Takot Ako sa Letrang X

Pucha! Nagising ako kaninang mag-uumaga, nag-check daw ako ng Facebook kasi naghhintay ako ng resulta ng blood test ng kapatid kong may dengue. Grabe ang antok ko, para lang akong zombie na nagba-browse kung may nag-inbox o message sa wall ko. May notifications daw. Ang sabi, “S***t R**** liked your photo”, dalawang beses. At oo, S***t, means SALOT. Na-paralyzed ako, antagal ko nang hindi naalala ang pangalan na yun, ni hindi na sumasagi sa utak ko. Tapos ngayon bigla bigla sa panaginip ko (bangugot) makikita ko? Bakeeeet? Ah malamang patay na sya nagpaparamadam lang.

Sabi ko panaginip lang to, itutulog ko ulit…

Pagdating ko sa opisina, naalala ko yung weird na bangungot ko kaninang umaga. Nag-check ako ulit ng FB. Ahhh tanga, andun nga, totoo nga! Yung album ko nuong New Year’s Eve, naka public pala. Bakit ko kase pinublic??! Ngayun naaalala ko tuloy kung bakit in the first place sobrang naka-private yung Facebook account ko.

Bakit ka nag-public ng album mo, tanga. Nahanap ka tuloy ng mga taong hindi naman dapat. Nang mga taong matagal mo nang ibinaun sa limot, at ipinag-pi-pray na sana makalimutan ka na din nila, na ni minsan hindi sila naging parte ng buhay mo.

Wala na akong masamang nararamdaman para sa kanya, pero wala rin akong mabuting nararamdaman para sa kanya. Dahilan siya ng mga araw na hindi ako mapakali, na laging may madilim na ulap sa ulo ko, mga daga na naghahabulan sa tiyan ko, pagsusuka, kawalan ng tulog at pagkabog ng puso ko. Hindi healthy thoughts ang idinulot niya sa akin. Ang tagal kong ginamot ang sarili ko nang mawala ang kumpiyansa ko sa sarili ng dahil sa kanya. Ang akala kong mapagmahal kong ugali ay may nakatago pala na bangis.

Natatandaan ko yung gabing yun. Sabi ko sa sarili ko tatapusin ko na itong kahibangan ko at ang pag-asa kong magkakabalikan pa kami ay sasarahan ko na. Lahat ng tanong ko kung bakit siya nakipaghiwalay sa akin ay itatanong ko na at dapat sagutin niya ako ng matino, hindi ng mga kasinungalingan na ikinalat niya sa mga tao para maging makatarungan ang ginawa niya sa akin. Gusto ko ng closure at katotohanan. Pinuntahan ko siya sa bahay nya para makipagtapos ng maayus…

Sinagot niya nga ako ng matino…ng totoo. Nawala ako sa katinuan, naitulak ko siya ng malakas, tinulak niya kase ako eh. Kase sinapak ko siya ng thunder sapak.. hindi ko alam na kayang kaya ko pala yung thunder sapak. Ang sarap sa pakiramdam, hinding hindi ko pinagsisisihan yun pananapak, (yung tulak oo).  Kasama yun sa closure na kailangan ko. Sabi niya saken, kung gusto ko raw tadtarin siya ng saksak gawin ko na, eh isang dipa lang ang layo sa akin nung mga kutsilyo sa may kusina!

Huwag na huwag kang mgbibigay ng suggestion na ganun sa babaeng nababaliw sa galit!

Pero ayun sapak lang nga ang binigay ko, hindi ko kayang gumawa ng ganun… May pinagsamahan pa rin naman kami, wala na nga lang akong natitirang respeto sa kanya.

