TAGA-SAAN KA SA ATIN?

Noong unang dating ko dito sa Barcelona ten years ago, sa tuwing makakakita ako ng kapwa Pinoy ko sa daan, grabe ang excitement kong makabatian at makakuwentuhan sila. Para bang nawawala panandalian iyong “homesickness” na sinasabi nila. Isang beses, may nakasakay ako sa bus na isang Pinay, nagkangitian kami nung una, at tuwing magsasagi ang aming mga paningin, tango at ngiti ang binibigay namin sa isa´t-isa. Swerte naman na bumaba ang nakaupo sa tabi nila kaya´t dali-dali akong umupo sa tabi nitong kababayan natin. Hanggang sa ang palitan ng ngiti ay naging palitan na ng salita.

“Saan ang baba mo?” , tanong nya sa akin.

“Dyan lang sa Ronda San Antonio”, sagot ko naman.

Katahimikan uli.

“Taga-saan ka sa atin?”, tanong nya sa akin.

Natigilan ako kasi di ko alam ang isasagot ko. Ang Tatay ko kasi ay Bikolano, ang Nanay ko ay taga-Mindanao, ipinanganak ako sa Quezon City pero may bahay kami sa Montalban , Rizal.

“Taga-Manila ako”, iyon na lang ang napag-desisyunan kong isagot kaysa ikuwento ko pa sa kanya ang buhay ko.

Pagkalipas ng sampung taon, sa tuwing may makakasakay akong kapwa-Pinoy, apat sa bawat lima sa kanila ang nagtatanong sa akin kung taga saan ako. Sa una ay di ko masyadong pinapansin o iniisip kung bakit madalas itong naitatanong ng mga kababayan ko. Ang napansin ko lamang, sa aking pagmamasid, sa tuwing hindi type ng nagtatanong kung saang lupalop ng Pilipinas ka nanggaling ay bigla na lamang siya tatahimik at di ka na papansinin.

Dito sa España, karamihan ng mga Pinoy ay galing ng Batangas at Ilocos Region…ika nga mga Batangueño at Ilokano. Marami rin taga-Laguna, Mindoro, Bikol, Bisya pero mga Ilokano at Batangueño talaga ang mga nangunguna sa dami ng mga Pinoy dito. Ang asawa ko, half-half, half Ilokano, half Batangueño…biro ko sa kanya, pag nagkaroon ng giyera dito ang mga Ilokano at Batangueño, patay sya kasi balimbing sya.

Gaano ba ka-importante ang probinsyang pinanggalingan? Ano ang kahalagahan ng rehiyon? May kaibahan ba kung sasabihing taga-North ako, ikaw taga-South? Gaano ba ka-regionalistic ang mga Pinoy? May naidudulot ba itong pangit o kagandahan sa ating bansa? Iyan ang mga katanungang nabuo sa aking isipan matapos ang sampung taong pamamalagi ko sa ibang bansa.

Dito sa Barcelona, pag Catalan( native ng Barcelona) ka daw, kuripot ka. Pag taga Pais Vasco, baka ETA (rebel group). Parang mga Pinoy, bawat rehiyon, meron tayong idinidikit na pintas o pangit sa kanilang ugali. For example, pag Kapampangan daw, mayabang; Ilokano, kuripot; at madami pang iba. Pero kung ating lubusang bubuksan ang ating mga isip, madaming mayabang na di naman Kapampangan, madami ring kuripot na di naman Ilokano. Ang totoo, gusto lang natin itaas ang ating kaniya-kanyang rehiyon. Maari naman natin itong gawin nang hindi isasakripisyo ang karangalan ng ibang rehiyon di ba?

Kung pagbabago ang nais natin para sa ating bansa, mas mabuti na umpisahan natin ito sa ating sarili. Huwag nating hanapan ng pangit ang kapwa natin Pilipino , sa halip ay i-respeto natin ang kaniya-kanyang pinanggalingan natin. Hindi maaring maging buo ang Pilipinas kung wala ang Ilocos, o Batangas, o Bisaya o Mindanao. Lahat ng rehiyon ay bumubuo ng Pilipinas. Kung may kagandahan sa iyong rehiyon, malamang ay meron din sa ibang rehiyon. Pilipino pa rin ang tawag sa atin kahit sang probinsya ka nanggaling. Ngayon, kabayan, maari mo bang sabihin sa akin kung taga-saan ka sa atin?

 

About Joy Rebanal-Laygo

Residente ng ibang bansa, Pilipino pa rin sa puso at diwa. Isang anak, kapatid, asawa at ina. Walang pakialam sa sasabihin ng iba.