Sino Si Idol?

Naranasan mo na bang tawaging “idol”?

Sa mga unang taon sa kabuan ng dalawang dekada ng masustansya ngunit may bahid amag na buhay ko, buong loob kong huhugtin sa busilak kong puso ang katotohanang aking tahasang aaminin, at ito’y hindi lingid sa kaalaman ng akin mga magulang (hanep, Linggo ng Wika mode?), na ayaw kong nagiging leader, nagiging pinuno, at lalong ituturing na isang idolo. Shy-type kasi ako, at pakiramdam ko eh invasion ng privacy ko kapag masyado mo akong pinupuri. Promise.

Sabi ni pareng Google, the word “idol” is a person or thing that is greatly admired, loved, or revered”. Himayin natin isa-isa. Greatly admired, sa punto sobrang kang may halaga sa tao. “Greatly loved”, na tipong ibibigay sa iyo lahat ng positibong aspeto. At “greatly revered”, sa aspetong ang paggalang na ibinibigay ng tao sa iyo, ay may kakayahan makaimpluwensya sa buhay na mayroon sila.

Marahil blessing din sa akin na napunta ako sa isang kurso na kailangan ng “human contact”, ako kasi yung tipo na hindi masyadong palaharap sa tao. Nasasabihan pa nga ako ng mga kamag-anak namin na suplado, dahil kung minsan, sa sobrang hiya ko sa tao, magkukulong na lang ako sa kwarto. Pero matapos kong maranasan na mag-alaga ng bawat pasyente sa hospital, magturo sa mga estudyante hindi masyadong pinagkatiwalaan ng mataba utak at saganang cerebrospinal fluid, nalaman ko na hindi naman pala masamang magpakita ng kabutihan. Na hindi naman pala masamang manguna sa isang bagay na pwedeng makapagpabago sa buhay ng iba. Hindi naman pala masamang maging “idol”.

Maaring isa sa most prestigious award sa generation ngayon ang CNN Heroes of the Year Award. CNN Heroes: An All Star Tribute:  is the award-winning annual television special created by CNN to honor individuals who make extraordinary contributions to humanitarian aid and make a real difference in their communities. (wikipedia.com). Nagsimula ito noong 2007, at sa ilang pagbabasang ginawa ko, sobrang nakakahanga yung mga kwento ng mga taong napabilang dito. Kwento ko sa inyo?

Credits:goodwitchbadwitch.com

2008 WinnerLiz McCartney. Ang isa sa founder St. Bernard Project noong March 2006 na may layuning muling itayo ang mga nasirang bahay sa pananalasa ng Hurricane Katrina.  Dahil sa kanya, ang samahan nila ay nakapagtayo ng bahay para sa higit 120 pamilyang nawalan ng tahanan, ay nakapag-repair ng humigit-kumulang na 440 bahay na nasira. Bago ang St. Bernard Project, si Liz ay Executive Director ng isang community-based nonprofit organization sa Washington, DC. Nagsimula si Liz na magvolunteer para sa St. Bernard Project noong March 2006, kasama ang kaibigan niyang Zack Rosenbur. Ang isang nakakabilib sa kanilang dalawa, ay nang iniwan nila ang kanilang trabaho, iniwan ang buhay na nakasanayan, upang buong atensyong mabigyan ng panahon ang pagtulong sa mga kababayan nilang nasalanta.

“Once you get one family back, other families are willing to come back as well. There’s a very nice ripple effect.

credits: www.cnn.com

2009 WinnerEfren Peñaflorida. Na maaring maituring natin sa isa sa mga Pinoy na buong puso nating maipagmamalaki. Isa siyang guro at social worker. Siya ang nagsimula ng Dynamic Teen Company, na may layuning bigyan ng oportunidad ang mga kabataan, lalo na ang mga out-of-school youth na magkaroon ng edukasyon. Naantig ang puso ng mga nakaalam ng kwento ni Kuya Efren, matapos malaman na kahit sa sementeryo, sa ilalim ng puno o sa gilid ng kalsada, patuloy siyang nagtuturong magbasa at sumulat sa mga kabataan. Pagtuturo na kung tutuusin ay pwede naman niyang gawin ng may bayad sa isang formal na paaralan. Nagmula siya sa isang mahirap na pamilya, isang tricycle driver ang kanyang tatay, habang isang simpleng maybahay ang nanay niya. Binuo niya ang konsepto ng “kariton klasrum”. At marami ang humanga sa kung gaano kaapektibo ang paglalagay ng gulong sa “klasrum”, sa kung paano ang klasrum ang lumalapit sa mag-aaral.

 

“Remember that ‘you are the change that you dream and together, we are the change that this world needs to be.”

credits: nepalbreakingnews.com

2010 Winner – Anuradha Koirala. Isang social activist at founder ng Maiti Nepal – isang non-profit organization sa Nepal, na may layuning tumulong at magbigay kalinga sa mga nabiktima ng sex trafficking. Sa kasalukuyan, ang organisasyon Maiti Nepal ay nagbibigay ng kalinga sa kanilang rehabilatation home sa Kathmandu, at mga pansamantalang panuluyan sa mga bayan sa Indo-Nepal, preventive homes at mga learning centers sa Kathmandu. Ang salitang “maiti” ay nangangahulugan ng “mother’s home” sa Nepali, buhat sa pangalan na ito, ang buong layunin ng Maiti Nepal ay nabuo. Layunin din ng organisasyon na muling maibalik sa kani-kanilang tahanan ang mga kababaihan na naging dinukot at naging biktima ng sex trafficking, magbantay sa Indo-Nepal border kasama ang mga pulis upang mapigilan ang mga tangkang pagdukot sa kababaihan, kasama na din ang rescue operations sa mga brothels sa India katulong ang mga pulisya. Sa pamamagitan Anuradha, nagbigay sila ng panibagong pag-asa sa mga taong halos wala ng kakayahang makakita ng maayos na bukas sa buhay nila.