Nung mga sumunod na araw, ako pa ang nasisi niya nuong magsumbong ang bagong GF niya. Ang sabi binastos ko daw ang new GF niya. Wala akong pakilam sa GF niya kaya. Nagkataon lang na nasa taxi yung GF niya at nadaanan ako sa kalsada. Ako pa nga ang binastos nung babaeng yun sa social media. Sabi saken “MOVE ON B*TCH!”, ako na nga ang inagawan ng BF, yan pa ang sinabi saken. Hahaha, kalokang buhay ko ito. Buti na lang resilient akong tao, lumaki sa hirap at katotohanan ng pait ng buhay dito sa mundo. Kaya hindi ako pumatol, hindi ako nakipag away sa mang aagaw, naawa pa nga ako sa kanya. Wala akong pakialam sa new GF, ang pakialam ko eh ang pinagsamahan namin ng X ko, yung mga pangarap namin, yung pag-aalala na baka nabubulagan lang siya. Yung utang niya saken… Yung pamilya nya na ang bait bait sa akin. Nawala lahat yun sa akin. Pumili siya ng iba.

Hindi ako nag eskandalo, ni hindi ko nga sinabi sa mga tao na naghiwalay na kami. Nalaman nila pagkalipas na ng ilang buwan. Mga malalapit ko lang na kaibigan ang nakaalam, hindi ko kase kakayanin na walang karamay. Pero kahit na…tinatablan din ako ng lungkot, ng depression. Hindi ako makakain, kahit anung pilit ko. Sa trabaho minsan, nakataas ang mga paa ko sa upuan at yakap yakap ko ang sarili ko, nakayuko, parang hipon. Ang sakit sakit.. Ang payat payat ko na nga, mas lalo pang humimpis ang katawan ko. Tinangka ko din saktan ang sarili ko, buti na lang takot ako sa dugo, at saka sa sakit. Alam mo yung pakiramdam na ang lungkot mo tapos di ka mkapag-isip ng matino, pero yung isang parte ng utak mo ang sabi – “Tanga ka, ang drama mo! Lalake lang yan, paanu na ang pamilya mo? Duwag!”.

Pagkaharap ko nga ang pamilya ko, lagi akong naka-pokerface. Ayoko na makita nila na malungkot ako, na kulay abo ang mundo ko, at tinatablan ako ng sobrang lungkot. Pag kumakain nga ako na kaharap sila kahit masuka na ako, pinilit ko pa rin para lang huwag masabi na hindi ako OK. Kahit na sa loob-loob ko, gusto ko na lang tumalukbong ng kumot at huwag pakialaman ang pag-ikot ng mundo.

Ayun nabuhay naman ako.

Trabaho lagi, kasama ang mga kaibigan ko na sobrang supportive at mas matatanda sila sa akin kaya mas magagaling silang pumayo. Ang laki ng utang na loob ko sakanila. Halos lunurin ako sa pagkain basta lang kumain ako. Pati lunch time sinisiguro nilang kumakin ako para bumalik ang sigla ko. Bawal daw akong lumabas sa kalye na parang patay at parang losyang. Walang wala na talaga ang kumpiyansa ko sa sarili. Ewan ko ba. Sabi ko kay X nuong nakikipaghiwalay siya, “Hindi ko makita ang sarili ko na kasama ang ibang lalake. Walang wala sa isip ko yun. Parang ang weird na iba na ang magiging kasama mo, at ako malungkot sa isang tabi. Anlalamig ng kamay ko sa isipin na yun..”

Di ko maikukuwento lahat kung bakit ganun  kasakit at ka-drama ng paghihiwalay namin. Dumaan kami sa proseso ng “you-and-me-against-the-world” eh. Daming nawala namin na mga kaibigan, daming kumutya na ngka-relasyon kami, maraming nasaktan, at maraming okasyon na hindi namin dinaluhan para mkaiwas sa mga taong mapang husga. Pinaglaban namin ang relasyon namin, tapos mapupunta lang sa wala ang mga sakripisyo namin. Kaya masakit, nakaka-trauma.

May mali ba saken? Bakit mabilis niya lang akong naiwanan?

Tapos fast forward ng more than 6 years, makakatanggap ako ng LIKES at message galing kay X? Uu, nag message pa pala ang Salot, na parang ang close close naming dalawa. As if walang nangyaring trahedya sa pagitan namin.

loneliness photoBakit ka bumabalik ngayun sa buhay ko, Salot? Sinisira mo nanaman ang buhay ko. Ang naiwan na lang na emosyon sa puso ko para sayo ay Depression. Ayoko nang bumalik sa ulo ko ang madilim na ulap na dala mo…

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.