Si Lola J at ang Kanyang Pall Mall

Boogie (Photo Credit: salsayrapculturas.blogspot)

Nakakadalawang bote na ako ng San Mig Light nang lumabas ang isang matandang may supang puting sigarilyo. Naghahanap siya ng panindi. Inaalalayan siya ni Mommy Joyce na sinadya kong puntahan sa Sucat kasama ang iba pang manunulat dahil kaarawan niya. Pinisil muna ni Mommy Joyce ang sigarilyong Pall Mall para lumasa ang sangkap nitong mentol bago iabot kay Lola.

Bihira akong magsalita nang mga oras na iyon dahil mga bago sa aking paningin ang mga manunulat na kaharap ko, medyo nahihiya pa akong makibagay kaya hanggang ngiti na lang, hanggang tango, at hanggang sagot sa tamang tanong.

Bumida si Lola noon, napag-usapan ang tungkol sa mga dating sayaw gaya ng boogie, chacha, tango, rock ‘n roll at iba pa. Nakalimutan na nga niyang hithitin ang sigarilyong ipinatong sa mesa nang makaigihan ang pag-iistorya.

Panay ang kuwento ni Lola. Minsa’y nat’yempuhan ko siyang nagsasalita pa rin kahit hindi na nakatingin sa kanya ang kinakausap niya o hindi niya lang din malaman kung sino ba talaga ang nakikinig sa kanya o kung sino ang handang makinig? Kaya tinabihan ko siya. At nakinig ako.

Matanda na si Lola, tinanong ko kung ilang taon na siya, hindi niya ako dineretsa bagkus ay sinabi niya ang taon ng kanyang kapanganakan: 1941. Mahirap na raw, baka bigla niyang ma-realize na matanda na siya at malapit nang mamatay. Baka bigla siyang kabahan. Nagkuwenta ako. Tinawanan ko na lang si Lola nang hindi ko maisip kung anong edad niya. At simula na iyon ng kanyang mas mahaba pang pagkukuwento.

Dancer daw siya dati. Paborito niya ang boogie, chacha, tango, rock ‘n roll at iba pa.  Dumarayo raw sila sa iba’t ibang lugar para mag-exhibition, sa Proj. 6, Proj. 7, Bago Bantay, at iba pa. Nabanggit ko nga na dati akong nakatira sa Proj. 6. “Ah talaga?” ang sagot niya. “Opo.” At ikinuwento ko kung saang parte ng Proj. 6.

May dance studio raw ang Daddy Nick niya kaya siya natutong magsayaw. Nanonood lang daw siya lagi noon at natuto na. Ganoon lang naman daw iyon, parang kanta, sasabay ka lang sa ritmo. Sa tiyempo. Parang kanta nga, ulit niya. Kung ano ang tugtog, siya ring sayaw.

Sikat daw s’ya noon. Hindi ko na inusisa kung gaano kalawak ang kasikatang sinasabi niya, pero nakikita ko sa pustura niya na kahit matanda na siya ay makinis, maputi, matangkad, madaldal, at mahusay ngang sumayaw batay sa minsang pagkumpas niya ng mga kamay habang nakaupo at nagkukuwento ng tungkol sa kanyang nakaraan.

Nadako ang usapan namin sa kanyang pamilya. Mabait daw ang kanyang asawa, pero patay na dahil sa heart attack. Pero bago raw niya iyon napangasawa, marami raw sa kanyang nanligaw. Nagsisimula rin sa J ang pangalan ni Lola, ganoon din ang kanyang namayapang asawa, maging ang apat nilang mga anak ay puro J ang simula. Hindi na raw siya nag-asawa kahit nabalo na. Sabi ko: kami rin pong magkakapatid, may pattern ang mga pangalan, puro po kami nagsisimila sa She… natuwa siya, lalo na nang sabihin kong nalilito pa nga sa mga pangalan namin ang aming lola, na bago mabanggit ang talagang pangalang tinatawag niya ay natawag na muna niya kami lahat.

Nawiwili akong makinig sa kanya kasi sa totoo lang, masarap makinig sa kuwentong niluma na ng panahon; dahil iba ang panahon noon at ngayon.

Bukod doon ay bata pa ako, magandang inspirasyon ang mga kuwentong nauna na sa aking nabuhay, dahil hindi ko iyon makikita sa bukas. At saka paulit-ulit niyang sinasabi na masaya ang kanyang kabataan, kaya nga siguro ganadong-ganado siyang magkuwento sa akin ng kanyang nakaraan dahil wala siyang anumang pagsisisi sa buhay. Maaaring may maliliit pero sa edad niyang iyon, mababakas sa kanyang mukha at pagsasalita ang integridad na naipunla ng kanyang pag-iral sa daigdig.

Nagpatuloy siya sa pagkukuwento: Dancer daw siya dati, paborito niya ang boogie, chacha, tango, rock ‘n roll at iba pa.  Dumarayo raw sila sa iba’t ibang lugar para mag-exhibition, sa Proj. 6, Proj. 7, Bago Bantay, at iba pa.

Natahimik ako. Medyo pilit ang ngiti. Tumango nang tumango pero hindi ako nagsawang makinig.

