Store manager na nanindigan sa kanilang ‘strawless policy,’ binuhusan ng softdrinks ng galit na customer

Imahe mula kay Imee Joy Urgelles | Facebook

Marami-rami na rin ang mga kainan at establisyementong nagpapatupad ng “strawless policy.” Ito ay para tumulong sa adbokasiyang nangangalaga sa kalikasan sa pamamagitan ng pag-iwas sa paggamit ng straw sa mga inumin.

Sa pamamagitan ng maliit mang sakripisyo ay malaki ang naiaambag nito para mapangalagaan ang kalusugan ng sea animals at maiwasan ang plastic pollution.

Sa kabila nito, may ilang customers na hindi natutuwa sa kanilang pagbili ng inumin nang walang kasamang straw.

Imahe mula kay Imee Joy Urgelles | Facebook

Sa post ng isang store manager Imee Joy Urgelles sa Facebook, ikinuwento nito ang naganap sa pagitan niya at ng isang babaeng customer noong May 31.

Ayon kay Imee, nagalit ang customer dahil sa kanilang “strawless policy.” Binuhusan siya nito ng softdrinks na binili; dahilan para mabasa ang uniform na pinalantsa mismo ng ina ni Imee.

“Sa customer na nagbuhos sakin ng softdrinks dahil sa “straw less” kami ingat po kayo Mam,” sabi niya sa post.

“Thank you dahil sa inyo napatunayan ko na effective manager ako. Hindi ko man nabigay ang straw na kailangan mo at least naexplain ko nang maayos kung bakit wala kaming straw,” dagdag pa niya.

Imahe mula kay Imee Joy Urgelles | Facebook

Kahit hindi maganda ang nangyari kay Imee, ipinakita nito na propesyonal niyang hinarap ang galit na customer. Ayon sa sa kaniya, tuloy ang duty niya para sa araw na iyon kahit nagkaganoon ang kaniyang damit.

Nagbigay rin siya ng mensahe sa mga customer na nakikibahagi sa pagpapatupad ng polisiya.

“Sa lahat ng fast-food customer na nakakaintindi at nakakaunawa ng ‘strawless’ kudos sa inyo,” sabi ni Imee.

Imahe mula kay Imee Joy Urgelles | Facebook

Marami naman ang humanga sa ugaling ipinamalas ni Imee bilang store manager na nagpapatupad ng “strawless policy.” Kahit ang kaniyang mga boss sa fast-food chain na pinagtatrabahuhan ay nagpahayag ng kanilang paghanga sa empleyado.

Sinabi rin ni Imee na itinuturing niyang pinakamataas na award na kaniyang natanggap ang pagkilala at magagandang salita na narinig mula sa mga katrabaho, kaibigan, at pati sila sa netizens.