Tayong lahat ay Bihag ng Sultan

Paano mo isusulong ang iyong “pagmamay-ari” ng isang bagay, gaya ng lupain?

Ito ang malaking tanong na dapat nating pag-isipang sagutin sa gitna ng kaguluhang nagaganap ngayon sa Sabah, Malaysia. Bagamat hindi ito ang unang pagkakataon na nasangkot ang Pilipinas sa isang suliraning teritoryal (Tandaan: Ang Sigalot sa Scarborough) , tila walang natutunan tayong mga Pilipino sa tamang paghawak at pagbibigay reaksyon mula sa mga nakalipas na suliranin.

BALIK-TANAW

Noong ika-11 ng Pebrero, inukupa ng mahigit 200 armadong katao na nagpakilalang mga kasapi ng Royal Security Force ng Sultanato ng Sulu ang pamayanan ng Tanduo sa lalawigan ng Lahad Datu, Sabah, Malaysia. Ayon sa kanila, pakay nilang igiit ang makasaysayang pagmamay-ari ng Sultanato ng Sulu sa lupain ng Sabah.

Matatandaang ang lupain ng Sabah ay ipinagkaloob ng Sultan ng Brunei sa Sultan ng Sulu noong ika-13 siglo bilang pagtanaw ng utang na loob sa pagtulong ng ikalawa sa isang digmaang kinasangkutan ng nauna. Mula noon ay itinuring na ng Sultanato ng Sulu na bahagi ng kaharian nito ang Sabah na binubuo ng iba’t ibang mga katutubong pangkat gaya ng mga Kadazan Dusun, Murut, Badjao, Suluk, at Tausug. Subalit, noong 1878, pinaupahan ng Sultan ng Sulu ang lupain ng Sabah sa isang banyagang kumpanya, ang British North Borneo Company. Isang kasunduan ang kanilang pinirmahan na naggarantiya sa kumpanya ng kalayaang gamitin ang lupain ng Sabah sa kanilang gawaing pangkalakalan. Ang mahalagang salitang ginamit ay “padyak” na sa wikang Tausug ay nangangahulugang “pagpapaupa” habang sa salin ng mga Ingles ay nangangahulugang “pagmamahagi or pagmimigay”. Bilang kapalit sa pinaupahang lupain, nakatatanggap hanggang sa kasalukuyan ang mga tagapagmana ng Sultan ng Sulu ng halagang 5,300 ringgit mula sa pamahalaang ng Malaysia.

Dahil sa paniniwalang ang Sabah ay ibinahagi sa kanila, isinailalim ng Britanya ang Sabah sa ilalim ng kanilang proteksyon (protectorate) noong 1888. Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong 1946, pormal itong naging kolonya ng Britanya hanggang ideklara nito ang kalayaan ng bagong tayong estado ng Malaysia noong 1957. Bagamat makailang ulit na ipinaalala ng Estados Unidos at ng Republika ng Pilipinas sa ilalim ni Pangulong Diosdado Macapagal na ang Sabah ay orihinal na bahagi ng Pilipinas, hindi ito pinakinggan ng Britanya at maging ng Malaysia. Noong 1963, isang halalan ang isingawa ng United Nations International Court of Justice sa Sabah kung saan malaking bahagi ng mga mamamayan nito ang nagpasyang manatiling kabahagi ng Malaysia.

Paano mo aangkinin ang isang lupaing matagal nang tinitirhan ng mga katutubong ni hindi alam (at hindi kinikilala) na sila pala ay bahagi ng isang Sultanato?

BINIHAG TAYONG LAHAT

Malinaw ang mapangas na hakbang ng pag-aangkin Sultanato ng Sulu. Sa tahasang panghihimasok nito sa Sabah dala ang kanilang mga armas, binihag nito di lamang ang mga taga-Sabah kundi maging ang Malaysia at Pilipinas.

Bihag tayong mga Pilipino pagkat pilit tayong isinasangkot sa isang isyung teritoryal na matagal nang hindi isyu. Hindi na ito isyu para sa mga nakalipas na administrasyon mula kay Corazon Aquino hanggang sa kasalukuyan pagkat mas isinasaalang-alang nila ang kapayapaan at katatagan ng rehiyong ASEAN. Bagamit hindi binibitawan ng pamahalaan ang pag-aangkin sa Sabah, payag itong isantabi ang usapin alang-alang sa magandang ugnayan ng Malaysia, Pilipinas, at kabuuan ng Timog Silangang Asya. Sinong ba ang nagnanais na dumanak ang dugo at karahasan sa ASEAN dahil lamang sa isang piraso ng lupain?

Ngayon, pinanghimasukan ng Sultanato ng Sulu ang Sabah nang wala mang lamang pasabi o kaunting konsiderasyon sa posisyon ng ating pamahalaan. Nangangahulugan lamang na sila ay mga rebelde pagkat di nila kinikilala ang posisyon ng sambayanan tungkol dito. Sa kanilang panghihimasok, pilit nila tayong isinasabong sa Malaysia, isang bansang malaki ang naitulong sa pagtataguyod ng kapayapaan sa Mindanao sa pamamagitan nito sa Kasunduan para sa Balangkas ng Bangsamoro o Bangsamoro Framework Agreement. Sa pag-aangkin nito sa Sabah, binihag ng Sultanato ng Sulu ang kapayapaan sa Mindanao at mga milyun-milyong Muslim na makikinabang sana rito dahil lamang sa lupaing pinagkakakitaan nito.

