Tanong at Sagot

Tonee_MajulHanggang ngayon marami pa ring hindi malinaw sa akin.

Akala ko masasagot lahat ng iyon kapag ibinalik ko sa iyo lahat ng mga gamit na nagpapaalala sa akin ng ating nakaraan. Hindi pala. Tanging ang raketa lamang ng badminton ang iyong kinuha.

“Salamat”, ang tanging nasabi mo na lamang sa kabila ng lahat ng pag-aabala ko.

Walang bahid ng pagsisisi, ni hiya sa mukha mo. O maaaring ‘di mo lang maipakita pagkat kasama mo siya—siya na ipinalit mo sa lahat ng aking inaalay nang buong buhay; mga alay na akala ko’y walang katumbas at kapalit sa mundong ibabaw. Ano nga naman ang dapat pagsisihan kung masaya ka naman ngayon sa piling niya? Hindi pa ito ang panahon na dapat mong pagsisihan ang mga bagay na iyong ginawa.

Naging masaya ka ba sa piling ko? Saan ako nagkulang o saan ako lumabis? May mga bagay ba na di ko na kayang punan? O sadyang ikaw lang ang nagkamali: na nahihiya ka na sa akin ‘pagkat ‘di mo na kayang tumbasan ang pag-ibig na inialay ko?

Napakaraming tanong; ni isa’y wala kang ibinigay na sagot. Gusto ko mang akalain na lamang ang mga kasagutan: naging masaya ka rin naman sa piling ko, minahal mo rin ako nang buong puso, nadama mo rin ang aking pagsinta, na lahat ng ito ay bahagi lamang ng mga balakin ng Diyos sa buhay nating dalawa—pero tila ang hirap paniwalaan kung aking titingnan ang iyong kawalan ng panghihinayang.

Siguro nga’y  ‘di ikaw ang kasagutan sa mga katanungang ito, at maging ako ay hindi sapat na kasagutan sa mga tanong na bumabagabag sa iyong isipan.

Hindi sa lahat ng pagkakataon, tayo ang solusyon sa mga problema sa buhay ng mga taong ating pinapahalagahan. 

Masakit mang isipin na hindi ako ang solusyon, masaya na rin ako at hindi ko na kailangan pang hanapin ang kasagutan sa mga sarili kong katanungan. Mas may panahon na ako upang sagutin naman ang iba pang hiwaga ng tadhana. Kumbaga sa isang pagsusulit, sasagutin natin ang mga tanong na iyan matapos nating sagutin ang mga pahayag sa iba pang mga bilang.

Ang hiling ko lamang ay huwag mo akong kalimutan  nang lubusan. Na sa mga pagkakataong ikaw ay mag-isa at nalulumbay, magsilbi sanang munting ligaya ang ating mga pinagsamahan: mga bundok at burol na inakyat, mga dagat na tinawid, at mga himpapawid na nilipad. Mga panahong tayo’y tumawa, namangha, nagalit, nagtaka, nainis, natuwa, at nagmahal sa isa’t isa.

About The Social Scientist

is the author of the blog of the same name and of Pilipinas 360. He looks at and digs deeper to find the implications of current issues, news and actions to Filipino society.