The Act of Bullying

Bullying (Credits: http://i.telegraph.co.uk/)

“Baboy!”

“Baboy!”

 

“Baboy!”

 

Isang eksena habang naglalakad ang isang bata pauwi sa pinapasukan niyang paaralan. Kuyom ang palad, naglalakad nang walang lingon ang bata habang pinipigil ang luha na pumatak.

Ilan sa mga kaklase niya ang parang sinapian ng ispirito ng mga amag at walang humpay na sumisigaw gamit ang pinakamalakas na boses. Baboy. Yun ang ginagamit na pantawag sa kanya. Alam naman niyang hindi yun totoo, pero ang sakit kasi sa pakiramdam na makitang maraming tao ang aliw na aliw na tinutukso siya. Pinipigilan niyang umiyak, dahil hindi naman makatutulong, lalo lamang siyang tutuksuhin, at ang dating “baboy” lang na panunukso, ay madadagdagan pa at magiging “iyaking baboy”.

Bullying. Isa yan sa pinakamatandang sakit ng mapagpanggap na lipunan. Marami ang nakaranas nito, pero iilan lang ang tatanggap, sa katulad ng kaisipang mas marami ang gumawa nito sa kapwa nila, pero mas kaunti ang bilang na aamin ng kasalanan. Harassment, maltreatment, singling out, hounding, harrying, at discrimination ang ilan sa mga kahulugan ng salitang ito.

Ayon sa wikipedia (oo na, hindi nga kredible ang source ko, p’wede na yan..) paghahari-harian o pagmamaton ay isang uri ng pang-aapi o panunupil, na isa ring uri ng ugaling mapanalakay, mapaghandulong, o agresyon na kinakikitaan ng paggamit ng dahas, pamimilit o pamumuwersa, o koersiyon (sapilitan) upang maapektuhan ang ibang tao, partikular na kung ang ugali ay kinagawian at kinasasangkutan ng kawalan ng katimbangan o hindi patas ang kapangyarihan.

Maaari itong kasangkutan ng panliligalig na binabanggit, pagsalakay o pamimigil na pangkatawan, at maaaring nakatuon nang paulit-ulit sa isang partikular na biktima, marahil dahil sa lahi, relihiyon, kasarian, seksuwalidad, o kakayahan.  (sana naintindihan mo, tatlong beses ko ito binasa bago ko na-comprehend)

Hindi masarap maging biktima ng bullying. Hindi maganda sa pakiramdam, lalo na kung dinanas mo ito noong kabataan mo. Higit sa tawang ginawa ng mga taong nangbu-bully, sana mas tandaan at mas paniwalaan mo kapag sinabi kong nag-iiwan ito ng habambuhay na marka. Alam ko, dahil ako mismo naging biktima nito. Ako mismo, dumanas nito sa mga taong nakasama ko noon. Oo, tama ka nang iniisip kanina, ako nga yung batang tinatawag na “baboy”. Ako yung batang nabasa mo doon sa taas.

Pitong taon siguro ako nang magsimula akong tumaba. Mataba talaga ako noon; chubby, sabi ng iba, pero sa mga kamukha kong bata, ako yung baboy na tampulan ng tukso. Overweight, laging pinakamababa sa physical fitness test. Naalala n’yo yung standing long jump, sit-ups, curls-up, 50 meter sprint, 1,000 meters run, sit and reach, tsaka yung pull-ups yata yun. Basta, ako lagi ang lowest dun, hindi ko alam kung dahil sa mabigat ang katawan ko o dahil pinagtatawanan ako ng mga kaklase ko sa tuwing gagawin ko yun. XXL ang size ng t-shirt, bata pa lang, pero nasa 34 na yata ang waist line. Tumitimbang ng higit 50 kilos, bilog na bilog ang pisngi at may mapintog na tiyan.

School-age year yun, tandang-tanda ko, hindi masyadong maganda ang mga memories ko ng elementary days. Lagi akong umiiyak, lagi akong nagsusumbong sa teacher. Baboy, pangit, mataba, at biik. ‘Yan ang mga salitang tandang-tanda ko na laging ibinabato sa akin noon.

Ngayon nga habang ginagawa ko ang blog na ito, parang naiinis ako sa batang sarili ko noon. Bakit ba kailangan kong umiyak? Bakit ba kailangan kong magsumbong sa teacher? Bakit ba ako nagpapaapekto noon?

May isang teacher pa ako noon, naalala ko, nagsumbong ako sa kanya dahil tinutukso akong baboy ng tatlong lalaki na katabi ko sa upuan. Tandang-tanda ko silang tatlo, pangalan at mukha (ipahunting ko kaya sila ngayon? Hahaha joke lang?), pati na rin yung teacher ko noong oras na yun.

Nagsumbong ako sa teacher, dahil higit tatlong oras na akong pinagtutulungan ng tatlo kong kaklase, umiiyak akong lumapit sa kanya. Kaso, sa halip na pagalitan ang kaklase ko, ako ang pinagalitan niya.

Sabi niya, “Bakit ka umiiyak, totoo bang baboy ka? Totoo bang biik ka? Totoo bang baboy ang nanay mo?”

