Sigaw Ng Isang Inday (OFW Version)

(Photo Credit: Dir.coolclips)

(Photo Credit:  Dir.coolclips)
(Photo Credit: Dir.coolclips)

“Saan ka ba nagwo- work?”  ito ang tanong ni Kabayan.

“Sa bahay po, isa akong DH,” nakangiti kong sagot.

“Tsimay?”

Ito ang linya ng ilan na minamaliit ang trabaho namin. Minsan, kami’y pinagtatawanan, lalo pa’t suot namin ang bulaklaking uniform at hitsurang bagsak dahil sa pagod at puyat.

Maraming nagtanong sa akin, “bakit ito ang trabaho na pinasok ko?”

Simpleng sagot ko: Dito ako dinala ng kapalaran ko! Isang mahirap na trabaho na nakasalalay sa balikat ng isang ina na iniwan ang pamilya at isang ate para maitaguyod ang mga ito.

Sa loob ng magarbong tahanan na aming pinaglilingkuran, nais kong ilarawan sa inyong isipan ang buhay naming mga INDAY:

  • Hindi madali ang magpalaki ng mga anak ng ibang tao.
  • Hindi madali ang humabol ng mga alaga, na halos pugto na ang ugat mo sa kasisigaw? Ay bingi ang mga ito dahil kami ay isang alipin nila.
  • Hindi madaling kunin o paamuhin ang loob ni Among babae, lalo na kung may topak ito? Naku!  Ang hirap pakibagayan, kahit ibuhos mo na ang lahat ng galing mo.   Ang lahat sa paningin n’ya ay mali.
  • Hindi madaling labanan ang takot sa among lalaki, lalo pa’t kung makatingin ito ay tila gustong kainin pati kaluluwa namin.
  • Hindi madali ang magutom at wala kang mailagay na pagkain sa bunganga mo dahil kadalasan ay may kandado ang gintong kaldero nila.

Hindi madali, ‘di ba? Pero, pinili pa rin namin ang magtiis para sa pamilya namin na naghihintay ng buwanang suporta. Sa kakarampot naming sahod na kulang pa na matustusan ang kanilang pangangailangan, ay eto kaming mga INDAY, patuloy sa pagbilang ng araw, buwan at taon kung kailan namin maranasan ang buhay na makaangat man lang sana. Kung kailan iyan ang hindi pa namin alam!

Sa walong taon na pagiging isang Domestic Helper, taas noo kong ipinagmamalaki na sa bawat gutom at sampal na naranasan ko dati sa mga nauna kong amo ay isang pasasalamat sa Diyos na ginabayan Niya ako at nalagpasan ko ang paghihirap na iyon. Kaya eto ako ngayon, isang isang Inday na isisigaw ang aming propesyon kahit kami’y mga katulong, pero may kakayahan na ibahagi ang mga kuwento namin bilang OFW.

Kaya ngayon labas-masok na ang mga masasakit at panlalait na salita. Ang tawagin kaming basura at hayop sa pamamahay na aming pinagtatrabahuan, ay hindi magpapahina sa puso namin; basta huwag lang kaming sasaktan ng pisikal, patuloy kaming lalaban sa buhay bilang katulong na may karangalan.

Pagtawanan man kami at maliitin ng ilan, isang matamis na ngiti at sabay bitaw ng linyang: “TRABAHO NAMIN AY MARANGAL, ISA RIN KAMI SA BUKAL NA YAMAN NG ATING INANG BAYAN. KAMI ANG MGA KABABAIHAN NA PILIPINA NA PALABAN SA TRABAHONG BAHAY DITO SA GITNANG SILANGAN!”

Kaya sa 8 years ko bilang isang Domestic Helper dito sa Gitnang Silangan, hawak ko man ang vacuum at pamunas ay hindi ko bibitiwan ang pluma at imarka ang mga tinta upang maisulat ang mga makabuluhang kuwento para sa kapwa ko OFW, at maging inspirasyon sa kapwa ko Inday.

“Ano man ang propesyon o suot mong uniform, isa lang ang layunin natin kung bakit tayo naririto sa dayuhang bansa.  Iyun ay para sa magandang kinabukasan ng ating pamilya!”

Ang sigaw ni Inday…TAMA BA?

About jovelyn

Im not a good writer but i love to 🙂 Masaya din, Malungkot din (Karanasan ng OFW) this is my first book under my name as a writer and Sindi Ng Lampara OFW stories book with Raquel D. Padilla and DFBI writers, columnist in Pilipino Star Ngayon Middle East [email protected] Super kulit at kalog..proud bisdak at tamad na masipag na yaya:)