Si Pareng J.T.

Image credit: Child Friendly Villas Direct

“HOY, JUAN! BUMANGON KA NA RIYAN TANGHALI NA! ANO TATAMAD TAMAD KA NA NAMAN?”

Ganyan, pare, araw araw na lang, malupit pa sa mga paputok na pansalubong ng bagong taon. Ganyan ang sumasalubong sa umaga ko araw araw, nakaka-bad trip. ‘Di pa nga nagsisimula araw ko, sira na! Diyos ko po si Mama. Bakit ba hindi ako hayaang matulog, ang aga aga wala namang pasok. At kahit pa may pasok e ano naman babangon naman ako nang kusa.

“YUNG PAGKAIN MALAMIG NA! DIYOS MIO, JUAN! KUKUPAD-KUPAD KA SA PAGKILOS, MALALA KA PA SA UOD KUNG KUMILOS, PATI BA NAMAN SA PAGKAIN EH TATAMARIN KA?”

O ‘di ba, pre? Ano kaya ‘yun pati ba naman sa pagkain kailangang minamadali? Itong si Mama talaga nakakainis. Kung lumamig ‘yung pagkain, eh ano naman? Kakainin ko pa rin naman ‘yun eh, bakit kailangang madaliin ako? Tapos kailangan bang isigaw sa buong bayan na kailangan ko nang kumain? B’wisit talaga, ‘di ba?

Photo by pulguita

“ANG AGA-AGA, COMPUTER? HA, ANO, JUAN, COMPUTER NA NAMAN? HOY, JUAN, NARIRINIG MO BA AKO? EH KUNG SANA NAGHUGAS KA NG PINAGKAINAN!”

Nakita mo, ‘tol, naririnig ko daw ba siya? Malamang hindi! Eh sumisigaw kaya siya, pa’no kong hindi maririnig? Katatapos ko kumain eh hindi ba p’wedeng magpatunaw muna kahit saglit? Nakakagalit talaga itong si Mama. Eh kung siya na kaya naghugas ng pinagkainan, siya nakaisip eh, hindi naman tatakbo ang mga baso at pinggan, p’wede namang mamaya ko na gawin. Putakte talaga.

“DAMUHONG BATA ITO! HOY, JUAN, MAGLINIS KA NG KWARTO MO DAHIL NAPAKADUMI, AMBAHO NA RITO, LUNGGA BA ITO NG DAGA? KAYSA PURO CELLPHONE KA DIYAN, KUMILOS KA AT MAGLINIS!”

Anak ng tipaklong naman talaga, oo. ‘Di ba, tol? Sabado, walang pasok, p’wede bang mag-relax naman ako? Ano ba kasi pakialam ni Mama sa kwarto ko? Kwarto ko nga ‘yun, ‘di ba? ‘Di wag siya pumasok kung ayaw niya sa amoy, ‘di ba? Maglilinis naman ako ng kwarto eh gusto ko lang mag-relax muna.

“JUAN, ANG LAKI MO NANG TAO! HINDI KA NA BATA, BINATA KA NA! AKO PA RIN ANG NAGLALABA KAHIT BRIEF MO? ANO ALAM MONG GAWIN, MAG-DOTA? ‘YAN LANG BA HA?”

‘Di ba nakaka-bad trip, tol? Hindi ko naman inutusan si Mama na labhan mga damit ko. Kaya ko namang gawin ‘yun. At ‘di ba lalabhan niya kahit ‘di ko sinabi tapos magrereklamo? ‘Yang si Mama, parang ewan, ‘di ba? Kung masama sana loob niyang labhan eh ‘di sana hindi niya ginawa.

“ANO BA, JUAN! MAGHAPON KA LANG HUMILATA DIYAN? PAGOD NA AKO BUONG ARAW, NI MAGSAING MAN LANG NG KANIN, HINDI MO GINAWA?”

woman shouting photo
Photo by TMAB2003

‘Yan, pre, ‘di  ba? Parang kasalanan ko pa na napagod si Mama? Ako ba nag-utos na magpakapagod siya? Nakakabanas talaga. Tapos hindi naman siya nagsabing magsasaing ako. Kung sinabi niya sana na magsaing ako ng hapon eh ‘di nagsaing ako. Ano bang klaseng buhay ‘to, oo. Kung ayaw mapagod, ‘di wag magpagod, ganun kasimple.

“JUAN, GAWIN MO TO! JUAN, GAWIN MO YAN”… Nakakarindi, tol.

Kung sana hindi niya na lang ako ipinanganak…

Wala sana siyang tinitiyagang ginigising.

Wala sana siyang panag-aaksayahang tawagin para kumain.

Wala sana siyang kinaiinisang mga nagkalat na pinagkainan.

Wala sana siyang iniintinding marumi at mabahong kuwarto.

Wala sana siyang anak na ipinaglalaba.

Wala sana siyang kunsomisyon dahil walang sinaing.

Sana nawala na lang ako.

Wala naman akong kwenta eh, ‘di ba?

Ako na lang sana.

Miss ko na si Mama, pre.

Wala akong hindi gagawin marinig ko lang siyang bulyawan ako ulit.

I Love you, Mama.. miss na miss na kita……

man crying photo
Photo by StockSnap (Pixabay)

About kablog

read write alright