Natahimik ako at parang napahiya sa sarili ko. Ako pa ba yung mali? Ako pa ba ang may kasalanan kung bakit umiyak ako? Paglingon ko sa tatlong kaklase ko, tumatawa pa sila, na para bang mas sumaya pa sila na nagsumbong ako. Para bang mas natuwa sila na binigyan ng justification ng teacher ko yung ginawa nila. Parang sinabi ng teacher ko na kasalanan ko rin kung bakit ako naapektuhan.

Ilang beses nga ba akong umiyak noong bata ako?

Hindi ko na mabilang, pero ang alam ko, hindi ako nagsabi noon sa magulang ko. Takot din ako, iniisip ko, pagagalitan din ako kagaya ng ginawa ng teacher ko. Hindi ko pa alam noon na bullying na ang ginagawa sa akin.  Basta ang alam ko, hindi iyon tama. Alam ko na hindi ‘yun mabuting ugali.

Pero wala naman akong magawa. Sinasabi nila, dapat daw lumaban ka, para tigilan ka ng mga bully. Nasasabi lang nila yan, dahil hindi sila ang na-bully.  Alam mo ‘yung pakiramdam na kapag lumaban ka ng isang beses, tatlong beses ang ibabalik nila. At alam mo ‘yung pakiramdam na kahit tama ka, pakiramdam mo’y mali ka dahil lahat sila, kampi-kampi sa maling ginagawa nila? Mahirap, at hindi biro na maging biktima ng bullying.

Ilang beses ka na bang nakarinig ng nagpakamatay dahil hindi na nila kaya ang ginagawa sa kanila?  Ilang buhay na ang nawala dahil sa walang saysay na gawain, sa panunuksong pampalipas oras lamang ng ilang tao na walang matinong parte ang utak? Ilang magulang ang nawalan ng batang-batang mga anak? Ilang tao ang nawalan ng kapatid? Ilang bata ang hindi na naituloy ang pangarap na maging doktor o abogado?

Freshman ako sa high school  nang nagsimula akong pumayat, hindi dahil sa panunukso, pero dahil sa pag-aaral ang naging focus ko. Hindi ako masyadong mahilig lumabas noon, naging tahimik at hindi masyadong palakibo sa mga tao. Ito yata ang epekto sa akin ng mga panunukso. Noong pumayat ako, nawala ang panunukso, at doon ko natuklasan na sobrang literal ng mundo. Talaga bang payat lang ang itinuturing na mas angat na tao? Maganda lang ang mas may kakayahang mamuhay nang matiwasay sa mundo?

Kung totoo nga iyon, siguro, talagang nagiging mapanghusga na ang mundo.

Likas daw na masayahin ang Pinoy, pero madalas, nagiging problema pa ang pagiging masayahin na ito. Sa umuusong paraan ng pagpapatawa ngayon, kailangan ba talagang punahin ang pisikal na kakulangan ng isang tao? Kailangan ba talagang pansinin kung hindi perpekto sa tingin mo ang ibang tao? Hindi ba parang pambu-bully na rin ito? Hindi ba pambu-bully na rin kung paulit-ulit mong sasabihin na maitim, mataba o paulit-ulit mong pagtatawanan ang pagkukulang ng isang tao? Hindi ka rin naman perpekto, hindi ba?   May pagkukulang din sa ’yo?

At kung may masamang dulot ang social media, ito na yata ang cyber bullying, ginawang instant ang pangbu-bully. Hanep, hindi ba? Pati ang pambu-bully ay instant na rin?

Bullying can kill.

Ilang kuwento pa ba ang kailangan nating marinig bago natin ito paniwalaan?

Hihintayin mo pa bang mangyari ito sa kamag-anak mo o sa sariling anak mo bago mo ito paniwalaan?

Naniniwala ako na respeto ang isa sa pinakamahalagang dapat matutunan ng tao para matawag siyang tao. Walang age restriction o limitation, ang respeto ay puwede mong ituro mula sa pinakabata hanggang sa pinakamatanda. Baka sakaling matuto ang tao na bigyang-halaga ang iba, na hindi iniisip na mas mataas at mas may kuwenta siya sa kapwa niya. Na baka sakaling maisip niya na makaaapekto sa iba bukas ang ginagawa niya ngayon.

Bullying is one of the ugliest deeds someone could do. Imagine it as pushing someone to fall on a cliff, where two possible fall points are available. One is a rushing water of desperation; the other is a sure-kill pointy stones. Bullying only leads to a life of desperation and sorrow, and worse, taking one’s own life. Why do something that will never ever gain a positive thing? Think, my fellow human being.

The “gay boy” you punched in the hall today; he committed suicide a few minutes ago. That girl you called a slut in class today; she’s a virgin. The boy you called lame; he has to work every night to support his family. That girl you pushed down the other day; she’s already being abused at home. The girl you called fat; she’s starving herself. The old man you made fun of cause of the ugly scars; he fought for our country. The boy you made fun of for crying; his mother is dying.  And you think you know them, do you?   Well, you don’t.

About Mga-sulat-kamay

Hindi ko sasabihin ako ang ideal na tao... nagkamali, nadapa, nasugatan, dumugo, umiyak.. tumahan, naghilom, nagpeklat at sinubukang muli... ganyan ako, hindi perpekto... pero at least totoo... mga sulatin na may konting amag, pero 100 % biodegradable at consumable... safe but with little side effects.. ^_^