The Craziness of Being In Love

form-of-insanityKausap ko sa telepono ang isa kong kaibigan mula pa noong high school. Dahil nga lubusan na kaming magkakilala, hindi na kami naglilihim sa isa’t isa. Kaya naman laking gulat ko noong hindi niya masagot ang tanong ko na “Anong update sa love life mo?”.  Dahil sobrang makulit din ako, napaamin ko siya.

She is in love, pero ayaw niyang aminin sa sarili niya dahil “bawal na pag-ibig” ang drama kapag nagpadala siya sa agos ng emosyon niya. Bilib ako sa kaibigan kong ito. Alam niya kasi na mahal na mahal din siya ng lalaking involved, pero pinili niyang suwayin ang tibok ng puso niya. Ayon sa kanya, maliban sa karma isinasaalang-alang niya rin ang mga sumusunod:

  • Ayaw niyang makasakit ng damdamin ng kapwa babae
  • Naisip niya na kaya ring gawin sa kanya ng lalaking iyon ang anuman na nangyayari ngayon
  • Alam niyang talo siya sa umpisa pa lang
  • Magulo at komplikado ang sitwasyon

Tama siya sa lahat ng rason na binanggit niya, ngunit nahihirapan din siyang pigilan ang sarili niya dahil tuwing tinatalikuran niya yung lalake, siya mismo ang nasasaktan. Sabi ko naman, tama lang ang ginagawa niya. Though kailangan niyang mag-loosen up nang kaunti, huwag niyang i-co-compromise ang values at ethics niya. Dahil ang bawat choice na pipiliin niya ang magde-determine ng pagkatao niya. Hindi rin naman kasi sinusunod ang bawat tibok ng puso.

Lahat naman tayo ay umibig na.  ‘Yung iba ay masuwerteng nakahanap na ng makakapareha nila samantalang yung iba ay nakikipagpatintero pa rin sa tadhana. Mayroong mga nagmamadali, mayroon din namang ayaw nang sumubok dahil sa nakaraang pagkabigo. May mga ayaw nang umasa, mayroon ding lubos pa ring nangangarap na darating ang kanilang Prince Charming o Cinderella.

Kanya-kanya tayo ng kuwento at drama. Kanya-kanya tayo ng trip pagdating sa relasyon at usaping pag-ibig. Ngunit aminin man natin o hindi, pare-parehas tayong nababaliw kapag na-in love. One way or another, mayroon tayong rule na hindi masusunod. Mayroon tayong standards/norms na babaliin natin para lang masunod ang tibok ng puso. We are all crazy when in love.

Minsan kahit na makasasagasa tayo o makasasakit ng damdamin ng iba, gagawin pa rin natin ang isang bagay na sa tingin ng iba ay mali para lang hindi masira ang ating relasyon.

Hindi ko kayang husgahan ang mga taong tumatawid sa “normal” na pamamaraan ng lipunan para lang sundin ang tibok ng kanilang puso. Ang ilan nga ay naging kabit, nangaliwa, pumayag na pagsabayin silang dalawa para lamang hindi sila iwan ng kanilang mahal sa buhay. Mayroon ding mga babae na nanligaw sa lalake dahil hindi nila mahintay na sila ang ligawan.

Most people call them cheap.

Sa Pilipinas kasi, kahit na gaano na tayo kamoderno kailangang babae pa rin ang nililigawan. Taboo pa rin na babae ang unang magpapakita ng motibo. Pero sa pananaw ko, ang tawag doon ay pagiging matapang.

Naging matapang sila na hindi sumabay sa agos para masunod ang kaligayahan nila. They chose to move away from normal to extraordinary para sumaya. Walang takot nilang tinawid ang kabilang ibayo kahit na marami silang maririnig na panghuhusga at masakit na salita. AND THIS IS ALL FOR LOVE.

Kahit pa sabihin pa natin na alam na natin ang tama at mali, kapag tumibok ang puso natin nahihirapan tayong magdesisyon. Kahit alam nating mali, sumisige pa rin tayo. Kahit alam na natin na lumalagpas na tayo sa boundary ng pagiging normal, nagtitiis pa rin tayo. Hangga’t kaya pa, hangga’t makapagpapasensiya pa ay hindi tayo bumibitaw.

Sabi nila ang pag-ibig daw ay hindi para sa mga mahihina ang loob. Ngunit sa tingin ko lahat tayo ay tumatapang pagdating sa mga taong mahal talaga natin. Lahat tayo ay nagiging protective kapag nahanap na ang katapat natin. Ang tao, kapag umibig, kahit mali ay sinusuong para gawin itong tama. Kahit na weird na, kahit na sobrang masakit na at kahit na siguro itakwil sila hindi sila paaawat hangga’t may natitira pang lakas ng loob sa kanila.

Ganyan tayo kabaliw pagdating sa pag-ibig. Kunsabagay, hindi mo naman masasabi na umibig ka kung hindi ka naging:

  • tanga
  • nasaktan
  • umasa
  • nagpatawad
  • nagpatawad ng paulit-ulit kahit mali na
  • matigas ang ulo
  • hindi nakinig sa mga magulang at kaibigan
  • nagbulag-bulagan
  • naloko at nagpaloko
  • umiyak at nalasing

Kaya kung may taong malapit sa iyo na nababaliw sa pag-ibig, huwag mong pagtawanan o husgahan. Bagkus ay intindihin mo dahil darating ka rin sa puntong iyan. Mas mabuti kung makinig ka na lang. Hindi naman kasi nila kailangan ang payo dahil alam nila ang ginagawa nila. Kailangan lang nila ng makikinig sa paulit-ulit nilang drama para maramdaman nilang magiging okay din sila.

About PirmaAtPluma

Mahilig Sa Yellow, pero hindi kay Pnoy|| Madaldal|| A Fan of MSK, RAGubalane, Mike Portes, Kara David and akoposijayson || Fan ni Bob-Ong|| Proud Pinay|| Adik sa Clash of Clans