“Tayo na nga ba?”

Image credit: Pinterest

Naging sila. Naging tayo.

Kahit may kanya-kanya na tayong buhay, naging mailap ka pa rin sa ’kin. Pero ‘yung mga tingin mo laging agaw-pansin. O, papansin? Pero mas mainam na ‘di na pansinin. Mahirap ‘yung “assuming”. Walang katibayan. Unfair para sa taong nagmamahal sa atin nang totoo. ‘Yung taong tayo palagi ang inaalala. Inuuna. Pinapatawa. Pinapasaya. ‘Yung tipong wala ka nang mahihiling pa. Kasi lahat ng pinapangarap at inaasam mo sa isang relasyon, nandiyan na. Nasa kanya na ang lahat maliban na lang sa ’yo? Kasi sa kabila ng mga kaya niyang ibigay sa ’yo, kulang pa rin? Hindi pa rin sapat?

Nagmamahal ka nga bang talaga? O, gusto mo lang mahalin ka?

Gayunpaman, bigyan ng chance. Sabi nila ang pagmamahal natututunan. Pero, pa’no kung pabalikin ka sa Grade 1 kasi hindi mo maintindihan? ‘Yung lahat na ng mga mabubuting payo narinig mo – na mali ang pakawalan siya? Pero ano nga ba ang tama? Dahil sa totoo lang para namang walang pana na tumama sa puso mo galing kay Kupido. Hindi dahil kinilig at kinabahan ka sa inyong muling pagkikita eh “pagmamahal” na agad yun? ‘Di ba puwedeng na excite ka lang bigla at ngayon natauhan na?

Natauhan?

Ibig sabihin, kahapon, namamalikmata ka lang? Natangay ka lang sa iyong emosyon? O, gusto mo lang din maging katulad niya, masaya sa piling ng iba? O, baka naman feeling mo extra ka sa paborito mong K-drama at ikaw ang kontrabida? Kasi once mapagtanto mo na mali ang sitwasyong kinasasadlakan mo at makapagdesisyon ka nang tama para sa sarili mo, marami ang masasaktan. Kasi lahat sila boto sa kanya: Papa mo. Mama mo. Ate. Kuya. Titos. Titas. Pati alaga niyong aso, siya ang paborito. Pero bakit mo iisipin ang sasabihin ng pamilya mo, ng ibang tao, kung ina-apply mo lang naman ang “Honesty is the best policy?” – na ang katotohanan ang siyang tunay na magpapalaya sa atin. Dahil walang hugot sa malayang puso. Maluwag na paghinga. Magaan na pakiramdam. Higit sa lahat, walang dinadalang isang sakong tinik sa dibdib mo.

Ngayon, tayo pa. Pero bukas, o sa makalawa, tayo pa rin kaya? Pag sinabi ko na sa ’yo ang totoo? Mamahalin mo pa rin kaya ako nang buong-buo? Paano kung ayaw ko na, gusto ko munang mapag-isa, huwag muna tayong magkita, ako ba’y iyong pagbibigyan? O tuluyan mong kakalimutan?

Nakalilitong matuliro sa sariling tibok ng puso.

“Bukas, walang luluhod na mga tala.

Pero may papatak na mga luha.

Gusto kitang mahalin nang hindi nasasaktan.

Munting kahilingan, p’wede bang pagbigyan?

Gusto ko lang maging masaya.

‘Yung sayang walang halong bola.

‘Yung tunay, totoo.

‘Yung sayang nakikita ko

Pag kasama mo ako.”

Image credit: Mihanblog

Bakit ang hirap hirap maging masaya?

(Photo credit: Pinterest; Mihanblog)

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.