Speech Like PNoy’s Spirit

noynoySa aking mga kababayan, sa aking mga bosssing at sa lahat ng patutuloy na naniniwala sa administrasyong ito.

Para sa kasama naming naglalakbay sa tuwid na daan.

Ginawa ko ang talumpating ito upang magbigay pugay at mag-alay ng huling respeto sa mga bayaning nagbuwis ng buhay upang mas maging payapa at mahimbing ang pagtulog ng marami sa tuwing gabi. Ang kabayanihan nila ay nakaukit hindi lang sa kasaysayan kundi pati sa ating isip na patuloy na nagtatanong kung bakit kinakailangang may karahasan bago makamit ang kapayapaan, kung bakit mga sagradong buhay ang kapalit bago ang katiwasayan, kung bakit may kaguluhan bago ang katahimikan.

Ang tinutukoy ko po ay ang apatnapu’t apat na pulis na miyembro ng SAF. Sila na sumabak, nakipagsapalaran, nakidigma at lumaban hanggang sa kahuli-hulihang patak ng kanilang dugo upang masakote ang teroristang si Marwan at mapigilan ang kanyang nakakakilabot na karahasang kanyang ihahasik.

Bagama’t sila’y pawang nagbuwis ng buhay masasabi pa rin ng pamahalaang ito na naging matagumpay ang kanilang operasyon. Bagama’t nabawasan ng magigiting na kawal sa hanay ng ang ating sandatahang lakas mas nararapat sigurong sabihing nadagdagan tayo ng magigiting na bayani sa hanay ng napakaraming dakilang lubos na nagmamahal sa ating bayan.

Apatnapu’t apat na magigiting nating kawal ang nasawi sa labanan sa Mamasapano, Maguindanao ibig sabihin po nito’y apatnapu’t apat na pamilya ngayon ang dumaranas ng labis na kalungkutan at nagluluksa. Ngunit hindi lang ang kani-kanilang pamilya ang dumaranas ngayon ng pighati at dalamhati kundi kasama ng mga pamilyang ito ang buong sambayanan na tumatangis at naghihinagpis.

Naaalala ko po noong binaril at napaslang ang aking tatay sa Tarmac. Ang pakikiramay po ng buong sambayanang pilipino sa aking pamilya ay tila bumabalik ngayon sa pagkasawi ng mga magigiting nating tapagpatupad ng batas at tagapagtaguyod ng kalayaan. Ang tatay ko po ay inialay ang buhay para sa bansa ganoon din po ang apatnapu’t apat na miyembro ng SAF na hindi nagdalawang-isip na magbuwis ng buhay para sa kapakanan ng bayan at ng bawat pilipino. Ang kabayanihan nila ay mananatili sa ating puso at kamalayan sa habang panahon. At ang kabayanihang ito ay magsisilbing inspirasyon ng lahat para sa tunay na kahulugan ng pagmamahal sa bayan.

Nang namatay naman po ang aking nanay, nagluksa rin po ang buong sambayanan gaya rin po ng pagluluksa ng buong Pilipinas sa pagkasawi ng apatnapu’t apat na kapulisan sa engkwentro sa Maguindanao. Hindi ko po malilimot ang araw na iyon dahil ang pagluluksang iyon ay ang naghatid sa akin para tayo’y sama-samang maglakbay sa daang aking tinatahak. Ang tuwid na daan. At sa pagkawala ng aking nanay ay ang pagkabuhay naman ng pag-asa sa mga pilipino na ang bayang ito ay may igaganda pa, may ititino pa at may ihuhusay pa. Asahin niyo po na hanggang sa huling araw ng aking panunungkulan ay hindi ko po tutularan ang kamalian, katiwalian at kalokohan ng nakaraang adminstrasyon. Ang iiwan ko pong legasiya ay gaya ng legasiyang iniwan ng aking nanay sa sambayang pilipino.

 Sadyang masalimuot ang daan patungo sa tuwid na daan at sadyang hindi madali makamit ang tunay na kapayapaan. Patunay nito ay ang intensibong kampanya ng administrasyong ito sa pagtugis sa mga lumalaban sa kapayaan at sa mga kapanalig ng terorismo. Bagama’t hindi umaatras o bahag ang buntot ng ating sandatahang lakas, bukas naman po tayo sa usaping pangkapayapaan at tigil putukan. Inaabot namin ang aming mga kamay para sa mga kamay na kumikilala at yumayakap sa tahimik at progresibong bansa. Ibinababa namin ang aming mga armas at hindi na mga punglo at bala ang mag-uusap at magsasagutan sa pagitan ng dalawang panig, kundi ang aming mga ideya at suhestiyon para sa kanilang ideolohiya at ipinaglalaban. Upang makamit ang napakatagal na nating inaasam na katahimikan, kaunlaran at kapayapaan.

