Si Loglit (Kuwentong Pambata)

Egg (Photo Credit: animaljpg.com)

Sa isang pugad ay may limang magkakapatid na itlog na laging nag-uusap-usap tungkol sa kanilang masipag na ina, hinuhulaan nila kung ano ang pagkaing iuuwi nito. Ngunit isang umaga, paggising nila, ang paksa ng mga itlog ay tungkol sa mga sisiw na kinagigiliwan ng mga tao kahapon malapit sa kanilang lungga. Kulay rosas, luntian, kahel, lila at bughaw kasi ang kulay ng mga iyon.

Nainggit ang mga itlog. Bakit nga naman iisa lang ang kanilang kulay? Gusto rin nilang maging ganoon para mas maging kaakit-akit at kasiya-siya sila sa mga tao. Kaya nagplano ang panganay na itlog.

“Tatakas tayo!” mungkahi nito.

“Ngunit bakit at paano?” tanong ng iba pa.

Nag-umpukan ang mga itlog habang ibinubulong ng nakatatanda sa kanila ang naisip nitong plano. Pagkatapos ay nag-umpugan sila ng kanilang mga sarili, nagtawanan, at kumembot bilang pagsang-ayon.

Dumating ang kanilang ina na galing sa pagkakahig ng lupa. Tumanggi man silang limlimang muli ay wala naman silang magagawa, nadama nila ang init sa loob ng pugad, mas bumilog at pumuti pa sila. Nagtulog-tulugan lamang ang magkakapatid para maisagawa ang kanilang balak mamaya, maliban sa bunsong itlog na totoong nakatulog. Siya si Loglit. Ang kanyang mga kapatid ang nagbansag sa kanya niyon, Loglit dahil itlog na maliit.

“Hoy! Antuking Loglit, tatakas na tayo,” yugyog ng apat.

Nagising si Loglit, pinilig ang kanyang sarili, bumangon, at hihikab-hikab na sumunod sa utos ng mga nakatatanda sa kanya.

Sinilip muna ng panganay kung nakalayo na ang kanilang ina, at nang matiyak na nasa malayong banda na nga ito ay nagpagulong-gulong na sila. Lulundag-tatalbog silang lima sa ibabaw ng mga tuyong dahon, dumadausdos sa damo sa pagitan ng mga paa ng naglalakad ng tao, nagpapaanod sa tubig sa kanal, at umiilag sa mga batong nakakalat sa daan. Lagi namang nahuhuli si Loglit, natatakot siya na baka mabasag ang kanyang shell.

“Talasan ninyo ang inyong mga mata, maghanap tayo ng mga kulay,” paalala lagi ng panganay sa kanila.

Nakaramdam ang magkakapatid ng pagod sa paglalakbay kaya sumilong muna sila sa lilim ng isang namumukadkad na bulaklak. Napansin nila ang pagdaan ng isang matabang ale na may dalang basket. Nagtitigan ang mga itlog, para bang nabasa nila ang iniisip ng isa’t isa. Maya-maya ay naglundagan sila sa loob ng basket. Nakatabi nila ang iba pang itlog doon na binili ng ale. Nagulat sila nang mapansing may katabi rin silang mga itlog na kulay pula, manghang-mangha ang magkakapatid.

Malikot maglakad ang matabang ale kaya gugulong-gulong sila sa loob ng basket, nagsasalpukan sila sa isa’t isa, at kung minsan ay nakikipagpalit pa sila ng puwesto sa mga itlog na pula. Nagigitgit nila ang mga ito na hindi naman nagrereklamo, lagi namang naiipit si Loglit sa sulok katabi ang mga prutas at gulay na nakakunot-noo.

Nakaramdam ang lahat ng katahimikan, nailapag na pala ang basket sa ibabaw ng lamesa. Dumungaw sabay-sabay ang apat na itlog, huling sumilip si Loglit na sa kabilang parte pa napapuwesto. Nagkakalikot ang ale sa loob ng rep, kaya nagdali-dali na silang nagpadausdos sa mantel, bumagsak sila sa mga damit na nakakalat sa sahig. Pagkababa ay isa-isa nilang kinapa ang kanilang mga sarili, lahat sila ay wala pang lamat.

“Ayon ang mga kulay,” nang makita nila ang isang lalaking nagpipinta sa labas ng napuntahan nilang bahay. Namilog ang mga itlog, parang mapipisa sila sa tuwa.

Nag-unahan sila sa paggulong patungo sa mga kulay, nahuhuli pa rin si Loglit. Nagtago sila sa paanan ng lamesa, hinintay nila ang pag-alis ng lalaking pintor, at nang tumayo na iyon para pumasok sa loob ng bahay ay lumundag sila nang napakataas para makasampa sa lamesa.

