So Far We Are So Close, So Close and Still So Far (Part Four)

Hands-So Close So Far (Photo Credit: flickr)
Hands-So Close So Far (Photo Credit: flickr)
Hands-So Close So Far (Photo Credit: flickr)

“Malapit na, KAIBIGAN. Isang titulong kay sarap makuha mula sa isang tao. Kahit ang salitang KAIBIGAN lang ang tumimo sa isipan ko, para bang kuntento na ako doon. Ito na yata ang pinakamataas na titulong makukuha ko mula sa kaniya, na mas mabuti kaysa wala.”

Isang taon na pala ang lumipas simula nang putulin ko ang lahat ng posibleng komunikasyon naming dalawa ni Joseph.  Marami nang nangyari, wala na rin si Lester. Hindi na ako tutungo sa puntong magtuturo kung sino ang may kasalanan. Marahil siya, posibleng ako. Ngunit kahit sino pa man, tapos na ito. Wala akong pinanghihinayangan, handa ko nang harapin ang panibagong mundo.

“Move on, Elise. Move on,” sabi ko sa sarili ko. Habang nakatulalang binabalikan ang nakaraan.

Ito na naman ako at hinihimay-himay ang mga pangyayari sa buhay ko. Para bang nagre-review at naghahanda sa isang pagsusulit. Nasa labas ako noon ng aming tahanan at nagpapahangin. Bumalik na lamang ako sa realidad nang may biglang tumawag sa akin.

“Eliiise!” Ang sigaw ng isang pamilyar na boses.

Joan! Ikaw na ba ‘yan? Ang laki mo na ah! ^_^” biro ko.

Siya si Joan, ang best friend ko noong sa elementarya. Ang tanging naka-alam noon ng nararamdaman ko kay Joseph. Nagkikita naman kami, ngunit hindi ganoon kadalas. Kaya’t tuwing magkakasalubong ang aming landas tulad nito eh, ganito na lamang kami magbatian.

“Kumusta na? Ano ang balita sa iyo ngayon?” tanong niya.

“Maliban sa wala nang minamahal, ito, wala namang masyadong nagbago,” sabay tawa nang malakas.

“Wooo… speaking of minamahal. Hinahanap ka sa akin ni Joseph ah,” sabi niya sa seryosong tinig.

“Si… si Joseph? Hindi nga? Nasaan siya ngayon? Ano pa ang sabi?” Hindi ko napigilan ang bibig kong magsalita. Para bang nananabik akong may malaman muli sa kaniya, at oo, hindi ko iyon naitago. Halata ako.

“Uyy.. yung ngiti mo,” tukso niya.  “Ayon, i-message mo raw siya at kumustahin kapag may time ka. Mukhang nami-miss ka na rin eh.” Saka kumindat.

“Hinahanap niya ako?” ang tanong ko sa sarili.

Muli kong binalikan ang dahilan kung bakit hinayaan kong mawalan ng balita sa kaniya. Pinutol ko ang aming komunikasiyon dati dahil nasasaktan ako. Nasasaktan ako sa katotohanan na may nagmamay-ari na ng puso niya. Nasasaktan din sa mali kong nararamdaman. Pagkatapos ng isang taon, handa na ba ulit ako?

Nanginginig ang mga daliri ko sa sobrang pagmamadaling buksan ang Facebook account ko. Hindi ko hinintay na sagutin ng isip ko ang sariling katanungan. In-unblock saka hinanap ko siyang muli. Habang sinasabing “bahala na”.

Hindi ako nagpadala ng kahit anong mensahe, sapat na siguro yung naging mag-“friend” muli kami. Una, ayoko magpaka-obvious. Pangalawa, kailangan ko ang pride ko, at pangatlo, nahihiya ako. Sila pa ba ng girlfriend niya? Hindi ko alam, hindi niya rin kailan man “ibinabandera” ang RELATIONSHIP STATUS niya.

 “Hindi ko alam kung anong nangyari at nagawa ko, Elise. Wala naman akong galit sa iyo, tampo siguro mayroon. Pero ayos lang. Kung may oras ka, sana magkita ulit tayo. Parang IMAGINARY FRIEND mo lang ako eh.”

Iyan ang mensaheng bumungad at nagpatalon sa puso ko kinagabihan, galing kay Joseph. Mukhang totoo nga na hinanap niya ako at apektado siya sa ginawa ko.

“I-text mo ko, saka na ako magpapaliwanag kapag nagkita tayo,” saka ko ibinigay ang bagong numero ko.

Lumalakas ang kabog ng dibdib ko habang iniisip ko ang mangyayari kapag nagkita kami. Handa na ba akong muling makita ang mga ngiti at titig niyang nakatutunaw? Papaano kaya ako makikipag-kuwentuhan kung hindi ako makapagsasalita sa harapan niya? Pagkatapos ng isang taon, para bang hindi na ako nasanay.

Muli kaming nag-usap at nagdesisyon na magkita muli sa isang coffee shop sa isang mall na malapit sa aming lugar. Habang papunta pa lamang ay paulit-ulit ko ring ini-ensayo ang aking pag ngiti. Paulit-ulit din na nagco-compose ng sasabihin. Habang humihinga ng malalim at sinasabi sa sariling, “Okay lang ‘yan, casual lang. Be natural.”

