kahit sanay ka na sa mga biro ng iba, nandu’n pa rin ‘yung tila panliliit mo sa sarili dahil hindi ka pinagpala ng guwapong mukha.

5.) ‘YUNG PAKIRAMDAM NA PARANG LAGI MONG PASAN ANG BUONG DAIGDIG O UNIVERSE: At dahil hindi ka kaguwapuhan at feeling mo ay ganu’n ka kapanget, parang lagi mong pasan ang mundo. Ang sakit sa loob na kahit may gusto ka, pero dahil sa hitsura mo, parang suntok sa buwan mo itong mapapasakamay. At dahil ikaw rin ang laging tinutukso at nilalait ng ibang tao sa paligid mo dahil sa hitsura mo, lalong nanliliit ang tingin mo sa sarili. Hindi mo maiiwasang magself-pity na para bang pasan mo ang buong daigdig. Minsan pa nga, ayaw mo nang tumingin sa salamin para tignan ang sarili mo kasi feeling mo, ang panget panget mo.

Gayunpaman, sumpa man o hindi, ang hitsura ng isang tao ay hindi dapat gawing basehan para husgahan natin ito. Lagi nating sinasabi na mas mahalaga pa rin ang ugali at talento ng isang tao. Kaysa sa panlabas na kaanyuan. Kaya sana, panget ka man o hindi sa paningin ng iba, mas mainam pa rin na ipakita mo kung anong mayroon ka sa panloob o ugali. Dahil ito ang magdadala sa ‘yo para respetuhin, hangaan at mahalin ka ng iba.

At ano naman ngayon kung hindi ka kaguwapuhan, diba?

Ang importante, ‘yong guwapo ka sa panloob na kailanman ay hindi kukupas o mawawala sa ‘yo hanggang kamatayan.

Kaya p’re, ipakita mong hindi ka man pogi,  mabuti naman ang iyong kalooban at mayroon kang respeto sa mga kababaihan!

About Orlie Jacob

Isang simpleng "Tea Boy" sa Gitnang Silangan na nagbabakasakali na sa bansang Arabo matagpuan ang suwerte. Tatlong taon nang OFW at tanging pagsusulat ang libangan at talentong p'wedeng ipagmalaki. Sa pagsusulat, nagkakaroon ako ng sarili kong mundo kasama ang aking mga "IMAGINARY FRIENDS". Dati na rin akong nakapagsulat sa "LIWAYWAY MAGAZINE" at bukod sa pagba-blog, nagsusulat din ako ng Nobela sa Wattpad. Kung bibigyan ng pagkakataon, nais kong buhayin ang LITERATURANG PILIPINO sa pamamagitan ng aking mga akda na maiikling kuwento. Idolo ko sina Ginoong Efren Abueg, Ginang Lualhati Bautista, Bob Ong, at iba pang batikang manunulat sa ating bansa. Nawa'y maibigan n'yo rin ang bawat akda ko rito sa Definitely Filipino!