Si Bato sa Bilibid

Si PNP Director General Ronald "Bato" Dela Rosa (Photo from Philippine National Police FB page)

Kabahan na ang mga drug lords sa Bilibid sa pagdating ng magre-retirong Philippine National Police Chief Ronald “Bato” Dela Rosa bilang bagong hepe ng Bureau of Corrections o BuCor.

Kinumpirma ito ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang talumpati sa Christmas Party ng Malacañang Press Corps o MPC noong Disyembre 12 na itinalaga niya si Bato sa nasabing puwesto pagretiro ng PNP Chief sa darating na Enero.

Ang BuCor o mas kilala sa tawag na Bilibid ang kulungan ng mga high-profile na drug lords. Ilan pa sa mga ito ay patuloy pa rin ang transaksyon ng bentahan ng illegal na droga kahit sila pa’y nasa kulungan.

Isang araw matapos ang anunsyo ng Pangulo, sinabi naman ni PDU30 na ie-extend pa niya ng tatlong buwan sa kasalukuyang puwesto si Bato dahil may mga orders pa raw ito na hindi pa natatapos.

Ibig sabihin nito, sa halip na sa Enero, baka Marso o Abril pa masimulan ni Bato ang bago niyang assignment sa Bilibid.

Sa 112th Founding Anniversary ng BuCor nitong Biyernes, sinabi ni Bato sa mga inmates na gagawin niyang miserable ang buhay ng mga bilanggo na sangkot pa rin sa transaksyon ng illegal na droga, syempre kasama pa rin ang mga drug lords.  Tuwang-tuwa naman siyempre dito ang mga inmate na naroon.

Sa pag-upo niya sa Bilibid, baka magkaroon ng Oplan Tokhang V2.0, instead na sa mga kalye na kung saan marami ang napapatay na mga drug suspects, sa Bilibid naman para matauhan naman ang mga drug lords na promotor ng illegal drug trade at nagiging dahilan ng pagkamatay ng mga mahihirap na drug users.

Ito naman kasing mga drug lords at kung sinu-sino pang drug suspects. Kinulong na nga para magbagong-buhay pero ano ang ginagawa nila doon? Eto, patuloy pa rin sila sa pagkalakal ng mga bawal na gamot at pinagtatakpan lang ito ng mga bantay sa Bilibid kasi nakikinabang rin sila rito.

Itong mga drug lords ay nagpapakasasa sa kanilang kinikita sa droga samantalang ang mga mahihirap na mga pusher at adik ay basta-basta na lang napapatay sa lansangan, kaya ang mga kritiko ng war on drugs  kabilang ang Simbahan at mga human rights groups, nasasabing mga maralita ang target ng kampanya ng gobyerno kontra droga.

Sa pag-upo ni PNP Chief Ronald Dela Rosa sa Bilibid, umaasa akong mapuputol o kung hindi man, mabawasan ang kalakalan ng illegal na droga na siyang matagal nang problema sa nasabing koreksyonal.  Ang pagpapasarap ng buhay ng mga drug lords sa kulungan ay kapalit ng libu-libong buhay na nasisira at nawawasak dahil sa mga drogang kinakalakal sa mga mahihirap.

 

About jerico obbus

A future educator and a writer.