Si Duterte sa Malacanang? Kung panalo e di sige paupuin

Credit to the owner of the Photo

 

Kung mas madami ang bilang nang nakuha nyang boto, kumpara sa apat pang tumatakbo – dapat lang syang umupo sa Malacanang.Gusto kong matuto ang bawat Pilipino sa karanasang ito. Gusto kong matupad ang pangarap ng mas nakararaming botante na makita na mamuno si Duterte sa Pilipinas. Gusto kong sila mismo ang mag abang sa mga pangakong binitiwan ni Duterte. Gusto kong patunayan nya sa lahat ng bumoto sa kanya na hindi sila BOBOTANTE.

30 Years ago kasama ako sa Peoples Power. Galit ang mga tao dahil sa pandaraya sa eleksyon kay Cory Aquino.

Hindi na ito alam ng mga nasa edad 40 ngayon dahil sampung taon pa  lang sila nung panahon na iyon. Hindi pa nila lubos na nauunawaan ang mga pangyayari.

Iba ang mga tao nuon – mahinahon, nandoon ang malasakit sa kapwa, malinaw sa isip nila na ang lahat ng iyon ay sa kapakanan ng bawat isang Pilipino. Walang cellphone at kung anu- anong gadgets na pangkomunikasyon. Walang social media upang makapag-usap at plano, pero puso ang nag-usap sa mga Pilipino.

Pagdating sa EDSA,mga taong pagod ngunit nakangiti ang sasalubong sayo. Aabutan ka kaagad ng pagkain.Hindi lamang ito sa mga kapwa Cory supporters, ito ay sa lahat.

Nasa kabilang panig ka man – bulaklak ang  iaabot sa iyo. Pagkain at inumin ang alay sa mga sundalong inutusan para buwagin ang mga nag poprotesta.  Umiiyak ang mga Pilipino noon dahil sa pagmamahal sa bayan. Niyayakap ang mga sundalo.  Walang pag nanasang manakit ng kapwa Pilipino. Gusto lang ng pagbabago – dahil sa pagmamahal sa tinubuang lupa at kapwa Pilipino.

Nakakalungkot ngayong eleksyon, sa social media pa lang nagbabanta na ang iba na papatayin ang mga ayaw kay DUTERTE pag ito’y nakita nila. Meron pang nagsasabi na sana mamatay daw ang mga miyembro ng pamilya o magahasa ang nanay , mga anak at kapatid na babae para maunawaan kung bakit si Duterte ang dapat maging Pangulo. At ang labis na nakakabahala ay mga babae pa ang nakakapagbitaw ng mga ganitong uri ng salita.

Meron pang nagsabi na pag hindi nanalo si Duterte magiging Somalia daw ang Pinas at magkakamatayan na. Ang tanung ko lang ito ba ang inspirasyon na ibinabahagi sa inyo ng lider nyo?

Tayong mga Pilipino na walang kapangyarihan dahil wala naman tayo sa pwesto, dapat tayo ang mangalaga sa bawat isa. Hindi tayo dapat padala sa galit at ngitngit ng mga lider. Hindi ba at gusto natin ng pagbabago? Ito ba para sa sarili lang natin at pamilya lang. Ito ay para sa kapitbahay din natin, mga kaibigan, mga kasamahan sa trabaho, mga taong nasasalubong sa daan at mga taong nakakausap sa social media. Ang Pilipinas ay para sa bawat Pilipino- na naninirahan sa Pinas at saan mang dako ng mundo. Maging mahinahon tayo at pairalin natin ang pagmamahal sa kapwa Pilipino.

Hindi ito laban ng mga pulitiko laban natin ito. Kung hindi nila madisiplina ang bibig, kilos at gawi nila — sino man silang kandidato -tayong mga ordinaryong tao – wag tayong papayag na pagamit sa masamang adhikain ng mga pulitiko. Bayan natin ito. Panatilihin nating payapa, para sa mga anak natin at para sa sarili na rin natin.

Pag nagkagulo ba sa Pinas may tatakbuhan ba kayong ibang bansa? May ipon ba kayong salapi sakaling masira ang ekonomiya dahil sa kaguluhan? Kung excitement lang ang hanap nyo -punta na lang kayo sa Syria, exciting dun!

Lubos din akong nabahala sa nabasa ko nung isang araw sa comment box ng “Definitely Filipino”. Sabi nung tao sana daw mamatay na daw ang admin ng ” Definitely Filipino”. Nagulat ako. Mabait ang admin ng DF, at kung hindi pa ninyo alam, tumutulong sya sa mga kabataan sa pamamagitan ng mga donasyon.

Ganito ba ang may gusto ng pagbabago?  Saan nagmumula ang mga galit ng Pilipino? Nauunawaan ko na sawang- sawa na ang mga Pilipino sa kurakot, nakawan sa gobyerno, pag bubulag-bulagan sa mga pangyayari sa bansa, kabagalan ng pag supil ng droga at krimen, kulang na pondo sa edukasyon at kalusugan, mababang sweldo at marami pang iba. Pero sana wag naman nating itutok ang kanyon sa isat-isa. Pare-pareho tayong biktima maka Duterte, Poe,Roxas, Binay at Santiago, pare pareho tayong biktima. Wag nating itutok ang baril sa kapwa natin biktima.

Guto kong manalo si Duterte kung sya ang iboboto ng nakakarami. Kailangang matuto ang Pilipino na humarap sa mga sangandaan ng buhay gaya ng eleksyon. Hindi dahas ang sagot sa pag kakaiba ng paniniwala. Panahon na ipakita natin ang kakayahan natin maging maka-Diyos, maka-tao at makabayan. Ipakita natin na talagang gusto natin ng pagbabago. Pagbabagong mabuti  at payapa.

Credit to the owner of the Photo
Credit to the owner of the Photo

IIsa ang Pilipinas, mapalad tayo dahil hindi natin kailangang tumawid ng dagat upang maging refugees sa ibang bansa upang takasan ang kaguluhan sa sariling bayan.

Pinagkalooban tayo ng Diyos ng bansang sagana sa maraming bagay – pasaganain din natin ang pagmamalasakit sa isat-isa.

About Marguerite Andres

Marguerite Andres is a freelance writer in Yahoo Contributor Network with published articles in Yahoo Voices, A blogger and a " life coach". A full time Bookkeeper, Finance Manager and Auditor for various private companies before she discovered her love for writing. She is passionate in parenting and complex relationships topics and life in general. She is a homemaker and a mother of a university student, who is an aspiring novelist. Her interests includes Business, Interior Design and Achitecture. Likes the books of Sidney Sheldon, Danielle Steel, Mary Higgins Clark and John Grisham. Loves AI, The Voice, X Factor and AGT. Follow me on [email protected] https://twitter.com/MargueriteAnd1 and my email add is [email protected]