Tatlo at Ikaw

Isa, dalawa, tatlo… Bakit hanggang tatlo lang? Bakit hindi apat? Bakit hindi umabot ng sampu?….

Image credit to Dreamstine

Tatlo, pangatlong tao sa magulong mundong pinasok ko. Ganyan ang naging papel natin sa isa’t-isa. Hindi maaaring isa, at hndi rin puwede na tayong dalawa.

Tatlo, ‘yan ang dami ng oras na nailalaan mo sa akin tuwing nag-uusap tayo kada araw. Sa paulit-ulit na kuwentuhan natin na kulang ang isa, kahit dalawang oras pa. “Kamusta ka na? kamusta na kayo?” “Ako, eto, OK lang, nabasa sa ulan kanina kaya mukhang magkakasakit na naman.”

Tatlo, tatlong buwan na araw-araw kinukulang ang tulog ko. Kaya pagdating sa opisina laging sabaw ang pakiramdam ko. Pero hndi ko iyon inireklamo, dahil masaya ako sa ginawa ko.

Tatlo, mga kataga sa salitang kating kati na ko sabihin sa ‘yo pero ‘di ko magawa dahil hndi pa napapanahon. Mga mata ng tao sa paligid natin na animo’y kilala na ang buong pagkatao mo kung makapaghusga pero hndi natin iyon iniinda.

Tatlo, tatlong minuto lang ang kinailangan mo para sabihin na malapit nang matapos ang karera na ito. Kailangan mo nang lumayo at magsimula ulit. At sa loob ng tatlong minuto na hudyat na pala ng huling pagpaparamdam mo.

Tatlo, ganyan kadaming text at tawag ang ginagawa ko kada araw na lahat pinapatay mo. Hindi mo man lang nakuhang magbigay ng dahilan bakit bigla na lang parang hindi mo na ako kilala; ni hindi man lang matingnan.

Image via Colourbox

Tatlo, tatlong pagkakataon na ang tanging nasagot mo lang sa akin ay, “Sorry”. Paulit-ulit sa tatlong beses na tinanong kita bakit ka nagso-sorry ay wala kang masabing maganda maliban sa, “magulo talaga ako.”

Tatlo, tatlong ulit ko sinabing tatalikuran ko na ito subalit kada kita ko sa selfie mo nabubuhay muli ang pagtingin at paghanga ko. Naaalala ‘yung maikling panahon na ang meron lang ay tayo. Yung maikling atensyon na naibigay mo.

Tatlo, tatlong beses pa ko nagbalak na magpapansin sa ‘yo. Sa pangatlong pagkakataon, nung nakita kita sa mall para manood ng pelikula. Hndi tayo magkasama pero alam mo na, masabi ko man lang sa sarili ko na nakasabay na kita manood ng sine kaya pumasok na rin ako.

Tatlo, tatlong oras dapat halos ang haba ng palabas pero hndi ko naintindihan kasi nakamasid ako lagi sa ‘yo, at sa dumating na kasama mo. Hindi ba ito kasama sa ‘Cyber Crime Law?’ Pag ninakaw sa loob ng sinehan ‘yung taong mahal mo?

Image via Buzzfeed

Tatlo, tatlumpung minuto, ‘yan lang ang itinagal ko. Lumabas na ko kaysa patuloy ko lang saktan ang sarili ko. Hindi ko natapos ‘yung pelikula kaya panonoorin ko na lang sa pirata. Gantihan lang kasi napirata ka na rin naman ng iba. Binalak pa kita sugurin sa inyo lalo na may post ng legendary pokemon sa may bakuran n’yo. Maganda ang alibi ko, POKEMON GO’.

Tatlo, ‘yan ang dami ng bote ng tequilla na inubos namin ng mga kaibigan ko. Sila’y walang alam kung para saan ang ‘pagdiriwang’. Ang aking dahilan ay nais ko silang makalaro ng pubG at game naman sila.

Tatlo, ‘yan lang ang bilang ng mga taong pinagkakatiwalaan ko na nakakaalam buong pangyayari. Minsan kailangan ng kadamay at payo ng kaibigan kasi hindi sa lahat ng panahon kailangan mo mauntog para matauhan.

Tatlo, ‘yan ang bilang ng buwan na lumipas bago ko natanggap na walang tayo. Biglang may pumasok na text sa cellphone ko. “Kamusta ka na? kamusta na kayo?” “Ako eto OK lang, nabasa sa ulan kanina kaya mukhang magkakasakit na naman.”

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.