Super Nanay: 39-anyos na solo parent, mayroong 38 na anak

Image from Kassim Kayira via Facebook

Tunay na malaking pagsubok para sa mga magulang ang magpalaki ng mga anak.

Dalawa o tatlong anak pa lamang ay nahihirapan na ang karamihan lalo na’t maraming pangangailangan ng kanilang mga anak ang nais nilang maibigay.

Hindi nakapagtataka na ang ilan sa kanila ay itinuturing ng kanilang mga anak bilang “superhero” dahil sa labis na sakripisyo at pagmamahal na ibinibigay nila.

Ngunit alam n’yo ba na may isang natatanging “superhero” na nanay ang matatagpuan sa Uganda, at ito’y dahil sa ang single mom ay mayroong 38 na anak na inaalagaan!

Image by Happenings Media via Twitter

Siya si Mariam Nabatanzi, 39-anyos sa kasaluluyan at mula sa Kasawo village sa bansang Uganda.

Image from Kassim Kayira via Facebook

Sa edad na 13 anyos, binenta at ipinakasal na si Nabatanzi ng kaniyang mga magulang sa isang lalaki na mas matanda sa kaniya ng 27 na taon. Pagkatapos ng isang taon, nagluwal siya ng kambal na anak.

Sa mga sumunod na taon, nagluwal si Nabatanzi ng triplets at quadruplets.

Siya ay nagkaroon ng anim na kambal (12), apat na set ng triplets (12), tatlong sets ng quadruplets (12), at dalawang anak na solo.

Sa kabuuan, nagluwal siya ng 44 na anak, ngunit anim sa mga ito ang hindi pinalad na mabuhay kung kaya’t 38 na lang ang natira sa kaniya.

Image from Kassim Kayira via Facebook

Upang maitaguyod ang malaki niyang pamilya, si Nabitanzi ay pumasok sa iba’t ibang klase ng trabaho — hairdresser, event decorator, pangongolekta at pagbebenta ng mga bakal, pagbe-bake ng cake, o ‘di kaya ay pagbebenta ng alak at herbal medicine. Tinutulungan din siya ng kaniyang mga anak sa pagta-trabaho.

Kapos man sa pera ay naitatawid naman ni Nabatanzi na mapag-aral ang lahat ng kaniyang anak. Isa sa mga ito ay naging nurse na, at ang isa naman ay naging qualified builder.

Image from Kassim Kayira via Facebook

Ayon kay Nabatanzi, hindi raw tumulong ang kaniyang asawa sa pagpapalaki ng kanilang mga anak. Tumulong lang umano ito sa pagbibigay ng pangalan sa mga anak, at minsan ay sa telepono nga lang daw.

Palaging nawawala ang kaniyang asawa hanggang sa tuluyan na sila nitong nilisan at inabandona.

Ayon pa kay Nabatanzi, noong nakapag-luwal na siya ng 23 na anak, napagpasiyahan na raw niyang tumigil at lumapit sa isang doktor. Subalit pagkatapos ng eksaminasyon, nalaman na mayroon siyang mataas na ovary count na dahilan ng kanyang multiple pregnancy.

Siya ay sinabihan na ang pag-inom ng birth contr0l pills ay maaaring magdulot ng masama sa kaniyang kalusugan kaya’t hindi na niya ito ginawa.

Image from Kassim Kayira via Facebook

Sa kabila ng dami ng sakripisyo ni Nabatanzi upang maitaguyod ang kaniyang pamilya, hindi raw umano siya nagsisisi na nagluwal siya ng maraming anak.

Aniya, ang mga anak daw niya ay isang malaking biyaya mula sa Diyos.

Karapat-dapat siyang batiin sa “Araw ng mga Ina.”