Patuloy akong kinakabahan, at mas lalong lumakas iyon ng tumawag siya at sabihing malapit na raw siya sa kinaroroonan ko. Totoo nga talaga ito at hindi ako nananaginip. Inayos ko ang sarili, hindi niya ako dapat makita na ganoon ang hitsura.

Pinapakalma ko pa ang sarili noon hanggang isang mahinang tapik sa likod ang naramdaman ko.

“Kumusta na?” tanong niya, saka inabot ang kaniyang palad upang makipagkamay.

“Hi!” Isang ngiti ang ibinalik ko, hindi ko alam kung iyong ngiti ba ang kanina ko pang iniensayo. Sabay abot ng nanlalamig kong mga palad.

Kaunting kumustahan. Mas marami pa yata ang pag-iwas ng tingin at lihim na pag-ngiti. Hindi ko alam kung pansin niya iyon, hindi iyon kasama sa mga plano ko, hindi rin ako nagplano na tumibok muli ng ganito ang puso. Hindi kahit kailan.

Minsan, hindi na ako nakikinig sa mga kuwento niya. Nakatingin na lamang ako sa mga mata niyang mapupungay na nakatingin din sa akin. Ito na yata ang pinakamatagal na pagtitig ko sa kaniya at aaminin kong ayaw ko nang matapos ito. Hindi ko na pinakikinggan ang mga sinasabi niya. Tuluyan ko na lamang iyong narinig nang  sinabi niyang:

“So, BEST FRIEND pa rin ba kita? Simula noong nagkita tayo sa bus, hindi ko alam kung bakit sa sandaling oras na iyon eh nalaman kong marami pala tayong pakakatulad. Na-realize ko na gusto pa lalo kitang makasundo.” Sinasabi niya sa akin habang nakangiti at nakayuko.

Doon ko nalaman na ganoon pala ang tingin niya sa akin, at aaminin ko na natuwa akong malaman na espesyal pala ako para sa kaniya. Naramdaman niya rin pala ang nararamdaman ko noon sa bus habang magkatabi kami.

“Oo naman, Ga.. ganoon din naman ako sa iyo eh.” Hindi ko alam kung bakit nasabi ko iyon. “Ahm.. Best friend?” sabay ngiti at tingin sa kaniya. Binalik niya rin naman ang mga ngiting iyon.

Malapit na KAIBIGAN. Isang titulong kay sarap makuha mula sa isang tao. Kahit KAIBIGAN lang ang tumimo sa isipan ko, para bang sapat na lamang sa akin iyon. Ito na yata ang pinakamataas na titulong makukuha ko mula sa kaniya, na mas mabuti kaysa wala.

Naglakad kami ng magkasama, pakiramdam ko kaming dalawa lang ang tao sa mundo. Sa pelikula ko lang ito napapanood dati, ngayon ay totoo nang nagyayari sa akin. Hindi niya na ako tinanong ng dahilan kung bakit bigla kong pinutol ang komunikasyon ko sa kaniya. Marahil ay iniiwasan din niyang itanong, tulad ng pagpigil ko sa sariling tanungin ang tungkol sa  kanila ng girlfriend niya.

Nagpaalam na kami sa isa’t-isa matapos naming i-schedule ang sunod naming pagkikita. Ayoko pa sanang umuwi, ngunit kailangan, magkikita pa naman kaming dalawa.

Inabot niyang muli ang palad niya upang makipagkamay, inabot ko rin ang sa akin. Hindi ko alam kung ako lang ang nakapansin ngunit napatagal yata ang pagkakahawak ng aming mga kamay. Ako na lamang ang nag-alis dahil sa hiya. Saka siya nagsabing “ingat ka.”

Ganito ang nangyari pagkatapos ng isang taon naming hindi nagka-usap. Marahil nakatulong din ang kaunting oras na ibinigay ko sa sarili upang magpahinga. Dahil din siguro sa dahilan na hindi na ako guilty sa nararamdaman. Lubusan akong nakahinga ng maluwag nang mga oras na iyon. Habang sinasabi sa sariling: “Ang nakaraan ay nakaraan na.”

Taglay ko pa rin ang mga ngiti sa aking labi na sagisag ng mga nangyari noong araw na iyon. Lalo na nang mabasa ko ang text niya:

“Ngayon lang ulit ako naging ganito kasaya. May mahalaga akong sasabihin, hanggang sa muling pagkikita.”

*************************************************************************************

Ang kuwento pong ito ay gawa lamang sa piksyon. Ang mga pangalan, karakter, lugar at insidente na napapaloob sa kuwento ay pawang kathang-isip lamang ng tagapagsulat. Kahit ano mang magkapareho dito sa tunay na pangyayari ay hindi sinasadya.

(Abangan ang susunod na kuwento)

Part three: http://definitelyfilipino.com/blog/2013/01/08/so-far-we-are-so-close-so-close-and-still-so-far-part-three/

Part two: http://definitelyfilipino.com/blog/2012/11/23/so-far-we-are-so-close-so-close-and-still-so-far-part-two/

Part one: http://definitelyfilipino.com/blog/2012/11/12/so-far-we-are-so-close-so-close-and-still-so-far-part-one/

1 Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.