“Tara, Drive Tayo!”

(photo credit from dorcennn)
(photo credit from dorcennn)

Sa nakaraang article ko, “Kahit Milyon Pa Ang Ibayad Mo Sa Akin, Di Bale Na Lang!  Kung saan dito ko tinukoy, ang isang salitang ako mismo ang sumira.  Binali ko, dahil kailangan kailangan gawin.

Ang aral na natutuhan ko mismo sa aking sarili ay,  “Wag magsalita nang patapos!” Dahil hindi natin alam kung ano ang  puwedeng mangyari! At lahat ng ito ay akin mismong napatunayan. Sa una at sa pangalawang pagkakataon.

Takot ako sa aksidente lalo na sa kalye. Isipin ko pa lang ‘yong mapisa ka ng mga naglalakihang sasakyan. ‘Yong maputulan ka ng kamay at paa! O ‘di kaya, kapag sadyang minalas ka, eh hindi mo na makikita ang lahat ng mahal mo sa buhay. “NO TO DRIVING!” ‘yan ang madalas kong sabihin noon.  Bukod sa natatakot ako sa kalye, eh, wala naman akong hilig sa mga sasakyan.  Para kasi sa akin, luxury lang ‘yan!  Mas importante sa akin ang edukasyon ng mga anak ko, at ang pagkakaroon ng sariling bahay.  Para sa akin, wise lang ako.  Ayaw kong mag invest sa isang bagay, na alam ko nagde depreciate ang value.  Puede naman akong mag commute, at  safe pa ako! Lalo na sa tulad ko na antukin sa byahe.  Higit sa lahat, wala pa akong sakit ng ulo, na karaniwang nararanasan ng mga meron sasakyan; kapag ito ay nagkaroon na ng aberya. ‘Tyak butas ang bulsa ko! Para sa akin hindi ko ‘to priority!  Walang parking space, bawal ang meron car sa apartment at halos lahat ng pinupuntahan ko ay walking distance lamang.

 Nag-umpisa sa isang biruan at napunta sa seryosohan. “Ok, sige! Bibilhin ko, para na din pang delivery service.”  “Ok na ako dian, hindi ko naman kailangan ng bongga na sasakyan.”   Sa isip ko, magagamit ko ito sa negosyo. At para na din makita ko man lamang, ang isang “bunga” ng aking pinaghirapan ng sobra-sobra.  Dagdag pa roon ang isang kwento, kung saan at ‘pano pina-angat ng sasakyan na iyon, ang pamumuhay ng dating may-ari nito.  Mula sa pagiging ordinaryong empleyado, negosyong pagkain ng kanyang asawa; at siya naman ay nagsarili at nagkaroon na ng kanyang sariling negosyo.  Nakapagpatayo ng mga paupahan, nakabili ng mga lupa, at bukod pa doon nakabili na rin ng mga mamahaling sasakyan.  Ayon sa may-ari meron hatid na “suwerte” raw sa kanila ang sasakyang iyon.  Naniwala na rin ako, dahil isa ako sa saksi sa istorya ng buhay nila.  Sa Fengshui tama para sa amin mag partner ang color at plate number.  Mahilig kasi akong mag feng shui, wala naman masama kapag ito ay subukang gawin. Walang marunong magdrive, kailangan ko e hire ang serbisyo ng dating driver kapag kailangan ko.  Mayroon akong messenger, pero motorsiklo lamang ang kayang-kayang  imaneho. Motorsiklo  na galing din sa aking food business.  Kung saan binili ko ito bilang regalo sa aking mahal nang siya ay huling nagbakasyon dito sa Pilipinas.

Dahil kailangan magcost cutting at makasurvive sa lumalaking gastusin ng kompanya, binitawan ko ang aming messenger, at inilipat sa kabilang office. Sumagi sa isip ko na ito’y bilhin na, since na kailangan ang todong pagtitipid, at para mabawasan ang expenses ng kumpanya; na dulot ng sunod-sunod na gastusin sanhi ng paglipat ng aming opisina. Kung bakit kasi ang lugar pa namin, ang napusuang bilhin ng isang developer para tayuan ng mga condo. Ayan, napilitan tuloy maghanap ng ibang lugar. 

At Dahil kailangan ko mabayaran ang aking dating mga boss, sa pagbenta sa akin ng kumpanya, kung saan 17 years ko rin itong hinawakan. Kaya naman kapit sa patalim din ako, sukdulang pagba-budget sa operating expenses. At dahil dito, ako ay naglakas-loob at nagdesisyon na mag-aral ng driving tuwing Linggo.