Kanya-kanya silang pasok sa mga lata na may iba’t ibang kulay sa loob, maliban kay Loglit na naiwan pala sa ibaba, hindi siya makaakyat dahil kulang ang tulog niya kanina. Hihikab-hikab na naman siya habang nakatingala sa kanyang mga kapatid. Dinungaw siya ng mga ito mula sa itaas.

“Hoy! Maputlang itlog, paliguan mo na ang sarili mo ng kulay kahel, para naman magmukha kang malakas at malusog,” pamimilit ng kanyang mga kapatid.

Nagtatawanan ang mga itlog nang biglang may lumagitik na pinto, paparating na ang lalaki.

“Bilisan ninyo, nandiyan na ang lalaking bungi, baka basagin tayo at iprito.”

Hindi sinasadya ay natabig ng mga tumatakas na itlog sa ibabaw ng lamesa ang isang pensil na gamit ng lalaki sa pagpipinta, nahulog iyon sa sahig. Nakatakas ang mga itlog na may iba’t iba nang kulay, at tinawag nila ang kanilang mga sarili na Rosas, Lila, Luntian at Bughaw. Naiwan naman si Loglit sa bahay ng pintor na hindi man lang nasenyasan ng pagtakas. Hanggang sa sinakop na ng anino ng lalaki ang kanyang kabuuan. Nanginginig at pinagpapawisan siya roon habang naghihintay ng tamang pagkakataon sa pagtakas.

Umupo ang lalaki, kitang-kita niya ang malalaking paa nito na anumang oras ay maaari siyang matapakan at mapisa. Lalo pa siyang natakot nang mapansin niyang nasa tabi niya ang pensil na nahulog kanina. At tiyak niya, kaya hindi mapakali ang pintor ay dahil naghahanap na ito ng pensil.

Nangapa sa ilalim ang pintor, umilag siya nang muntik na siya nitong mahawakan. Lumipat siya sa kabilang paa ng lamesa. Patuloy pa rin sa pangangapa ang lalaki, gumulong siya ulit para lumipat ng puwesto, ngunit nahawakan siya nito. Nagpapalag siya. Nagulat ang pintor, sumilip ito sa ilalim. At bago pa man magpang-abot ang kanilang tingin ay nakagulong at nakatakas na siya palayo.

Gumulong siyang mag-isa pauwi, at laking gulat niya nang maabutan niyang nag-aaway-away ang kanyang mga kapatid habang nagpapatuyo ng kulay sa nakapapasong liwanag ng araw.

“Ako ang pinakamaganda,” pagmamalaki ng panganay na si Rosas.

“Nagkakamali ka, ang kulay ko ang higit na kaayaaya,” kontra ni Lila.

“Kaayaaya? Madilim ang kulay mo, hindi ka magandang tingnan,” sabi naman ni Bughaw.

“Halos magkakulay lang naman kayo, Bughaw,” wika naman ni Luntian. “Ako ang higit na maganda sa ating magkakapatid dahil ang kulay ko ay matingkad; kulay ng paligid,” patuloy nito.

Walang gustong magpatalo sa apat na itlog, ang bawat isa ay nag-aangkin ng kagandahan sa paningin. Nagtalo-talo ang mga ito, naghamunan, at nagbungguan ng mga katawan.

“Tama na! Tumigil na kayo!” sigaw ni Loglit pagkadating-dating.

Hindi siya pinakinggan ng kanyang mga kapatid, kaya lumapit pa siya at pumagitan upang awatin ang mga ito.

“Tama na!”

Ngunit sa hindi inaasahan ay napuruhan ng bunggo ang bunsong si Loglit, nahulog siya sa malalim na kanal at napatama sa malaking bato. Bumitak ang kanyang shell. Napahinto ang mga itlog na nag-aaway, napanganga nang makita ang kanilang bunso.

“Mapipisa ka na, Loglit. Tiyak naming pagsisisihan mo ang hindi mo paglublob sa kulay,” sabi ni Rosas. “Hahaha!” tawa pa nito.

“Hindiiiiiii! Masyado pang maaga!” sigaw niya. Pinipigil niya ang pagbukas ng kanyang shell, subalit nakadungaw na ang kanyang tuka, at wala na siyang nagawa. Nagniningning ang kanyang katawan nang siya ay lumabas, para siyang sinag ng araw habang umaahon mula sa kanal.

“Dilaw… dilaw… dilaw… dilaw nga ang kulay niya,” sabi ng itlog na lila.

