Tatay, dapat ba akong magalit sa iyo?

Public domain image

Fathers Day!

Hindi ko alam kong ano ang nararamdaman ko sa tuwing sumasapit ang ganitong selebrasyon. Ipinanganak akong hindi ko man lang nakapiling ang aking ama. Hindi ko man lang naranasan ang mapagalitan at mabigyan pangaral ng isang haligi ng tahanan. Hindi ko man lang naramdaman ang pagmamahal ng isang padre de pamilya.

Hindi ako nagrereklamo na wala akong kinalakihang ama dahil batid ko, marami diyan ang hindi lang ama ang wala kundi maging ang pagmamahal ng isang ina ay hindi nila naranasan. Maraming bata ang nasa bahay ampunan pero hindi mo sila nakakitaan ng pagrereklamo sa buhay na mayroon sila. Ako pa kaya?

Marahil, sa ganang akin, kaya hindi ko nararamdaman ang selebrasyon ito dahil mismo sa aking sarili ay hindi ko naranasan may masabihan ng “Happy Fathers Day”. Ambabaw po ano ng aking dahilan. Pwede naman diba akong bumati sa mga tiyuhin ko, sa lolo ko, sa kuya ko na may pamilya na.

Noong ako’y nag-aaral pa lamang sa sekondarya, pinagawa kami aming guro ng sulatin ukol sa aming ama. Ito ay dapat nilalaman ng mga masasayang alaala na kapiling ang aming padre de pamilya, mga pag-uugali mayroon siya at kung ano ang masasabi ko sa kaniya, puwede raw negatibo o positibo.

Para sa unang nilalaman, wala akong naisip, ano nga ba mayroong masayang alaala kasama siya? Wala.

Sa pangalawang nilalaman, anong pag-uugali ba niya ang alam ko na hindi ako magtatanong sa aking ina? Wala.

Sa huling nilalaman, ano ba ang masasabi ko sa aking ama. Sabi ng guro namin, puwede raw negatibo. Doon ako nag-isip. Maraming negatibo ang puwede kong maisulat. Mga hinanakit ng loob.

Pero hindi ko maisulat. Sabi ko sa aking sarili, para saan pa? Mababago ba nito ang aking kapalaran. Kapag minura ko ba siya, babalik ba siya sa buhay namin at ibabalik niya ang kanyang mga pagkukulang. Magiging katuwang na ba siya ni Mama sa pagpapalaki sa amin? Pero huli na. Kulubot na ang mga kamay ni Mama sa paglalabada para lang mapag-aral kaming limang magkakapatid. Hinding hindi na mababawi pa ang hirap at mga sakripisyo ni Mama maitaguyod lang kaming magkakapatid.

Doon ko napagtanto. Para saan pa at kailangan pang magtanim ako ng sama ng loob sa kanya.

Sa puntong iyun, gumana ang aking ballpen, at may ganang isinulat ko iyun sa aking papel. Unang salita, SALAMAT.

Hindi ko magagawa ang blog na ito kung hindi dahil sa kaniya. Isa siya sa dahilan kung bakit ako nabubuhay ngayon. Isa siyang itinuturing kong inspirasyon sa bawat pagsisikap ko sa buhay. Isa siya sa mga naiisip ko kung bakit sa tuwing nakakakita ako ng mga mag-aamang magkakasamang namamasyal sa mga parke ay may ngiting dumadampi sa aking mga labi.

Image via xinrenfuyin.org

May kung anong humahaplos sa aking puso kapag nakakakita ako ng larawan ng mga sanggol na buong pagmamalaking ipino-post sa Facebook ng kanilang mga tatay. Minsan, mga larawan pa ng kanilang pamilya. Minsan naman ay ibinibida sa kanyang mga tropa at mga kumpare.

Nararamdaman ko ang nararamdaman ng isang ama kapag nasilayan na nila ang kanilang mga bagong silang na sanggol mula sa sinapupunan ng kanilang kabiyak. Kabaligtaran ng mga ina, sila ay tahimik lamang sa pag-aagapay sa kanilang mga anak. Marahil hindi mo makikita sa kanila ang tuwa at saya pero ang puso nila ay naghuhumiyaw sa galak kapag ang kanilang mga anak ay nakagawa ng kabutihan, simpleng nakapasa sa exam sa school, naglinis ng bahay, nakatapos ng pag-aaral.

Likas na sa mga ama ang matigas ang loob, hindi mo kaagad sila napapaamo, napapaiyak o napapatuwa. Pero mahal ka nila at mapagmahal sila sa pamilya. Ang kanilang paghihirap sa paghahanapbuhay ay patunay.

2010 noong natuto ako sa social networking sites, hinanap ko sa Facebook ang mga kapatid ko sa ama at nito lang 2011, nalaman ko na binawian na pala ng buhay ang aming ama tatlong taon na ang nakararaan. Hindi ko alam kung ano’ng mararamdaman ko noong mga oras na iyon habang ka-chat ko ang aking half brother. Hindi ko man lang siya nakita kahit man lang larawan.

Kaya ikaw na nagbabasa ng blog ko na ito, pakamahalin mo ang iyong tatay, bigyan mo siya ng isang matamis na halik at yakap sa Father’s day.

Sa iyo, tatay, maraming salamat, mahal na mahal ka namin. Happy Father’s Day!