SINTURON, TSINELAS at RULER na KAHOY

disiplinado

Habang masaya kaming naglalaro sa bunton ng mga dayami
Isa, dalawang sipol na malakas sa ere ang namamayani
Hudyat pantawag ‘yun ng Tatay ko, na ibig sabihin ay umuwi na kami
Huwag na magpatagal pa, kailangan na ngang magmadali at malapit nang gumabi…

Iba’t- ibang style at tunog ang sipol-pantawag ng aming mga Tatay
Na natutunan naming kilalanin kung para kanino, kung ayaw namin ng latay
Kinalakihan ng aming henerasyon na ganito ang paraan ng pagtutuwid nina Tatay at Nanay
Ngunit ‘di namin minasama, pero mas maige sana kung ito ay idinaan sa salitang malumanay…

Hindi ko kailanman naranasan ang maparusahan na mapalo ng sinturon
Hanggang tsinelas lang pero salawal nami’y nilagyan namin ng karton
Pinadapa kaming dalawa ng aking Ate sabay palo ni Tatay na disiplina ang layon
Oops, nabisto ang aming ginawa, napailing na lang si Tatay, sa ginawa nami’y ‘di ayon …

Hindi uso ang mag-kinder at prep noon, kaya’t pagpasok sa eskuwela agad Grade One ka
Kaya nga kadalasan, ang unang guro mo ay ang iyong dakilang INA
Ang ruler na kahoy, hindi naipamalo sa aking puwet, kundi sa pisara
Panturo sa blackboard para matutong magbilang at kabisaduhin ang Abakada…

Masasabi ko ngayon sa dami naming magpipinsan sa bayang nilakihan ko sa Marikina
Walang naging pasaway, matitino at halos lahat ay pag-aaral naman ang inuna
Nakatulong nga kaya ang pagpalo ng sinturon at tsinelas sa tamang paraan ng disiplina?
Samakatuwid, wala palang masama dahil sa ami’y maganda naman ang ibinunga ..:)

About tulanibebang

a wife and a mother. a businesswoman and a financial adviser. a natural poetess...