Takipsilim

Takipsilim

Tanda mo pa ba? Sana naman tanda mo pa. Sana naman naririnig mo mga sinasabi ko sayo. Ang mga sandaling hinihintay natin ang katapusan ng araw. Mga sandaling hinihintay nating dalawa ang kagandahan ng gabi at magdamag nating tinititigan ang mga bituin na bumabalot sa kalangitan.

Ituturo mo pa ang iba’t ibang mga konstelasyon at ipapahula mo sa akin kung ano ang pangalan nila, kahit alam mong hindi ko matatandaan ang itsura nila, ang pagkakaiba ng bawat konstelasyon. Kinakausap natin ang mga bituin kahit alam nating hindi sila sasagot. Magdamag tayo hanggang sa manawa, hanggang sa mapagod at kinabukasan ay ganon ulit. Ang saya nating dalawa, abot langit ang saya nating dalawa tuwing gabi.

Naalala mo pa ba? Tayo lang dalawa dati laban sa buong mundo. Walang makakasira. Walang makakatibag sa ating matibay na samahan na binuo sa paglipas ng panahon. Walang iwanan, iyon ang ating samahan.

Ang buhay ko ay hindi mahalaga kung ikaw ay hindi makakasama. Wala ako kung wala ka. Wala ka kung wala ako. Wala ako kung walang tayo.

Ikaw ang nagbigay ng buhay sa aking malungkot na buhay. Napawi mo ang pakiramdam ng aking pagiging mag-isa. Kislap ng iyong mga mata ang siyang nagbibigay ng kulay sa mundo kong walang kulay. Mga bulong ng hangin na nag-uugnay sayo at sa aking buhay. Talagang pinagtagpo tayo ng tadhana dahil nararamdaman ko na tayo ay ginawa para sa isa’t isa.

Ngunit bakit ganon? Hinahanap ka bigla ng langit. Hindi ko alam kung saan kita itatago. Hindi ko alam kung madadaya ko ba ang langit, kung mapapatagal ko pa ang oras nating dalawa. At sayong paglayo ay tangay-tangay mo ang buhay ko. Sa bawat pintig ng puso ko ay wala akong ibang dalangin. Wala akong ibang hiling basta huwag kang agawin sa akin.

Ngunit hindi ko mapipigilan ang gusto ng langit. Alam ko naman ang aking hinaharap, hindi ito mapipigilan ng kahit sino. Napilitan tuloy akong bitawan ang lahat. Napilitan tuloy akong isuko ang pag-asang matupad ang hiling ko. Napilitan akong piliting tanggapin na wala na ang lahat, piliting tanggapin na inagaw ka na ng langit.

Tinititigan ko pa rin ang mga bituin na bumabalot sa kalangitan bawat gabi. Kinakausap ko sila tulad ng ginagawa natin dati. Hinuhulaan ko ang bawat konstelasyon sa kalangitan kahit hindi ko matandaan ang itsura nila. Patuloy pa rin kitang kinakausap kahit alam kong hangin na lang ang sasagot at hindi na ang boses mo.

Siguro, hanggang doon na lang ang lahat. Siguro, tinakda talaga na mangyari ang lahat ng ito. Siguro, iyon na ang takipsilim ng kung anong mayroon sa ating dalawa. Wala akong magagawa dahil nangyari na ang bagay na hindi kayang pigilan ng kahit nino man. Wala akong magagawa kung di piliting maging masaya tuwing gabi dahil alam kong tinititigan mo rin ako pabalik.

Abot langit pa rin ang aking kasiyahan tuwing gabi dahil alam kong isa ka na sa mga nagniningning na mga bituin na babalot sa kalangitan pagkatapos ng isang napakagandang takipsilim.

5 Comments

  1. 651035 112807I??ve read several very good stuff here. Certainly value bookmarking for revisiting. I surprise how much effort you put to create 1 of these outstanding informative web site. 456108

Leave a Reply

Your email address will not be published.