Sumubok, Sumugal at Magtiwala (Long Distance Relationship)

Photo Credit: katyisms.com
Photo Credit: katyisms.com

Naniniwala ba kayo sa long distance relationship? Yung tipong milya ang inyong layo at pagitan. Na kahit anong gawin ninyo, hindi magpapang-abot ang langit at lupa kailanman. Parang dagat ang pagitan at langit na lang ang kapwa ninyo tinitignan. Kung saan segundo, minuto, oras, araw at taon ang lilipas na hindi ninyo makakasama ang isat-isa. Yung tipong sisikat at lulubog ang araw na hindi ninyo kapiling ang isat-isa, sabik sa yakap na dati’y inyong nadarama.

Ayokong maging sangkap ang telepono sa matamis naming pagmamahalan. Yung tipong internet naman ang aming magiging tulay sa milya-milya naming pagitan. Yung feeling na nakatingin ka sa kanyang litrato at ang tanging bulong sa isip ay sana narito ka sa tabi ko.

Sa madaling salita, ang pagmamahalan, pangako at pagtitiwala ang aming magiging sandalan sa malayo naming pag-iibigan.

Hindi ko rin maitatanggi na maisip na ang mundong ating ginagalawan ay nababalot na ng tukso. Hindi ko alam kung paano sumugal at kung karapatdapat ba na magtiwala ako sa mga puwede niyang iasal. Natatakot din akong umasa na baka sa huli ako din ang masaktan. Sadiyang marami lang akong mga bagay na kinakatakutan. Takot umasa, matalo at higit sa lahat takot akong masaktan.

Kung magiging ganito ang aming relasyon, sana alamat na lamang na puwedeng panghugutan ng lakas para makabangon sa pagkadapa.
Hindi kayang paniwalaan ng karamihan at maaaring maging kathang isip na lamang. Nang sa ganoon baka puwedeng hindi na ako masaktan.

Sadiyang nilikha ng Diyos ang mundo na balanse. Lahat ay may kaakibat, katapat at kakambal.  Ang ginhawa ay may kaakibat na hirap. Ang panalo ay may kaakibat na pagkatalo. Ang saya ay may kaakibat na lungkot. Ang puso natin ay masasabi kong may kakambal. Hindi isang kabiyak, dahil tumitibok ang puso natin ng buo at hindi ito nahati sa dalawa para hagilapin mo at suyurin ang bung mundo para makita mo ang kabiyak nito. Hinahanap lang nito ang magbabalanse sa kanya, ang magpupuno sa gusto mong madama.

Sapat ba na maging sandata ko ang pagmamahalan naming dalawa para labanan ang tukso at magtiis na lamang na maiwan mag-isa? Kaya ko bang itaya ang buo kong pagtitiwala? Pero ang higit sa lahat, hindi ba dapat na humawak ako sa pangako na magsisilbing gamot sa takot, lungkot at sakit na aking madarama?

Paano na lang kung lalayo na siya? Handa ba akong umasa na magiging kami pa? Kaya ko bang sumugal at ibigay ang tiwala ko sa kanya? Handa ba akong maghintay ng ilang taon? Handa ba akong masaktan sa posibleng pagbabago niya? Paano ko susubukan at sisimulan?

Kung mangyayari man ang ganitong klase ng pagmamahalan na susubok at magbabalanse sa tunay naming nararamdaman, alam ko na sa kabilang dako’y manunumbalik din ang lahat. Pilit kong isisiksik sa kaibuturan ng aking puso at isip na babaliktad ang lahat ng ito sa tamang panahon at pagkakataon. Kung saan ay muling maglalapat ang aming mga kamay at muling yayakapin ang init nang walang humpay. Muling manunumbalik ang ngiti sa aming mga labi.  At higit sa lahat, hindi ko ipagsasawalang bahala ang tamis ng aming pagmamahalan na kahit anong pagsubok ang dumaan ay mananatili pa din sa aming mga puso ang mga masasayang bagay na aming napagdaanan.

Ang puso kong tanging telepono at internet lamang ang nagsisilbing tulay sa kanyang puso ay muling titibok sa galak at unti-unting mawawala ang lumbay. Dahil kasabay nito kung gaano kasarap ang sumubok, sumugal at magtiwala. Kaysa sumuko na lamang at nag walang bahala.

About kelvinjonas

I’m just trying to make a story/blog to explore my imagination in different kind of story that will surely strike the readers heart, lungs, oesophagus, kidney, large intestine into small intestine, reproductive system...HUWAAAATTT, just be kidding, but sort of romance and what so ever. And not even the readers but also to hit the author’s feelings which he will include his own experience in this story. I’m just writing whatever is on my mind and whatever emotions will it take, convey, fetch, pass on, put across and get across and so whatever etcetera, etcetera, blah, blah, blah.