Si Enteng at ang Kanyang Mga Pusa

https://www.google.com.sa
https://www.google.com.sa

Sa aking paglalakad pauwi ng bahay galing ng opisina ngayong gabi ay patuloy akong nag-iisip ng puwedeng maisulat sa aking naghihingalong blog page. Gusto kong samantalahin ang pagkakataong may laman pa ang isip ko at nasa mood ako para magsulat. Mahirap na baka kasi abutin na naman ako ng taon bago makapagsulat ulit.

At hindi nga ako nabigo. May naisip na akong topic na puwedeng isulat. Salamat sa pusa na nakasalubong ko. Opo, tungkol sa pusa ang nais kong ibahagi sa inyo. Malamang ito ay isang simpleng kuwento lamang para sa karamihan, pero para sa akin, ito ay hindi lamang isang kuwento. Ito ay katotohanan at nakita mismo ng aking mga mata. Tumatak sa aking isip at nailarawan sa mga salita gamit ang aking damdamin.

At ito ‘yon…

Dito sa lugar kung saan ating inaasahan ang malungkot na pakikipagsapalaran para sa kagaya kong OFW ay may nakilala akong isang tao. Ang pangalan niya ay ENTENG. Kung siya ay titingnan, siya isang napakaordinaryong tao. Maliit, simple magdamit at mapapansin mo ang kanyang balat ay tila nasunog. Marahil dahil sa sobrang init ng sikat ng araw. Maaaninag mo sa kanyang mukha ang lungkot, pag-iisa, ngunit higit sa lahat ang pagkakaroon ng magandang kalooban.

Matagal na si ENTENG na nagtatrabaho dito sa Jeddah.  Malamang lahat ng lugar na alam ng pinoy ay napuntahan niya na. Alam niya na kung paano mapasaya ang sarili. Kung saan siya puwedeng pumunta kung siya ay nalulungkot at namimiss ang pamilya. Pero may iba akong natuklasan kay ENTENG. Di niya na pala kailangan pumunta sa kung saan mang lugar para mapawi ang lungkot na nadarama. Marami siyang mga kaibigan. Andiyan lang lagi sa tabi para paligayahin siya. Para laruin, hagurin at libangin. Mga kaibigang kailanman ay ‘di siya iiwan. Di siya ipagpapalit. Di siya kakantyawan. Di siya sasaktan. Ang mga PUSA. Opo, mga pusang gala na walang nagmamay-ari. Lahat ng mga ‘yon ay kaibigan ni ENTENG. Mga kaibigan na hayop man ang lahi, pero sobra pa sa tao ang ugali.

Di ko alam kung ilang taon na inaalagan ni ENTENG ang mga pusang ‘yon. Araw-araw niyang pinapakain at pinapainom ng tubig. Kumukuha siya ng mga tirang pagkain sa mga restaurants na malapit lang  sa aming opisina. Kung minsan naman bumibili siya ng isang order na pagkain at ulam kung alam niyang kulang ang naiipon na mga tira-tira.

Minsan nakita ko siyang naglalakad sa ilalim ng matinding sikat ng araw habang bitbit ang plastic na may lamang pagkain at sa kabilang kamay naman ang isang gallon ng inuming tubig. Bakas sa kanyang mukha ang hirap, pero dahil sa kagustuhan niyang ‘di magutom ang mga alagang pusa ay parang balewala na ito sa kanya. Naisip ko tuloy. Ang sama ko naman para magreklamo na sobrang mainit at ayaw kong lumabas ng opisina para kumain ng tanghalian samantalang si ENTENG ay nagsasakripisyo sa initan para lang mapakain ang kanyang mga kaibigan.

Minsan pa nga ay natulala ako ng makita si ENTENG malapit sa isang supermarket habang dala-dala ang pagkain at inumin ng mga alagang pusa. Nasabi ko na lang sa sarili ko na, iba ka ENTENG!

Alam kong ang kuwento ni ENTENG ay hindi lang nag-iisa. Maraming tao ang nag-aalaga ng mga hayop higit pa sa kanilang sarili. Itinuturing na kapamilya, kapuso at kapatid ang mga ito. Isa ako sa mahilig sa mga alagang hayop at alam kong hayop man sila ay may pakiramdam at nangangailangan din ng pagrespeto, pag-aaruga at pagmamahal. Pero kailan man hindi ko naisip ang aking sarili na magawa ang kagaya ng nagagawa ni ENTENG.

Si Enteng. Maliit man kung titingnan, pero may malaking espasyo ang puso. Hindi lamang tao ang kaya niyang mahalin. May nakalaan na bahagi sa kanyang puso para sa mga nilalang na hindi man niya kauri ay alam niyang nangangailangan ng pagmamahal.

Sana sa kabanata ng buhay natin, minsan magkaroon ng tagpo na kagaya ng si ENTENG at ang mga PUSA. Isang tagpo ng mga karakter na ‘di man magkalahi, ngunit pinagbigkis ng pagmamahal at respeto.

‘Yan si ENTENG. Ang taong may PUSO ‘di lamang para sa tao kundi para din sa hayop.

About remarkjombee

a son, a brother, a friend and a registered accountant who wishes everyone to have nothing but LOVE in their hearts.