Tinitigan ni Loglit ang kanyang sarili, isa na siyang ganap na sisiw. Ngunit tama ang lilang itlog, dilaw nga ang kulay niya. Ngumiti siya habang sumisiyap-siyap, tanggap niya ang kanyang kulay.

Pagkaakyat niya ay saka siya pinagtawanan ng kanyang mga kapatid, iyon ay dahil sa kanyang karaniwang kulay. Nakaramdam siya ng galit at nagsalubong ang kanyang kilay, ngunit nang mapansin niyang nagliliwanag ang mga ito ay biglang nanlaki ang kanyang mga mata.

“Mapipisa na rin kayong apat!” sigaw niya.

Nagtinginan sa isa’t isa sina Rosas, Lila, Bughaw at Luntian, nasabik ang apat na mapisa kaya sabay-sabay ito na naglulundag para itama ang sarili sa mga bato sa paligid. Lumaki nang lumaki ang lamat ng mga itlog, at saka nag-unahan ang mga sisiw sa paglalabas ng tuka.

“Nauna ako,” sigaw ni Bughaw.

“Pangalawa ako,” sigaw ni Lila.

“Pangatlo ako,” sigaw ni Luntian.

“Nauna ako,” sigaw rin ni Rosas. “Ay! Panghuli pala ako,” sa malungkot niyang tinig.

Hindi nagsasalita ang bunsong si Loglit na panganay naging sisiw, nagtataka siyang nakatitig sa apat niyang kapatid na kapipisa pa lamang.

“Sino ang pinakamaganda sa aming apat, dilaw na sisiw, hindi ba’t ako?” mapagmalaking tanong ni Rosas.

“Siyempre, ako,” sagot ni Lila.

“Ako ang pinakamaganda,” sabi ni Bughaw.

“Ako! Ako!” pamimilit ni Luntian.

Muli, nag-away-away ang apat. Naghampasan ang mga ito ng maninipis na pakpak, at nang hingalin ay saka lamang napansin ng magkakapatid ang kanilang mga kulay.

“Kulay dilaw ka rin, Rosas,” pagtataka ni Bughaw.

“Ikaw rin, Bughaw, kulay dilaw ka,” pagtataka rin ni Luntian.

“Ikaw rin naman, Luntian, dilaw ka,” sabi ni Lila. “At dilaw rin ako,” kompirma nito sa sarili.

“Hindi ito maaari!” sigaw ng apat.

Bahagyang napangiti si Loglit.

“Ano ang itinatawa-tawa mo riyan, Loglit na kulang sa sustansiya?” tanong ng kanyang mga kapatid na kapwa niya sisiw na rin.

“Sa una pa lang, alam ko nang mangyayari ang ganito,” sabi niya.

“Ano ang ibig mong sabihin?”

“Binulungan ako ni Ina sa panaginip kanina habang ako ay natutulog. Ang sabi niya: ako raw ang magiging pinakamaganda at pinakamalusog na sisiw sa lahat kung susundin ko ang kung ano lang ang dapat. Ang totoo, hindi talaga ako antukin, sinasadya ko talagang magpahuli dahil hindi ako sang-ayon sa inyong pakay. Kaya ko ring akyatin ang lamesa kanina, hindi ko lang itinuloy dahil… bakit ko pa babaguhin ang kulay ko, ito na ang kinagisnan ko. Ito na ako, ito na tayo.

Pare-pareho lang tayo ng kulay, kahit anong pilit pa nating kulayan ng iba’t ibang kulay ang ating mga sarili, ito na tayo, hindi na natin mababago pa iyon. Hindi ba’t mas kaayaayang tingnan kung totoo tayo sa ating mga sarili?” paliwanag niya.

Natahimik ang apat na sisiw nang magsalita ang Bunsong si Loglit na ngayon ay panganay na sa kanila. Lumapit siya sa mga ito, ibinuka niya ang kanyang maikling pakpak, at tumango nang nakangiti. Maya-maya ay ibinuka na rin ng apat na sisiw ang kani-kanilang mga pakpak, at saka nagyakap ang magkakapatid.

Tumitilaok naman na dumating ang kanilang ina, nagdiriwang sa kanilang pagkapisa at pagiging ganap na sisiw. Bukod-tanging ang pinakamaliit na itlog noon na si Loglit ay ang siyang may pinakamatingkad na kulay sa limang magkakapatid ngayon. Ibinuka rin ng kanilang ina ang malapad na pakpak, saka sila sinakop ng mainit at mahigpit nitong yakap.

“Ang tunay na kagandahan ay wala sa panlabas na kaanyuan, ito ay sa busilak na puso matatagpuan.”

Wakas!

About sherald salamat