Swing mo ko, Beybeh!

(Photo Credit: learn2dance4fun)
(Photo Credit:  learn2dance4fun)
(Photo Credit: learn2dance4fun)

Noong 4th year High School ako, nagkaroon kami ng sariling yearbook bilang batch. Dahil nga kakaunti lang kami sa pinapasukan kong paaralan, hindi na gumastos yung principal para sa’min. Kanya-kanya na lang daw na gawa. Ang advice ng teacher ko, gawin na lang daw naming ‘slumbook’. Para sa mga batang mambabasa, ang slumbook ang libangan ng mga mag-aaral noong hindi pa uso ang Facebook at Twitter. Ito yung bio-data na may halong kalandian at lahat ng ka-ek-ekan na pinagpapasapasahan ng mga magkakaklase. Isusulat mo doon yung mga favorite mo. Favorite book, favorite ulam, favorite deodorant, favorite flavor of the month ice cream. Nililista rin dito yung mga ‘firsts’. First crush, first kiss, first love at lahat ng mga firsts. Pati lahat ng ‘define’. Define love, define friendship, atbp. Grabe! (Hindi pa rin ako makapaniwala na pumatol ako sa ganitong klaseng bisyo noon.)

Dahil nga pinagpapasa-pasahan namin yung mga DIY yearbook na proud na proud kaming dalhin kahit nasaan man kami, naglaan ang bawat isa sa’min ng message box. Dito isusulat yung positibong bagay na nakikita sa’yo ng kaklase mo. Kahit wala, dapat meron. Yung demonyo mong kaklase, ay masasabihan mo pang ‘nice’.

Nang nakabalik sa’kin yung nag round robin kong yearbook, isa lang ang comment nila. Gwapo daw. (Siyempre, guni-guni ko lang ‘yon.) Karamihan sa kanila ang sinulat ay talented, gifted, at special. Mahilig kasi ako maggitara at kumanta sa klase, at dahil sa kitid ng utak ng mga kaklase ko, hindi nila magets na ang pagiging talented at gifted ay napakalawak na pang-uri. Wala lang ako sa kalingkingan ni Daniel Padilla noong panahong ‘yon.

Naisip ko bigla, bakit musika at pagsusulat ang nakahumalingan ko noon. Puwede namang naging magaling na lang akong dancer. Inggit na inggit ako sa mga kaibigan kong nasasabayan ang tunog ng sumisigaw na bass at beats gamit ang katawan nila. Naiiinggit ako kasi kahit gusto kong magperform at wala akong gitara, hindi na puwede.  Pero sila, isalang lang ang cassette tape na mayroong “Macarena” remix by Dr. J Black, puwede na.

Sinubukan kong sabayan ang mga kaibigan kong nag be-break dance. Ang lupit talaga. Ang nasabi lang nila sa’kin, “Pare, wala ka bang gitara diyan?” Kulang na lang sabihin nilang  “Layas! Parehong kaliwa paa mo! Tanga!” Hindi talaga ako pinanganak para sumayaw. Kahit na ano pang klase yan, mapa Boogie man ang Chacha. Kahit na Huling El Bimbo pa ‘yan. Olats talaga.

Pero sabi nga nila, ang lahat ng kinatatakutan ay kailangang harapin kahit na ayaw mo.

Lalo na kung grado mo ang nakasalalay.

2nd year college ako at ang PE namin ay ballroom. Computer ang kurso ko noon at hindi ko maintindihan kung ano ang kinalaman nito sa Visual Basic at Java. Pinagpares-pares kami sa mga kaklase kong babae. Mas masaklap dahil kami raw ang magdadala ng buong sayaw.

Naturingang Swing ang itinuro sa’min ng professor ko. Hindi pa kami nagsisimula, binulungan ko na yung kaklase kong babae na minalas maging kapartner ako.

“Hindi ako marunong sumayaw. Pagpasensyahan mo na lang ako ha”

Tiningnan lang ako at nagpakita ng facial expression na parang “Para eto lang?!” turn off ka! Yuck!”

Pinatugtog ng guro ko ang walang kamatayang pambansang awit ng mga Swing na “Awitin mo at Isasayaw ko” ng VST and company habang nagturo ng iba’t ibang figures kung paano ang magiging sequence ng aming sayaw.

Tinuruan kami nang wala munang tugtog. Step by step. Nakakasabay naman ako kasi parang robot lang kapag ganoon. Hinawakan ko ang kamay ng kapares ko.

“Okay ka naman ah! Pwede na yan.” Sabi ng pares ko.

Sa loob loob ko “Sana ba kung walang tugtog ang swing. E, meron ‘te eh!”

“Alright, I’ll be calling a pair to show us how to do it.” Sigaw ng professor ko na kamukha ni Michael de Mesa.

“You! You! Your pair, show us how to do it”.  Tulala ako at akala ko ang tinuturo ng aming mahal na guro  ay yung pares na nasa likod ko, kami pala.

Nagkatinginan kami ng partner ko at dito na ako pinagpawisan ng husto. Pati deodorant ko, hindi tumalab dahil sa kaba. Nakita ko na lang ang sarili kong dinedemo sa buong klase yung tinuro sa aming steps.

Walang tumawa o anuman.  Hanggang sa nilapatan na  ng musika.

Basang basa ang kamay ko habang hawak ko ang partner ko, at dito na ako nagkamali. Hindi ko kayang masabayan ng sayaw yung pinatutugtog na kanta. At sa ayaw mangyari ng lahat, naapakan ko yung kaklase ko sa kanyang kaliwang paa. Nagsorry ako, at naulit siya nang limang beses pa. (According sa bilang ko. Pero mukhang inabot ‘yon ng mga 13 sa tally niya).

Nakaraos kami at nang natapos na yung klase, nilapitan ko siya pero inisnab ako.

Naintindihan ko naman siya. Awkward lang kapag nakakasalubong ko siya minsan.

Noong sumunod na meeting namin, nagulat na lang ako nang sabihin ng professor ko na iba na lang daw yung kapares ko dahil nagreklamo yung kaklase kong hindi ko sinasadyang maapakan. Mas nanliit ako. Kasi, ang galing ng naging kapares niya. And mukha siyang masaya.

Matapos ‘non, tinigilan ko na ang pag-iilusyong kaya ko pa sumayaw. Kahit anong pilit ko hindi talaga puwede. Kung gaano ako kabilis magbasa ng tipa sa gitara at piano, ganoon naman kabagal sundin ng katawan ko ang musika.

Ang masaklap doon minsan, ang panghuhusga ng isang tao laban sa isa ay nagbabase sa isang kakahayang siya lang ang gumawa ng sariling pamantayan.

Madilim na katotohanan ng buhay.

Mas naintindihan ko na kung bakit ang pamagat ng imortal na sayaw na ‘yon ay “Awitin mo at Isasayaw ko.”

Hindi lahat ng tao ay dapat sumasayaw kapag may tugtog. Merong kaliwa ang paa. Hindi lahat ng tao dapat umaawit sa karaoke. May sintunado. Sana nakikita ng lahat ‘yon at tinatanggap nang walang paghuhusga laban sa iba. Pare-pareho pero iba iba. Iba-iba, pero pare-pareho.

“O, Pula.. tres daw final grade mo sa Swing sabi ni Prof! Hehehe”.

Whatever.

About Jared Richard Uy

Full-Time Teacher. 66% Humanist. Cultural LDS. INFP. http://maligaligako.wordpress.com