“Si Buloy” (A True Story)

Photo Credit: Today

Ang buhay natin ay tunay namang parang isang “bus ride”. Maraming sasakay, maraming bababa; mayroong magtatagal, mayroong panandalian lamang at lilisan na rin agad.

Ngunit kung susuriin natin, bawat pasaherong sasakay sa bus ng ating buhay ay may mensaheng dala at may kahulugan sa ating buhay gaano man ito kalaki o kaliit. . .  kagaya niya >>>>>

Si  Buloy  (A True Story)

MInsan ko lang siyang makita. Isang kabataang hindi mo agad pagkakatiwalaan sa unang tingin pa lamang.  Mahaba ang buhok at tila hindi nagsusuklay. Pormang tila hindi na namili ng susuotin niyang damit.  Ngunit sa ikalawang tingin, mababanaag mo ang kagandahang lalaki at maiisip mo na siguro kung ito’y nag-ayos ayos, masasabi mong may kagwapuhan din!

Mabuti na lang at magalang siyang bumati sa akin.  “Tita, magandang hapon po.” Naisip ko tuloy, “Kilala ba niya ako?  Bakit siya, hindi ko yata kilala?” Hinanap niya ang isa sa aking mga anak. Hindi ko naman ipinagkailang narito ang anak kong tinutukoy niya.

Nag-usap sila ng aking panganay.  Maya-maya ay nagpaalam ang aking anak na sasama muna kay BJ at wala akong nagawa kundi pumayag. Ngunit sa likod ng aking isip ay mayroon akong hindi maipaliwanag na balisa.

sad young man photo
Photo by Andiketaren (Pixabay)

“Unfair”, sabi ko sa aking sarili. Hindi ko dapat pagdudahan ang batang iyon dahil lamang sa itsura niyang tila hindi mapagkakatiwalaan.  “Don’t judge a book by its cover”, ‘ika nga.

May kalaliman na ng gabi nang bumalik ang aking anak.  Nakainom. Amoy Red Horse.  Hmmmm.  B.I. … naisip ko tuloy.  B.I. si BJ.  Sa dami ng kabataang kaibigan ko, ito yata ang nasa pinakadulo ng aking listahan. Hindi naman kasi manginginom ang anak ko.  Tahimik ko na lamang na pinalampas ang pangyayari. 22 na kasi ang anak ko noon.  May isip na.

Simpleng ngiti, pagtaas ng kilay, pagkibit ng balikat. Sa tinginan lamang ay nagkaintindihan na kami.  “It’s nothing.”

* * * * * * *

Lumipas ang ilang buwan…

Isang araw, habang magkatabi kaming nakaupo sa harap ng computer, nakatanggap ng isang text message ang aking panganay.  Diumano, ang kaibigan n’yang si Buloy (pangalang kusang tumatak sa aking isip)  ay nakasaksak ng isang tiyuhin.  Mabuti na lang at hindi ito napuruhan.  Hindi na rin nagkademandahan.  Usapang pamilya kasi.

“Remember my friend na niyaya akong lumabas, Mom?  Nasaksak n’ya tiyuhin n’ya. Galing na ‘yun sa rehab.  Makalawang beses na.  Tumakas lang.”

Tigidong!  Bumilis ang pintig ng aking puso!  Bakit ngayon lang niya sinabi?  Sus!  Buti na lang … buti na lang at hindi ang anak ko ang nalagay sa ganoong sitwasyon!

Sinalaysay niya ang dahilan ng pagyayaya ng kanyang kaibigan. Depressed daw ito. Gusto lang ng kaibigang makikinig. At ito namang anak ko na nahawa na yata sa pagiging guidance counselor ko sa aming NGO, nagpaunlak.  Pero…naku!  Kung alam kong ganoon ‘yun, baka nakapagrosaryo ako sa loob ng ilang oras na wala pa ang anak ko!

Pero teka… bakit naiba yata ang tono ng anak ko?

“Alam mo, Ma, kahit gago ‘yang si Kuya B, alam mo bang nung lumabas kami, na-open ko din sa kanya pinagdadaanan kong depression.  Remember?  Nung inaaway kita, nung nagkasira kami ng gf ko, nung ayaw kong magsalita sa iyo, nakakaisip na ako ng hindi maganda nun!  Nung na-obsess ako sa OL games at muntik nang hindi makagraduate …. May mga sinabi sa akin si Kuya B na nakatulong sa akin. Sabi pa nga niya, maswerte raw ako, understanding ang Nanay ko, mapagmahal, maasikaso. Naiinggit nga raw siya sa akin, sa amin ng mga kapatid ko.  Kahit solo parent ka, ginampanan mo ang role ng tatay at nanay. Siya rin ang naging tulay namin kaya kami nagkabalikan ng gf ko! “

Kablam!  Parang kanyong sumabog sa utak ko ang sinabi n’ya!

sad young man photo
Photo by Skitterphoto (Pixabay)

Pinsan pala ng kanyang girlfriend iyong si Kuya B.  May magulong kuwento, may magulong twist sa buhay niya, pero marunong palang magpayo at may paki din sa kaibigan sa kabila ng lahat.  Pero, teka…meron pa pala…

“Salamat sa patience mo, Ma.  Salamat hindi mo ako nirindi” (sabay ngiti at hug niya sa akin). Ok na ako.  Wag ka nang mag-alala.”

@[email protected]  Ngiting hanggang tainga.  Luhang kung bakit habang pinipigil ay lalong bumabalon sa mata.  Pinisil ko lamang ang kamay ng aking anak tanda ng pag-unawa at pasasalamat.

Minsan kasi, may mga panahong hindi na kailangan pang magsalita.

“Aba, himala!!!  Ang Mama ko, speechless!”  sabay tawa niya nang malakas.

* * * * * * *

Makalipas ang isang buwan …

“Ma!  Ma!  Si Kuya B, nagpakamatay!”

Muntik ko nang malaglag ang tangan kong tasa ng kape.  Hawak pa ng anak ko ang kanyang cellphone; nangingilid ang luha.

“Nagbigti daw po.  Patay na siya nang matagpuan.”

* * * * * * *

Pumailanlang ang awitin sa radyo.  “Hoy, hoy, Buloy… naaalala mo pa ba?”

Hindi ko akalaing me sasakay palang Buloy sa Life Bus  namin … bagama’t madali rin itong bumaba.  Gayun man… nag-iwan ito ng isang makabuluhang alaala na sa maikli mang panahon, mayroon din palang malalim na aral itong dala.

Nanghinayang ako sa isa na namang kabataan na nawalan ng giya sa buhay.  Sayang …

Minsan kasi … simpleng pagmamahal lang ang tugon sa naguguluhang isip.  Pero kadalasan… ang isang simpleng pagmamahal hindi madaling matagpuan.

Sana ‘wag nang dumami pa ang mga Buloy sa ating mundo….. sana.

About Mommyjoyce

Isang simpleng nanay na adik magbasa, adik magsulat at adik sa anak! Idol ko si Mother Theresa, kaboses ako dati ni Ate Shawie Cuneta (joke); maawain sa mga madudungis, siga sa mga taong nang-aapi, at lifecoach sa mga kabataan at mga magulang na walang ibang makausap, Ang simpleng motto ko in life: Cherish everyday (not just because it could be my last); kundi kasi, bukas iba na naman ang flavor ng buhay! Kaya namnaming maigi!