May dance studio raw ang Daddy Nick niya kaya siya natutong magsayaw. Nanonood lang daw siya lagi noon at natuto na. ganoon lang naman daw iyon, parang kanta, sasabay ka lang sa ritmo. Sa tiyempo. Parang kanta nga, ulit niya. Kung ano ang tugtog, siya ring sayaw.

Sikat daw siya noon.

Mabait daw ang kanyang asawa, pero patay na dahil sa heart attack. Pero bago raw niya iyon napangasawa, marami raw sa kanyang nanliligaw.

Nagsisimula raw sa J ang pangalan niya, ang pangalan ng kanyang asawa, at ang pangalan ng kanyang apat na anak.

Masaya raw ang kanyang kabataan.

Masaya raw ang kanyang kabataan.

May dance studio raw ang Daddy Nick niya kaya siya natutong magsayaw. Nanonood lang daw siya lagi noon at natuto na. ganoon lang naman daw iyon, parang kanta, sasabay ka lang sa ritmo. Sa tiyempo. Parang kanta nga, ulit niya. Kung ano ang tugtog, siya ring sayaw.

Dancer daw siya dati, paborito niya ang boogie, chacha, tango, rock ‘n roll at iba pa.  Dumarayo raw sila sa iba’t ibang lugar para mag-exhibition, sa Proj. 6, Proj. 7, Bago Bantay, at iba pa.

Sikat daw siya noon.

Hindi na raw siya nag-asawa kahit nabalo na.

Masaya raw ang kanyang kabataan.

Nang mga sandaling iyon ay panay na ang tingin ko sa orasan, dahil kailangan kong makauwi bago mag-ala siyete ng gabi. Dapat nga kanina pang alas kuwatro ako umalis dahil may tugtog pa ako, nalibang na ako sa pakikinig kaya inabot na ako ng 4:28pm, pero hindi ko pinagsisisihan ang pakikinig. Tiniyempuhan ko na lang si Lola sa tatlong segundong pananahimik niya. Kahit alam kong sumasalida lang siya muli ng panibagong kuwento o ng pareho pa ring kuwento, nagpaalam na ako sa kanya. Nakangiti siyang wari mo’y muling nangyayari sa kasalukuyan ang kanyang pagmamahal sa pagsasayaw.

Nagpaalam na rin ako sa kanyang anak na si Mommy Joyce na aming editor sa Definitely Filipino at sa mga kapwa ko manunulat. May kaunting kuwentuhan at piktyuran. Siguro’y narinig ni Lola na nagsusulat ako kaya nang dumaan ako sa harap niya palabas ng gate, sinabi niya sa akin na: writer ka pala, ipagpatuloy mo lang, aasenso ka sa ganyan. Ngumiti ako. Nagpasalamat ako kay Lola at sa lahat ng naroon. Sige po!

Maganda ang kuwento ni Lola, dahil kahit gaano pa kasimple ay hinayaan niya lamang na paulit-ulit ko itong marinig, dahil unang-una, dapat nababatid at napahahalagahan ko na hindi napagod si Lola na magkuwento ng mga istoryang hinugot pa sa pinakamalayong panahon upang ihatid sa aking henerasyon. Na handang maglaan ng panahon para magbahagi, hindi para magmalaki; tapos na siya sa kung ano mang kabanatang nabasa na, at hindi na dapat kainggitan ang mga bagay na nakikita niya ngayon sa iba dahil dumaan na siya roon. Nauna na siyang maging maligaya. Nagkuwento siya dahil nakinig ako. At sa aking pag-alis, sino naman kaya ang bagong uupo sa tabi niya para makinig upang hayaang nakapatong lang sa mesa ang sigarilyong bago na namang sindi?

Ang nakabibilib kasi kay Lola J, kahit na may Alzheimer’s Disease na siya, hindi pa rin siya nakalilimot sa mga bagay na minahal niya noong una.

8 Comments

  1. This design is incredible! You most certainly know how to keep a
    reader entertained. Between your wit and your videos, I was almost moved to
    start my own blog (well, almost…HaHa!) Excellent job.
    I really enjoyed what you had to say, and more
    than that, how you presented it. Too cool!

  2. Hmm it appears like your site ate my first comment (it was super long) so I guess
    I’ll just sum it up what I had written and say, I’m thoroughly enjoying your
    blog. I as well am an aspiring blog blogger but I’m still new to
    everything. Do you have any tips for newbie blog writers?
    I’d really appreciate it.

  3. My programmer is trying to convince me to move to .net from PHP.
    I have always disliked the idea because of the costs. But he’s tryiong none the less.
    I’ve been using WordPress on a variety of websites for about a year and am concerned about switching to another platform.
    I have heard good things about blogengine.net.
    Is there a way I can import all my wordpress content into it?
    Any kind of help would be greatly appreciated!

  4. Thanks for your marvelous posting! I certainly enjoyed
    reading it, you might be a great author. I will be sure
    to bookmark your blog and will often come back from now on. I want
    to encourage you continue your great job, have a
    nice day!

  5. My brother recommended I might like this web site.
    He was entirely right. This post actually made my day. You cann’t imagine simply how
    much time I had spent for this information! Thanks!

Leave a Reply

Your email address will not be published.