“Si Barling” [Kuwento ng Buhay ni Kikay – Huli na sa 3 kuwento]

Photo by AnjaPetrol (Pixabay)

SI BARLING 

“Sitting silently beside a friend who is hurting may be the best gift we can give” – Unknown

friends photo
Photo by Free-Photos (Pixabay)

Isang importanteng kaibigan si Barling, magkaklase kami simula grade one hanggang high school. Masaya ang mga pinagdaanan naming magkakaibigan. Hanggang sa noong high school nabuo ang aming samahan na tinawag naming na JAMMINGS.

Puno ito ng damayan, tawanan, awayan, kasayahan at kalungkutan. Ganyan naman ang high school life, ‘di ba? Meron pa nga ‘yan ligawan, mag-share ng mga crushes, magtanungan ng mga tamang diskarte sa panliligaw… mag-cutting classes, magkodigo at marami pang iba.

Ganyan kami noon.

Subalit sa likod ng mga kalokohang ito ang pagsisikap pa rin na makapagtapos ng pag–aaral upang maabot namin  ang aming mga pangarap. Hanggang sa makapagtapos kami at nagkanya–kanya nang buhay. Kanya-kanya ng raket para makaahon at magpatuloy ang buhay. Halos 6 na taon kaming walang komunikasyon ni Barling at ng lahat ng magkakaibigan.

Hanggang isang araw,  huling linggo ng Enero 2009, nag-text sa akin si Barling, nag-iimbita na magkita kami. Sa una napaka-excited ko kaya lang sa sobrang busy ko nag-reschedule ako ng meeting namin sa susunod na linggo at na re-schedule ulit. Hanggang sa ikatlong linggo na simula nang mag-imbita siya.

Nag-text ulit, nagpupumilit siyang magkita kami pero ang sabi ko may meeting ako pero wala naman. Ang sabi ko sa kanya sa Febraury 14 na lang, Sabado, punta tayo sa Mall of Asia at may concert ang EraserHeads. Manonood kami. Nagpumilit, nangulit, ngunit tumigil din. At natulog at nagpahinga ako maghapon at nagpatuloy ulit ang buong linggo ng trabaho.

Isang Martes, nag-text ang isang kaibigan namin;  patay raw na si Barling. Hindi ako makapaniwala. Inisip ko na isa itong joke.

male teen photo
Photo by slightly_different (Pixabay)

Nagkita din kami sa wakas ni Barling ngunit nasa kabaong na siya. Sobrang sakit ang naramdaman ko, lalo na nang aking ginugunita ang mga panahon na magkasama kami; tawanan, sharing ng mga kung anu-ano. Labis ang pagsisisi ko na hindi ko napagbigyan ang simpleng hiling ng kaibigan ko. Isang tunay na kaibigan si Barling, simula hanggang huli, hindi ako kinalimutan. Hanggang sa muli kaibigan ko.

 

PAUSE:

  1. Kung alam ko lang na ganun ang mangyayari sana ay pinagbigyan ko si Barling sa kanyang simpleng kahilingan.
  2. Balikan ang mga taong deadma mo lang sa buhay. Hindi pinapansin at hindi pinahahalagahan. Lalong-lalo na ang mga mahal mo sa buhay na naghihintay na mapansin mo.

FAST FORWARD:

Next time kung may kakilala, kaibigan, kapamilya, kapuso o kapatid na matagal na nawalay at ngayon ay nais na makipagkita, makipag usap sa iyo, pagbigyan mo, puntahan mo, huwag mong ipagpapabukas dahil hindi mo alam kung bukas ay nandito pa siya.  Kung sana ay nakipagkita ako kay Barling sana nalaman ko ang kalagayan niya o kaya naging masaya siya bago siya umalis at naging panatag din ang loob ko dahil nagkita kami bago siya lumisan. KUNG SANA tinanong ko man lang si BARLING KUNG ANO ANG NANGYAYARI SA KANYA, SANA nabawasan man lang ang agony niya.

MAG-REFLECT

Ilan sa mga kaibigan mo ngayon ang matagal mo nang hindi nakikita, nakakausap o kaya’y kinukumusta? Maaaring ang mga post nila sa Facebook ay maganda at masaya pero sa totoo posibleng may dinaramdam sila; maaaring ito ay physical, emosyonal, psychological o spiritwal. Makipagkonekta tayo sa kanila. Palagi naman tayong online or may load; simpleng kumustahan ay ayos na.

Photo by sasint (Pixabay)

At kung may mga tao, maaaring ito ay kaibigan (ngayon o dati), kamag-anak, stranger, kakilala, kaklase, kapit-bahay, na gustong makipagkonekta, re-konekta at makipagkumustahan, huwag nating ipagpaliban o kaya naman dedmahin, pagkat maaaring isa itong paalala na tayo ay may kaibigan, o kaya naman sila ang sagot sa ating dasal na pinadala ng Panginoon para sa atin. O kaya, baka tayo ang sagot ng Panginoon sa kanilang dasal, isang tao na magiging instrumento upang maisakatuparan ang plano ng Diyos sa kanila.

PRAYER:

Lord, over over ang blessings na ipinagkakaloob ninyo sa akin sa pamamagitan ng mga kaibigan ko, subalit hindi ko madama na sapat na ang pagpapasalamat ko sa ‘yo.

Maging blessing nawa kami sa aming mga kaibigan, kakilala at sa mga taong nasa paligid namin. Makita at madama sana ng aming mga kaibigan, kakilala at lahat ng tao na nakapaligid sa amin ang “Hesus” na mapagmahal, mapagbigay at mapag kalinga sa pamamagitan ng aming presenya.

 

Unang Kuwento – https://definitelyfilipino.com/blog/gas-stove-kuwento-ng-buhay-ni-kikay/

Ikalawang Kuwento – https://definitelyfilipino.com/blog/isang-pad-ng-papel-kuwento-ng-buhay-ni-kikay2/

About REFLECTION

Isang taong mahilig mag muni-muni at magsulat. Nakaranas ng matinding hirap, kalungkutan, pagkabigo, pag-ibig, kasiyahan, pananampalataya at madami pang iba.