Thanksgiving…Ano yun?!

Photo by Ruocaled

Thanksgiving…tradisyong Amerikano na apektado ang ilang Pilipino. Hindi na talaga tayo nakawala sa pagkakatali sa puwet ng mga kano at pati sa selebrasyong ito ay nakikiusyoso tayo.

Bakit nga ba hindi tayo makikisawsaw eh tuwirang masasabi na ang kultura natin ay umiikot sa pagka-Amerikano. Mula sa panonood ng telebisyon, mga burloloy na nakasabit sa katawan natin ngayon, at maging sa pagsamba sa mga artista’t mang-aawit nila lahat ng iyan may bakas ng mga kanluranin. Pero ano nga ba ang thanksgiving?

Pinagdiriwang ito ng mga Amerikano sa ikaapat na Huwebes ng buwan ng Nobyembre, sa katapusan ng kanilang harvest season noon. Pero sa panahon ngayon kapag sinabing Thanksgiving Day sa kanila ay isang masigabong sale ang inaabangan sa mga malls sa Amerika.

Ginugunita nila ang araw na ito upang magpasalamat sa mga biyayang natanggap nila sa paraang pagsasalo ng buong pamilya sa hapag kainan at paglantak ng dambuhalang turkey (ano ba’ng lasa nun?) na malamang sa malamang hindi naman nila nauubos kainin ng buong araw. Parang hamon dito sa atin kapag pasko, masarap lang bilihin kasi may okasyon pero hindi naman kayang ubusin.

Isa sa mga kahanga-hangang kultura ng mga Amerikano ay ang paghingi nila ng pasasalamat sa gaano mang kaliit na bagay na nagawa mo para sa kanila. Kaya hindi kataka-takang maglaan sila ng isang araw para lamang magpasalamat sa mga biyayang kanilang natatanggap.

Tipong personal na pasasalamat sa mga magagandang bagay na nangyari sa buhay nila. At kung pasasalamat rin lang ang pag-uusapan, hindi na kailangan ng mga Pinoy na magdiwang ng buong araw at lumamon ng turkey (dahil can’t afford ng tipikal na Pilipino yun). Panis na sa atin yan!

Pumunta ka lang sa bawat simbahan at makikita mo abot-abot palagi ang pasasalamat ng mga kababayan nating Pilipino sa panginoon. Sa pagiging malapit lang natin sa Diyos, sino ba ang makakalimot na humingi ng pasasalamat pagkatapos magdasal ng sangkaterbang kahilingan? Siguro nga Genie sa lampara talaga ang kailangan natin at hindi diyos na madadasalan.

Malamang hindi makaliligtas ang mga Pinoy na nasa Amerika na maki-gunita. Hindi man ito parte ng kultura natin, nakikiuso na rin ang ating mga kababayan para makibagay sa tradisyong nagaganap sa paligid nila. May kasabihan ngang “When in Rome, do as the Romans do.” kaya malamang nakikipag brasuhan din sila sa mga sale sa mall dun.

Dito sa atin, may epekto rin ang thanksgiving lalo na sa mga mamimili. Commercialized ang pagdiriwang ito ng mga kano dahil may sale sa SM na kanilang marketing gimmick para dayuhin at pakyawin ng tao ang mga produktong matagal ng inaagiw sa kanilang mga stock room. Tunay nga na langhap natin hanggang dito sa Pilipinas ang simoy ng thanksgiving.

Hindi ko alam kung bakit ako sumulat ng tungkol dito..gusto ko lang naman malaman kung ano ba ang lasa ng bw******ng TURKEY na yan..

Photo by Ruocaled