Apat na araw ang theory, at limang oras ang “actual driving.” Huling klase ay “trouble shooting”. Hmmm..hindi na masama, pang masa ang bayad tuwing papasok.  Una, nagdalawang isip pa ako, naisip ko na naman ang aksidente; Pero bahala na! Kailangan ko talagang matuto, at sayang ang bayad sa taxi ‘twing mayroon delivery. Sobra na rin busy ang kabilang kumpanya, para makahiram ng sasakyan at driver sa tuwina’y meron deliveries.

Twenty Five kami lahat na nag-enroll.  May bata pa, may edad, at may mga trabaho na karamihan.  Kaya sila ay nag-aral mag drive, ayon sa kanila, isa daw sa hinahanap ngayon na skill ng isang kumpanya sa mga aplikante, ang marunong ka mag drive.  Napansin ko karamihan sa kanila, alam mag drive ng motorsiklo, pero hindi alam magdrive ng apat na gulong.  Ang aming guro ay isang MMDA traffic enforcer, partime ‘nya ang pagtuturo at pagiging dentist.  Ang kagandahan sa Xavier School Tech School, meron theory. Kung saan tuturuan kayo ng mga road signs at iba pang diskarte sa kalye tulad ng mga sumusunod:

1. Kailangan nyo matutuhan kung paano maging defensive driver.

2. Isipin ninyo na ang kalsada ay hindi isang malaking “playground”

3. Matutong magbigayan

4. Pairalin ang presence of mind, maging alerto lagi

5.Matutong intindihan ang mga road signs

6. Alamin ang karapatan mo sa kalye at kailangan mo maging abogado ng iyong sarili.

Ilan lamang ‘yan sa mga tips na natutuhan ko, bukod pa sa trouble shooting.

 Kailangan ko mag tiyaga tuwing linggo para pumunta sa driving site.  Ang tawag nila sa lugar na iyon ay “FARRRVIEW”.  Biruan ‘yon dahil sa napakalayong lugar ng Fairview, para sa aming actual driving.  Isang malaking subdibisyon, na wala pa gaanong bahay. Paikot-ikot kami doon, kapag nakita nila na kaya na ng estudyante, ilalabas ka na ng instructor mo.  Ayon sa kanila, mas madali ka daw matuto sa mga mahihirap na sasakyan,  Pinili ko ang isang owner type jeep. Ang sungit ng instructor, sa halip na matuto ka, andun ‘yong matataranta ka, dahil masyadong hyper.  Kaya ka nga nag-aral eh, kasi hindi mo pa alam magdrive at gustong matuto!  Next sunday na lang ulit, bad trip sayang ang aking 2 cards na katumbas ng 1 hour.

 Sunday ulit, masaya din ang aming samahan.  Kahit doon lamang kami nagkakilala, biruan at kwentuhan, para hindi mainip sa biyahe papuntang farrrrview.  Suwerte! “Lalabas na tayo ng highway, marunong ka na pala eh!.” Ayon sa aking instructor.  Bahala na! Hmmm….okey din pala, kahit nakakanerbyos mapipilitan ka nang maging alerto.  Masarap pala ang magdrive, exciting kapag walang kasabayan.  Lalo na kapag madalang ang sasakyan.  Maiinis ka lang kapag nasa ma-traffic kayong lugar.  Sa sobrang tuwa ko, sinubukan kong mag-overtake, natulala ang instructor ko!  Hehehe…. tutulog-tulog kasi eh! Huwag ko na daw uulitin iyon. Ang kailangan ko lang daw tandaan ay maging defensive driver ako at alalahanin na ang kalsada ay hindi playground kundi isang lugar kung saan ay puwedeng tumapos ng iyong mga pangarap sa buhay o maaaring maging daan para ikaw ay maging inutil habambuhay.

 Pagkaraan ng ilang linggo na pagtiyaga, tinawagan na kami para sa aming trouble shooting class.  Ang iba hindi satisfied, dahil natapos ang mga sessions na hindi nila nagawang magdrive nang maraming beses sa labas. Last day at bigayan na ng certificate. Habang hawak ko ang Certificate,  sabi ko sa sarili ko, ‘to na ang aking “Certificate of Overcoming Fear in The Road thru Driving”. Muli, binali ko na naman ang isang salitang binitawan ko sa pangalawang pagkakataon, pero dahil naman sa mayroong magandang dahilan.  Paminsan, minsan kahit na mayroon tayong paninindigan sa ating mga ginagawa at salitang binibitawan.  Maaari din na ito ay makapagpababa ng ating “pride”.  Ang pride na kadalasan ay dulot nito ang madalas na hindi kagandahan.  Ngunit, hindi sa lahat ng oras, kapag ibinaba mo ang iyong pride, ay para sa ikasasama. Bagkus, para ito sa ikabubuti natin bilang isang tao.




 

Enhanced by Zemanta

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.