Si Jr Mo Ba Ako? Ikaw Ba Ang Tatay Ko?

(Photo credit: fellipebastos.blogspot.com)

 

(Photo credit: fellipebastos.blogspot.com)
(Photo credit: fellipebastos.blogspot.com)

“Letse kang bata ka! Ayan ang piko, hukayin mo ang sariling libingan mo!”

Ako si Jr, isang OFW dito sa bansang Asia.  Katulad ng karamihan, ang buhay ko ay dumaan sa isang masalimuot na nakaraan.  Lumaki ako sa kahirapan, lugar na talamak sa droga at sugalan.  Isang lasenggo si Itay at sugarol naman si Inay. Magulong pamilya, magulong tahanan. Lima kaming magkakapatid at  ako ang pangatlo sa dalawa kong kapatid na lalaki.

Agawan kami minsan sa hapag kainan sa pagkain na minsan ay nilalangaw pa ang ulam na daing. Hindi namin puwedeng istorbohin si Itay sa umpukan sa kanto, kasama ang mga kumpare n’ya na todo tagay sa lambanog.

Samantalang si Inay naman ay nasa maingay na mesa ng bingohan at majongan!  Tama, ito ang prioridad na tahanan ng aking mga magulang, makailang beses man akong lumapit para makahingi ng piso na pambili ng bobot na candy ay isang hampas at tulak sabay sabing:

Malas ka na bata ka! Buwisit, alis!”

Walang araw na walang rambulan sa barong-barong namin. Saksi ang dalawa kong inosenteng mata sa away ng aking mga magulang, lalo pa’t lasing si Itay at talo sa sugalan si Inay.  Pati kaming mga walang malay ay nadadamay.

Ilang beses ba akong nahabol hawak ang lubid ng kalabaw? Di ko namabilang.  Minsan, bitay pa pag napagtripan sa kalasingan n’ya.   Sa bawat iyak at hikbi namin  ay bingi ang aking mga magulang.  Boses nila ang batas sa tahanan na walang bukas.  Minsan naiisip ko kung matatawag ko ba silang magulang? Ako ba ay talagang si Jr ni Tatay?

Lumaki ako na nakatatak ang marka ng lubid at sinturon sa likod at binti. At ang masaklap na parte ay ang pahukayin ako ng sarili kong libingan! Isang pangyayari na kailan man ay hindi ko malilimutan:

“Ililibing kita nang buhay! Buwisit ka na bata ka!  Hala, hukayin mo’ng libingan mo!”

Dahil sa matinding takot at pangamba, luha’y umagos sa aking mga mata.  Ganito ba kalupit ang aking ama? Dahil sa espirito ng alak ay nagawa n’yang kalimutan na ako ang kanyang anak, na pinangalanan pa niyang Junior.   Sa bawat piko ko ng lupa ay isang paghihimagsik ng aking kalooban!  Ang poot sa puso ko na nagpapaapoy sa pagnanais ko  na balang araw ay makawala rin ako sa kanilang poder at sa anino ng isang malupit na magulang.

Taon ay nagdaan; bawat isa sa amin na magkakapatid ay may kanya-kanyang landas na tinahak.  Si Kuya at ang bunso naming babae ay nag-asawa para makawala lang sa buhay na aming kinagisnan.  Ang dalawa kong kapatid na lalaki ay  sumunod sa yapak na bisyo ng aking mga magulang! Samantalang ako…sa sarili kong sikap ay nag-working student ako, lingguhan ang uwi sa amin at kada uwi ko ay nadaratnan ko si Itay na nasa lupa at nakatulog dahil sa kalasingan.

Sa tagal ng aking pagtitiis at sakrapisyo bilang working student ay nagbunga ang aking paghihirap.  Nakapagtapos ako ng kursong Engineer. Pero, sa araw ng aking pagtatapos, imbis na nasa entablado ako at suot ang togang itim, naroon ako sa kanto at ang damit na puti ay nabalutan ng dugo!

Tama, pulang dugo galing sa katawan ni Itay!

Sa araw ng aking pagtatapos ay sinaksak ang aking ama!

Habang kalong ko si Itay na naghihingalo, sa unang pagkakataon ay nadama ko ang yakap ng isang ama!  Yakap ng naghihingalo na pilit nilalabanan ang kamatayan. At ang huling salitang binitiwan ni Itay:

“Engineer ka na, Jr.     Proud ako sa iyo, anak!  Patawad, anak ko.”

Pagkasabi sa huling linya niya at higpit ng yakap ay tuluyan na siyang bumigay, kasabay ng pagpikit ng kanyang mga mata.   Dinig ko ang iyak ni Nanay at ng mga kapatid ko at pamangkin. Sa sandaling iyon ay napasigaw ako sa pangalan ng aking ama!

Dama ko ang sakit, nawala ang poot na nararamdaman at panghihinayang na kung kailan nabigkas na ni Itay ang aking pangalan na Jr ay s’ya ring pagkawala n’ya. Pagpatawad mula sa isang masaklap na nakaraan ang naging daan upang mabigyan ng halaga ang pagkamatay n’ya.

Ngayon ito na ako sa bansang nagamit ang pinag-aralan ko; bansa na malayo sa bayan kong sinilangan.  Ang pagbabagong-buhay ng aking ina ay isang kasiyahan sa puso ko. Kaya bilang regalo ko sa kanya, ay hinangad kong maitayo ang bahay na pangarap n’ya. At sa pagtahak sa bagong landas ng dalawa kong kapatid na lalaki, ay ang pagbabalik  nila sa naputol nilang edukasyon. Ang patuloy kong pagsuporta sa mga pamangkin ay tulong sa dalawa kong kapatid na may sarili nang pamilya. Kaya ito, sa edad kong 35 years old ay binata pa rin, hindi pa makita ang eba na nakatadhana para sa akin.

Sa bawat kuwento ng ating buhay, may mga bagay na magpapamulat sa atin sa isang katotohanan.  Balutin man tayo ng pangit na nakaraan, sa dako roon na ating pupuntahan kapag tumahak tayo sa tamang landas ng buhay, tiyak na salitang TAGUMPAY ang naghihintay sa hinaharap.

“Ang punong patay ay may mga ugat na maaaring mabuhay muli, upang gawing bagong puno at magbunga nang matamis sa tamang panahon!”

About jovelyn

Im not a good writer but i love to 🙂 Masaya din, Malungkot din (Karanasan ng OFW) this is my first book under my name as a writer and Sindi Ng Lampara OFW stories book with Raquel D. Padilla and DFBI writers, columnist in Pilipino Star Ngayon Middle East [email protected] Super kulit at kalog..proud bisdak at tamad na masipag na yaya:)