Singkong Butas

Singkong Butas (Photo Credit: Flickr)

Minsan naglaro ako. Pinaikot-ikot ko sa ibabaw ng mesa ang singkong butas na isinukli sa akin sa isang kilalang mall, nang mapagod ito sa kaiikot ay kusa na itong huminto at tumihaya.

Tinitigan ko siya — ang butas nito; maliit.

Maliit na nga siya’y binigyan pa ng katangiang maliit. Pero kung lalakihan naman kasi ang butas niya, baka mawala na siya at lamunin na ng kanyang tinataglay.

Kaya dinampot ko. Sinipat-sipat. Sinubukan kong silipin ang butas, nakita ko ang paligid sa makipot nitong anyo. Di gaya kapag sumisilip ako sa lente ng kamera, nakikita ko nang mas malawak ang paligid paris ng lapad ng tingin ng aking mga mata. Bakit ang maliit na halaga ay maliit din ang hitsura? Tanong ko.

Singkong Butas (Photo Credit: Flickr)
Singkong Butas (Photo Credit: Flickr)

Kumuha ako ngayon ng diyes, sinilip ko, teka, walang butas kaya wala akong nakita. Kumuha rin ako ng 25 sentimos, ganoon din ang ginawa ko pero walang silbi. Kumuha ako ng piso, limampiso at sampung piso, at ang lahat ng ito ay humarang lang sa aking mata. Ngayon, kumuha ako ng papel na pera, bente, singkuwenta, isangdaan, dalawang daan, limandaan at isang libong piso, pinili ko ang bente, binutasan sa gitna nang malaki-laki, sa wakas ay nakita ko ang paligid, pero alam kong may nasira, may nawasak, at may halagang hindi na mapakikinabangan. Hindi ko na iyon ginawa sa iba pang halaga dahil manghihinayang lang ako sa resulta.

Ngayon, natanto ko na ang butas ng singko ay isa ngang katangian upang makita mismo ang halaga niya. Siya lamang ang nagtataglay ng butas, gaya mong natatangi at naiiba, ang halaga mo’y nasa iyong pagsilip sa sarili. Kung magpapatuloy ka sa pagsilip sa halaga ng iba, mananatili kang bulag dahil hindi mo mahahanap ang sarili sa kanila. At may masisira ka sapagkat sa pagpupumilit na maging kagaya nila, gagawin mo ang lahat mapansin ka lang kahit pa ikalaglag ng buhay ng iba.

Tandaan mong maski ang pera ay may sariling tao, hindi kailanman magiging piso ang piso kung si Andes Bonifacio ang narito. Ikaw ay ikaw kahit gaano ka pa kaliit, may kamay ka man o wala, pilay o hindi, pipi o bulag, may tinataglay kang naiiba sa lahat. Malay mo, sa sobrang baba ng iyong pagtingin sa sarili, ikaw pala ang kukumpleto sa buhay ng ibang hindi pa masaya sa tinataglay nilang dami. Minsan kasi, tayo lang ang nagpapababa sa atin, takot tayong lumago dahil maliit tayo, baka hindi kayanin ng ating puno. Pero magandang palaguin ang maliit, hindi natin alam kung hanggang saan ang kaya nitong lakbayin.

Tayong mga binutas na ng pait at pighati ang puso, mas nakikita na natin ang sariling halaga. E, ano kung tayo’y nagkaroon ng kapansanan, nagkasakit, nabigo, naloko, nasaktan, nawalan, at iba pang mabibigat na karanasan? Ang mahalaga’y sa ating panlulumo, nasumpungan natin ang sariling katangian na siyang magpapanatili sa ating tumindig at magpaulit-ulit na bumangon sa mga pagsubok. Butas lang ang ating puso pero tumitibok pa rin. At ang patuloy nitong pagtibok sa pag-ibig ang siyang muling maghihilom ng butas. Gaya ng sampung piso na napunan ang sariling butas, naging kulay ginto siya pagkatapos ng lahat. Mula sa papel ay hindi na siya mapupunit, ni bawal pitpitin, bawal sunugin, bawal butasin. Tayo ay ganoon din, matapos ang pagtanggap sa mga pagbabagong naganap, hindi na tayo basta-basta magagapi ng mga suliranin, sapagkat ang pagtanggap ang simula ng pagtibay.

Pero hindi maiiwasang mapagod tayo kapag pinaiikot-ikot ng kapalaran, maaari tayong huminto, pero huwag na muling tingnan at sukatin ang dating sarili, alalahanin ang mga pinagdaanang nagturo sa ating pahalagahan ang pagiging maliit at butas, na nagturo kung paano umangat sa kabila ng lahat. Muling sipatin ang sarili, kahit makipot, tanungin: ano pa ba ang kaya kong gawin?

Kahit inaapak-apakan na lang tayo, pinaglalaruan, iginagarapon, itinatapon, at ayaw pulutin sa lansangan, tuloy lang. Sa tamang lugar tayo ay tatanggapin, madarama natin ang mga palad na naghahawak-kamay upang tayo ay marahang ibahagi at tanggapin. Sapagkat ang halaga natin ay magbigay-halaga. Ang halaga natin ay magbigay ng tinig na kahit gaano pa kaliit ay pakikinggan. Ang halaga natin ay iangat ang kakayahan ng maliliit sa antas ng malalaki, dahil ang anumang maliliit na pinagsasama-sama ay nakabubuo ng panibagong hugis ng pag-asa.

Tayo, na representasyon ng pinakamaliit na pera, ay salamin ng pinakamalaking halaga.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.