“One day, we will really stop it, the trafficking will end.”

credits: www.thejakartapost.com

2011 Winner – Anuradha Koirala Robin Lim. Kilala din sa tawag na “Mother Robin” o “Ibu Robin”, ay isang midwife at founder ng Yayasan Bumit Sehat (Healthy Mother Earth Foundation) sa Indonesia. Layunin nilang magbigay ng libreng prenatal care, libreng panganganak at medical aid sa sino mang nangangailangan. Mula pa ng taong 2003, siya kasama ang kanyang team, ay walang tigil na pilit pinapababa ang bilang ng babae at sanggol na namamatay dahil sa pagbubuntis at panganganak. Ang isang nakakabilib sa kanilang organisasyon, ay wala silang pinipiling relihiyon, grupo o nationality sa pagtulong. Ilang beses silang lumabas ng Indonesia upang tumulong sa mga nasalanta, kagaya na lang ng nangyari sa Haiti. Isa pang maipagmamalaki ng grup, ay kung paano nila nagamay ang pagbibigay ng pagkalinga sa mga buntis at manganganak sa panahon ng kalamidad. Sa panahon na walang maayos na gamit ang doctor at midwife, sa halip na gupitin ang umbilical cord ng sanggol, inimungkahi nila na sunugin na lang ito, upang malimitahan ang porsyento na makakuha ng inpeksyon ang sanggol. Patuloy siyang naging advocate ng mga babaeng walang kakayahang magbayad para sa kanilang panganganak, at patuloy na nagbibigay ng libreng serbisyo, upang matiyak na ligtas ang mga bagong buhay na isisilang sa mundo.

“The mothers and babies have taught me that this world is worth preserving.”

credits: www.cnn.com

2012 Winner – Pushpa Basnet. Isang social worker sa Nepal, at ang founder/presidente ng Early Childhood Development Center (ECDC) at Butterfly Home, isang non-profit organization sa Kathmandu, Nepal. Layunin ng grupo nilang pangalagaan ang karapatan ng mga batang napilitang tumira sa kulungan kasama ang kanilang mga magulang. Nagsimula ang advocacy ni Pushpa noong 21 pa lang siya, at kasalukuyang nag-aaral para sa kursong Social Work. Bilang parte ng kurso, kinailangan niyang bumisita sa isang women prison, at doon siya namulat sa kalagayan ng mga batang nakatira sa kulungan kasama ang kanilang mga magulang. 2007 ng nagpatayo siya ng residential homes para sa mga bata, at bigyan sila ng pagkakataon na manirahan sa labas ng kulungan, ngunit pinapayagan naman silang bumisita sa kanilang mga magulang. Nagsimula siyang magbigay ng libreng pagkain, edukasyon at medical care sa mga bata. 2009 naman ng simulan niya ang Change Fusion Nepal, isang organisasyong layuning turuan ng bagong kakayahan ang mga bababeng nasa kulungan, lalo na ang mga nanay ng batang una niya natulungan, upang magkaroon ng pagkakakitaan. Nais ng grupo na maimulat ang mga bata sa bagong buhay, sa pag-asa mapuputol ang siklo ng karahasan at krimen kung magkakaroon ng magandang kapaligiran ang lumalaking bata.

My mission is to make sure no child grows behind prison walls.

 

Sobrang nakakahanga ang bawat isa sa kanila, mga taong totoo “idol” sa larangan na pinili nila. Pero kung iisipin mo, isang bagay ang common sa kanilang lahat. Tumulong sila na walang hinhintay na kapalit, at naghangad sila ng pagbabago. Sa simple nilang gawain, ilang buhay ang nahawakan nila, mga buhay na binago. Matapos ko’ng makita ang saya ng pagsusulat, matapos makausap ang mga taong gaya ko din na nagsusulat, nabuo ang isang pangarap. Gusto sana namin na dumating ang panahon na mas madaming tao ang bibili ng librong isinulat namin, na mas maraming tao ang pipiliin magbasa. Plano sana namin na ang anumang kikitain ng bawat librong isinulat namin ay magsilbing tulong sa mga batang walang kakayahang mag-aral. Naniniwala kasi kami na ang punla ng mabuting buhay ay nasa pag-aaral pa din. At mababago lamang ang buhay ng mga kababayan nating naghihirap, sa tulong pa din ng edukasyon. Sana dumating ang panahon, na magawa din natin kung ano ang ginawa ng mga nabanggit kong idol.

Astig. Totoo. Saktong angas. Tapang na maiba. Medyo emo. Mapaghanap ng pagbabago. Yan ang idol.

Enhanced by Zemanta

About Mga-sulat-kamay

Hindi ko sasabihin ako ang ideal na tao... nagkamali, nadapa, nasugatan, dumugo, umiyak.. tumahan, naghilom, nagpeklat at sinubukang muli... ganyan ako, hindi perpekto... pero at least totoo... mga sulatin na may konting amag, pero 100 % biodegradable at consumable... safe but with little side effects.. ^_^