Bihag rin ang Malaysia pagkat pilit itong pinababawi ang hurisdiksyon at soberanya sa isang lupain at pamayanang tahasan nang nagsabing nais nitong maging bahagi ng Malaysia. Pinipilit itong ibalik ang lupaing napaunlad at napayabong nito sa nakalipas na siglo. Ito ay habang ang Sultanato ng Sulu ay unti-unting nawalan ng kapangyarihan at kaharian sa Sulu dahil sa kawalan ng matatag na lider at kaguluhan sa pagitan ng mga tagapagmana nito.

Kung ipagkakaloob ng Malaysia ang Sabah sa Sultanato ng Sulu o kaya’y sa Pilipinas, maipagpapatuloy ba nito ang kaunlarang tinatamasa ng malayang estado na ito gayong hirap pa nga ang pamahalaan na maitaguyod ang kaunlaran at kapayapaan sa Mindanao?

Bihag rin ang mga katutubo ng Sabah–ang mga Kadazan Dusun, Murut, Badjao, Suluk, at Tausug–na pilit pinapapili kung kanino sila sasama. Tandaan natin na ang mga katutubong ito ay walang kinikilalang sultanato, may sariling pamahalaan, at may makulay kultura nang ibahagi ang Sabah sa Sultanato ng Sulu at maging nang dumating ang mga Ingles. Kung mayroon mang dapat na masunod at magdikta ng magiging kapalaran ng Sabah, ang makatutubo ng Sabah iyon–hindi ang Sultanato ng Sulu o maging ang gobyerno ng Pilipinas.

Ano ang mararamdaman mo kung isang araw ay dumating ang isang grupo ng armadong kalalakihan na pilit kang pinaaalis sa lupaing iyong sinilangan at kinalakihan sa nakalipas na limampung taon? Ganito marahil ang damdamin ng mga katutubo ng Sabah ngayon.

MAKABAYANG PAG-AANGKIN O PANGINOONG MAY LUPA?

Ayon sa Sultan Jamalul Kiram III, ang kanilang panghihimasok ay isa lamang makabayan at mapayapang pag-aangkin ng lupaing nararapat lamang na bahagi ng Pilipinas. Kung ito ay mapayapa at isinagawa sa ngalan ng sambayanan, bakit kinailangang magdala ng armas? Bakit kinailangang makipaglaban sa mga sundalo at kapulisan ng Malaysia?

Kailan man ay hindi ginusto ng sambayanan ang isang marahas at madugong pag-aangkin sa Malaysia. Malinaw naman sa posisyon ng mga nakalipas na administrasyon ang pag-aangkin rito ay kailangang isagawa sa diplomatiko at mapayapang paraan. Kung ginagawa nila ito sa ngalan ng sambayanan, bakit di nila iginalang ang posisyon ng sambayanan tungkol dito? Mapagkakatiwalaan ba natin ang mga ganito kapangahas na mga tao, na di marunong pumasok sa diyalogo at kumpromiso?

Malinaw ngayon sa kanilang ikinilos na ang pag-aangkin sa Sabah ay hindi para sa Pilipinas kundi para sa isang panginoong may lupa na may pansariling interes–upang ibalik ang kapangyarihan ng Sultanato ng Taguig este Sulu at ng mga pulitikong nawalan na ng kahulugan sa isang nagkakaisa at mapayapang Bangsamoro.

PAGPAYPAY SA NAG-AALAB NA APOY

Higit pang nagpaalab sa sitwasyon ang reaksyon ng mga “makabayan” kunong mga Pilipino, na sa halip na manawagan para sa mapayapang pagresolba sa sitwasyon ay nanawagan pa ng pagsuporta sa marahas at mapangahas na kilos ng Sultan at kanyang mga tauhan. Kapansin-pansin ito sa mga pahayag ng ating mga kababayan sa iba’t ibang social media at news website na kumukundena sa tila “kaduwagan” umano nating pamahalaan at maging sa pag-hack ng mga website ng Malaysia.

Tanungin natin kung makabayan nga ba talaga ang mga kilos na ito; Pagkat ang tunay na makabayan ay isinasaalang-alang ang kapakanan ng kanyang bayan sa bawat kaisipan, salita, at gawa nito. Makabayan ba ang dungisan ang pangalan ng Pilipinas sa rehiyon ng ASEAN? Makabayan ba ang suportahan ang ang pagdanak ng dugo at marahas na pag-aangkin sa isang piraso ng lupain? Makabayan bang makipagbakbakan tayo sa ating kapitbahay sa halip na gumamit ng diplomatikong paraan?

Marahil ay nagpapadala lamang tayo sa kuwento ng kabayanihan ng ating mga bayaning nagbuwis ng buhay noong panahon ng kolonyalismo. Subalit, moderno na ang panahon; ang mga ganitong suliranin ay hindi na naaayos ng mga hakbang na kolonyal at makaluma. Ang makabayan ng modernong panahon ay may pinag-aralan, hindi basta-basta humuhusga nang hindi nalalaman ang bawat panig ng isyu, at may kalinangan sa pagsasaayos ng mga suliranin sa diplomatikong paraan.

Sa pagpaypay natin sa nag-aalab na apoy bunga ng krisis sa Sabah, lumalabas lamang na ang mga damdamin natin ay bihag rin ng Sultan ng Sulu. Ang malaking tanong ngayon: Papabihag ba tayo?

Tandaan natin ang labis na pagkamakabayan ang nagbigay kapangyarihan sa mga taong tulad ni Adolf Hitler ng Alemanya, Benito Mussolini ng Italya, at Josef Stalin ng Unyong Sobyet. Isa lamang ang pinapangarap kong maging bunga ng krisis na ito sa Sabah: na sana’y bawat isa sa atin ay hindi maging bulag na makabayan kundi mga makabayang mulat, makatao, at may pinag-aralan.

About The Social Scientist

is the author of the blog of the same name and of Pilipinas 360. He looks at and digs deeper to find the implications of current issues, news and actions to Filipino society.