Sulat Para Kay Papa

(Photo Credit: www.personalizationmall.com)
(Photo Credit: www.personalizationmall.com)

Mahal kong Papa,

Kumusta ka na diyan?

Sana masaya ka at malusog. Pasensya na at hindi ako nakauwi. Gustong-gusto ko umuwi, Pa. Kaya lang iniisip ko po kayo, ang pamilya natin at ang dahilan kung bakit nandito ako sa malayo.

Hanggang ngayon iniisip ko kung tama ba ang desisyon na ginawa ko. Napakasakit ng nakaraang taon, Pa. Hindi ako makapaniwala na nangyayari lahat yun. Hindi ko maalala kung ano ang huling pinag-usapan namin, natin. Kung nasabi ko ba na nagpapasalamat ako sa lahat ng mga sakripisyo at aral n’yo. Kung nasabi ko ba kung gaano ko kayo ipinagmamalaki, na ikaw ang Papa ko. Na ang panganay n’yo ay natututo na sa buhay. Na naintindihan ko na ang gusto n’yong iparating sa akin noon. Na ang panganay n’yo ay hindi na duwag sa kulog, kidlat at hamon ng buhay.

Nakikita ko na ang mundo sa ibang anggulo. Natututo na ako na iba-iba man ang pinanggalingan ng mga tao, lahi at at anyo, iisa pa rin ang hangad ng bawat isa– ang PAGMAMAHAL. Magkaiba man ang bigkas ngunit iisa pa rin ang kahulugan nito.

Nasasaktan  ako na hindi ko masabi sa iyo na nagkamali ako minsan, pero, Pa, pinilit kong tumayo at bumangon. Hindi ko na sinabi sa inyo kasi ayaw ko kayong saktan. Marahil alam mo na ngayon kung ano ang nangyari. Sana mapatawad n’yo po ako na nagpatalo ako sa hamon na yaon.

Alam ko, kung ano man nangyari noon, ipinagmamalaki n’yo pa rin ako, kasi kayo ang numero uno kong tagahanga.

Naalala ko nung unang pagkakataon na umalis ako sa poder n’yo, akala ko okay sa inyo. Hindi ka kumibo ngunit ‘di mo rin ako hinatid. Saka ko nalaman na mahirap sa iyo na hayaan akong lumipad mag-isa, na takot kayong pakawalan ako.

Masakit din sa akin ‘yun, ngunit gusto kong subukan. Hinayaan n’yo ako sa kabila ng iyong pangamba. Hinayaan n’yo akong subukan ang buhay na malayo sa inyo.

Katulad ng inakay, bumalik pa rin ako sa pugad ko. Nakakatawa kasi pinangarap kong tumayong mag-isa, pero bumalik pa rin ako sa tahanang alam ko. Nang sinubukan kong mag-isa ulit, kumibo na kayo at nagsalita. Hindi para pigilan ako ngunit para paalalahanan ako sa buhay na gusto kong tahakin.

Tinulungan ninyo pa akong lumipad mag-isa. Siguro naisip mo nang mga panahon na iyon na iyun na ang tamang panahon na hayaan ako. Nakita ko pa rin sa mga mata n’yo ang alinlangan subalit nagbigay-daan kayo.

Nang unang pagkakataon na sobrang layo na ako sa tahanang alam ko, bigla akong natakot. Tinawagan ko kayo kasi nagtatanong ako sa isip ko kung tama ba ito. Wala man akong sinabi tungkol sa mga tanong ko, pero nang narinig ko ang naiiyak n’yong boses(oo alam ko, Pa, na naiyak kayo) bigla akong nagkalakas ng loob na subukan, bigla akong tumapang.

Ayaw kitang mag-alala kasi alam kong bilib ka sa akin. Hinarap ko ang buhay sa lugar na halos hindi ko maintindihan. Kinausap ko ang mga taong hindi ko kilala. Pinag-aralan ko ang kulturang hindi ko kinagisnan. At ‘yun alam kong alam mo na masaya ako.

Nang dumating ang bagyong hindi natin inaasahan, nagdalamhati ako. Ang puso ko. Gusto ko sanang sumuko, pero kinausap ninyo ako. Inalo. Tulad noon kung paano ako magsumbong sa iyo, kumalma ang puso ko.

Hindi ko inaasahan na sa kabila ng tapang na ipinakita ninyo, nagdalamhati rin pala ang puso n’yo. Pinilit mong maging matapang kasi alam mo na nakadepende kami sa iyo. Hanggang hindi na kinaya ng katawan n’yo at bumigay na.

Hindi pa rin ako makapaniwala, Pa. Gabi-gabi iniisip ko na sana, sana hindi ito totoo. Sana maibalik ko ang panahon at ikaw naman ang tinanong ko. Sana nasabi ko na nandito lang ako. Sana naikuwento ko kung anu-ano ang mga aral na naituro n’yo at daladala ko dito. Pero hindi ko na maibabalik ang panahon. Lumipas na ito. Gaano man kagusto kong ibalik ito, hindi na puwede. Umiyak man ako ngayon, matuyo man ang luha ko, wala ka na. Kailangan kong tanggapin, Pa, gaano man kasakit, kailangan kong tanggapin na wala na ang tahanang alam ko.

Miss na miss na kita, Papa.

Ate

About WandererGirl

Just a girl who's trying to make a difference