“TAO PO KAMI”

“Tao Po Kami”

I AM BEGGING YOU TO SPARE TIME TO READ, LIKE AND SHARE THE TRUE TO LIFE STORY OF ONE OF OUR OFWS WHO SUFFERED FROM THE CLAWS OF THE DEVILS!

Photo and Concept credited to: Emily Ann Chan
Photo and Concept credited to: Emily Ann Chan

Hango sa karanasan ni Ate RAQUEL IRENEA

Siya si RAQUEL IRENEA, tubong Silang, Cavite. Katulad namin ay nangarap din na umahon sa kahirapan at mabigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya kaya kahit malayo man ay nagsumikap siya na maabot ang bawat pira-pirasong pangarap na unti-unting naglalaho dahil sa hirap ng buhay sa Pinas.

Dumating siya dito sa buhanginang lupa noong September 21, 2009 na bitbit ang bawat pangarap na pgsusumikapin niyang maabot.

Ang kanyang employer ay mag-asawa na may apat na anak. Si “BABA” ay isang lisensyadong Doctor of Education at kasalukuyan nagtuturo sa isang tanyag na ” Medical School”. At si “MADAM” ay isang taong bahay. May apat na anak na nakapagtapos at professional na matatawag ngunit mga demonyo ang pag-uugali.

Dalawa silang kasambahay sa loob ng bahay ni Baba. Ang isa ay Nepali ang lahi. Si madam ay malupit. Binubugbog silang dalawa kahit walang kasalanan. Inuuntog sa pader, sinusuntok sa dibdib, hinahataw ng tubo ng wiper hanggang magkanda-bali bali dahil sa lakas ng hampas ni madam, pinapalo ng dos por dos sa ulo at kahit tulo na ang dugo ay wala pa ring pakialam si madam at sige pa rin ang pagbira.

Kung minsan ay tinutulungan pa ng mga anak ni madam na sila ay bugbugin.

Anong klase bang mga tao tong mga to? Hindi ba nila alam na sina Ate Raquel ay tao at hindi aso?

Mga walang puso. Hindi pinapakain (masaya na sila kung binigyan ng Kubos, ‘yun po ay unleavened bread or walang pang paalsa na tinapay) Hinahampas ng sapatos sa ulo (hindi po sila mga hayop!) at kahit dumudugo na ay sige pa rin si madam at si baba!!!

Tinali ang kamay at paa sa loob ng tatlong araw (mas masahol pa sila sa baboy sa ginawa ng amo nila sa kanila). Hindi pinasahod sa loob ng limang taon, walang komunikasyon ng anim na taon sa kanilang pamilya (at doon naagaw ang aking pansin sa salita niyang anim na taon nang hindi niya nakausap ang pamilya niya kaya naantig ang aming puso at hinanap namin sa Facebook ang kaniyang kamag anak).

Hindi natutulog ang Diyos at binigyan sila ng pagkakataon na makatakas! Ni rescue sila ng kasama niya sa King Fahad Medical City dahil na rin sa tulong ng mga Pilipino na nurses! Saludo kami sa ating mga kapatid na handang tumulong sa oras ng kagipitan lalo na po si Nurse Nheztor  na kung saan nag-upload siya ng video ni Ate Raquel at shinare po namin sa Facebook.

Napakatindi ng sinapit ni Ate at ng kasama niya sa mga mala-demonyong employer nila! Matatawag man silang ” PROFESSIONAL, “mga asal hayop naman!

Kung sinu-sino ang sinendan ko ng message na kung saan Dasal namin na sana ay mabasa agad ng pamilya at kamag-anak or kahit na sinong nakakakilala sa kaniya na sana ay mabasa nila agad ang mensahe galing kay Ate Raquel na siya ay humihinga pa at patuloy na lalaban sa agos ng buhay!

Dumating si Ate sa bahay kalinga na nanginginig, putlang-putla, umiiyak at hindi makasalita nang diretso dahil sa tuliro at nanghihina. Malaking pasasalamat na siya ay ligtas at nasa kamay na ng Embahada ng Pilipinas.

Sana po ay makarating sa mga kaukulan ang kuwento ni Ate Raquel at iba pang mga ahensya ng gobyerno. Maipasara din sana at makasuhan ang namamahala sa ahensya ni ate kung saan siya nag-apply dahil pinabayaan siya dito nang matagal. Naghinagpis ang kaniyang pamilya dahil sa kawalang pag asa na siya ay mahanap nang buhay.

Anim na taon na sakripisyo at paghihirap ang tiniis nila sa kamay ng demonyo at hayop nilang amo! Sabi ko nga kay ate, patatayuan ko siya ng dambana sa EDSA dahil sa kagitingan niya!

Sa ating Gobyerno, nasaan po ba ang hustisya?

Alam nating lahat na hindi matitigil ang mga kasong ganito kung walang magsasalita at walang magsisiwalat sa tunay na buhay ng mga OFWs sa buong mundo. Iisa lang naman po ang aming hangarin, ang makapgtrabaho at makapag-ipon para maabot ang mga munting pangarap namin.

Pilipinas, kailan ka ba magigising na ang mga Pilipino ay hindi habang buhay na magpapasakop at mabubuhay sa takot sa dayuhang lupa? Kailan magkakaroon ng “FAIR JUSTICE” para sa mga OFWS?! May buhay po kaming umalis sa bansang sinilangan, sana ay may hininga din kaming babalik.

Kaming mga Pilipino ay mga tao rin. May damdamin, mga pangarap, mithiin na kahit malungkot at malayo sa pamilya ay ninais pa ring makapagtrabaho sa bansang dayuhan. Tao po kaming dumating, sana tao rin ang pagtrato ninyo sa amin. Hindi po kami mga hayop na basta basta ninyo na lang na sasaktan, hahampasin, bubugbugin o hindi pakakainin.

WALA PO KAYO KARAPATANG TRATUHIN KAMING PARANG BASURA AT MAS HAYOP PA SA HAYOP!!

Kung kayo po ay pumunta sa aming bansa, hindi ninyo mararanasan ang kahit na ano man pinaranas ninyo sa amin; bagkus tatangapin namin kayo nang buong puso.

Sana po ay mamulat ang mga mata na nagbubulag-bulagan, makarinig ang mga tainga na nagbibingi-bingihan, at magkaroon ng hustisya ang mga nangangailangan.

Gumising ka Pilipinas! Hindi pa huli ang lahat!

 

About sulat_kamay11

I am a writter by heart. I am currently in Riyadh Saudi Arabia under the protection of our Embassy. I want to write about the life of OFWs here and will be writting more about anything.