Ilang dekada at maraming taon na po ang lumipas.

Ilang pangulo at maraming ceasefire at peace talks na rin po ang naganap kabilang na po rito ang dating Pangulong Gloria na nagpakasarap at nagpakasasa lang sa posisyon habang marami ang naghihirap na mamamayan kasama na po ang mga kapatid nating naninirahan sa Mindanao. Ang dating administrasyon na hindi kailanman naging ehemplo ng kabutihan at mahusay na pamumuno ay winalang bahala at hindi inalintana ang kapakanan ng nakararaming mahihirap na mamamayan. Ang tangi lang niyang ginawa ay kamkamin ang pondo ng bayan at manipulahin ang resulta ng eleksyon upang pumabor sa kanya at sa kanyang mga kasabwat.

 Sa kabila po ng maraming pagtatangka ng peace talks at ceasefire, hanggang ngayon po ay wala pa ring magsasabi na may ganap na kapayapaan sa ilang bahagi ng Mindanao kung saan may kaguluhan at hindi pagkakaunawaan.

Sino po ba ang ayaw ng kapayapaan?

Sino po ba ang ayaw ng tigil-putukan?

Sino po ba ang may gustong nahihirapan ang marami nating kababayang walang kinalaman sa patuloy na iringan ng magkabilang panig?

Kami po, sampu ng buong Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay nakikiisa sa kapayapaan at kung maaari lang po, ito sana ay maging pangmatagalan, permanente at panghabang-buhay.

 Hindi na po lingid sa inyo na sa patuloy na iringan ng pamahalaan at ng mga rebelde, ang higit na naapektuhan at nadadamay ay ang mga inosenteng residente, mga taong walang kalaban-laban at walang kinalaman sa kaguluhan at bangayan. At kung maari lang sanang hindi na ito mangyari pa. Dahil sa bawat buhay na malalagas sa mga inosenteng mamamayang nadadamay sa gulo ay magsisilbing binhi na uusbong at tutubo sa bawat pamilya. Binhing maaaring magiging sanhi ng kanilang pagkagalit sa pamahalaan o sa kabilang panig, anu’t anuman siguradong ang bunga nito’y bagong suliranin. Bagong suliranin na kung minsan ay naghahatid sa desperasyon at kawalan ng pag-asa ng mga naiwang miyembro ng pamilya.

Sabi po ni Pres. John F. Kennedy: “Mankind must put an end to war before war puts an end to mankind.”, akmang-akma po ito sa sitwasyon ng ating usaping pangkapayapaan sa kasalukuyan. Alam ko po na kayo bilang aking mga bossing ay may masidhing pagnanais sa kapayapaan.

At bago pa maubos ang lahat ng resources ng pamahalaan.

Bago pa bumuhos ang maraming dugo at luha na hindi naman kailangan.

Bago pa maubos ang pasensya, takot at tapang ng ating mga kawal at kapulisan.

Bago pa mamayani at maghari ang galit at poot ng sambayanan.

Panahon na po para tuldukan ang deka-dekadang digmaan ng pilipino laban sa kapwa pilipino at panahon na para magbigay daan para sa tunay na kapayapaan at ang kapayapaang ito ay ang ating magiging pintuan para sa progresibo at maunlad na Mindanao.

Samahan n’yo po kami sa pagkamit at pagtugis sa mailap na kapayapaan.

Samahan n’yo po kami sa pagtahak ng Tuwid na Daan.

Hanggang dito na lamang po at maraming salamat sa patuloy na pagtitiwala.

About ragubalane

Walang pormal na edukasyon sa pagsusulat pero hindi ito naging handlang upang huminto sa pagsusulat ng kanyang mga saloobin. Nagbuhat sa isang tipikal na pamilya, nag-aral sa pampublikong paaralan mula elementarya hanggang sekondarya. Iginapang ng magulang ang kolehiyo at pinagtibay ito ng diploma at lisensya na iginawad halos dalawampung taon na ang nakararaan. Nag-aral, nagsikap hanggang marating ang destinasyong kanyang nilakbay. Umasam, umasa hanggang matupad ang ilang kanyang inaasam sa buhay. Sumubok, sumulong hanggang makamit ang ilang minimithing tagumpay. Nangangarap ng mabuti at magandang Pilipinas sa kabila ng kawalan ng pag-asa ng iilan. Katulad ng karaniwang tao pilit na binubuhay ang pag-asa kahit habol-hininga na lang ito, hindi bibitiw at susuko kahit batid na ang resulta ng pagkabigo. Hindi matalino pero naipasa ang anumang pagsusulit, hindi matino pero nagpupumilit na gumawa ng katinuan. Madalas na napuputikan dahil sa daigdig na kanyang kinabibilangan ngunit agad na naglilinis at naghuhugas gamit ang inuusal na dasal.