Showbiz is Politics; Politics is Showbiz

showbiz2

Maaaring ang ilan po sa inyo ay nagtataka at nag-iisip kung bakit ganito ang pamagat ng sanaysay na ito. Siguro nga po, nais lamang ng inyong lingkod na magkaroon ng paghahambing sa dalawang aspetong ito na masasabing walang pinagkaiba ang isa’t-isa.

Sa mga panahong isinusulat ng inyong lingkod ang sulatin na ito, wala na sa isang taon at muli na naman tayong pipili at maghahalal ng mga mamumuno sa ating bansa.

Kahit hindi pa naman talagang panahon ng pangangampanya, nariyan na ang tila pagpaparamdam ng iba’t-ibang mga personalidad. Aminin na natin, hindi naman po siguro tayo mga mangmang hindi ba? Na ang mga napapanood natin ngayon sa telebisyon na mga advertisements, kahit wala ang mga salitang “VOTE” o “IBOTO” ay nangangahulugan ng kanilang intesyon sa pagtakbo sa darating na halalan. Parang mga pelikula o mga teleserye na may trailer kumbaga. Ginagawan ng HYPE. Nasa atin na nga lamang kung tayo ba ay magpapadala sa mga ganitong uri ng propaganda.

Ang isang pelikula o palabas, sinusukat ang kanyang tagumpay sa pamamagitan ng ticket sales o viewership na ipinapakita sa mga survey. Ang isang kandidato, kung marami ang boboto para sa kanya, ay sa malamang mahahalal siya sa pwesto. Numbers game ika nga, ito ang kalakaran at labanan. Pero hindi naman dito dapat natatapos ang lahat hindi ba? Ang isang pelikula o palabas ay dapat may naibibigay na aral sa mga manonood, tulad din ng mga nais maglingkod sa ating lipunan na dapat may tunay na magagawang maganda para sa bansa. Dinadaan lang kasi sa pasikatan ang lahat.

O ayan, speaking of pasikatan, ito marahil ang dapat nating tigilan – ang bulag na kasunuran o blind obedience. Mahilig lang din kasi tayong makiuso at sundan kung sino ang sikat. Sa mainstream showbiz, kapag marami kang followers sa social media at malakas ang hatak sa fans, ikaw yung makakapagconcert sa malalaking venue sa ating bansa, ikaw yung maraming projects at ikaw pa ang lead role dito. Dahil sikat ka, palagay mo ay box-office hit na agad ang mga magiging pelikula mo. Dahilan nga din na sa malakas ang hatak mo sa fans, yung tipong lahat ng iendorse mo ay tatangkilikin ng madla, sa malamang ay malakas ka din sa management. Sa pulitika naman, kung matunog ang iyong pangalan, palagay mo ay may pag-asa kang manalo sa halalan. Kasikatan, ito na rin siguro ang nagiging daan para sa mga actors-turned-politicians. Hindi naman masama para sa isang personalidad ang tumakbo sa halalan KUNG talagang may mabuti naman siyang intensyon na maglingkod sa tao. Siguro nga, dahil may exposure na sila sa telebisyon ay sa kanilang palagay may advantage na sila kung sakaling sila ay tatakbo sa darating na halalan.

Ilan ba sa mga nagdaan at mga kasalukuyang nakaluklok sa pwesto ang mga nanggaling sa showbiz? Isama mo na rin ang mga hindi nagwagi sa kasamaang palad? Marami-rami na rin hindi ba? Kahit hindi sa National level, marami rin sila sa local level.

Sa showbiz, may mga ekstra. Mga pang-background sa isang scene o saglit lamang lalabas upang maka-eksena ang mga bidang artista. Sa pulitika, ang dami ding mga ekstra. Yun nga lamang, ang pagka-extra nila ay sila ba ang nagmimistulang bida sa mga “ginagawa” nila. Alam ninyo naman siguro ang tinutukoy ko, mga tarpaulin ng mga pabati, mga official government vehicles, kahit nga ata sa simpleng kabaong o ataul eh naka-extra pa din. Mga EPAL nga naman oo.

May nabasa ako kung saan sinasabi na ang showbiz daw ay tila nagiging for-your-eyes only na lamang. Siguro, dahil hitsura na lamang ang bentahe dito. Maganda ka, gwapo ka, makinis ang kutis at “kutis-mayaman” (kadalasan mga maputi o mestisa look), sabi nga sa isang noontime show: “Artista na yan!”. May katotohanan naman hindi ba? Kung sino yung kaaya-aya sa paningin, siya yung maraming tagahanga. Para ding sa social media, pag maganda yung ipinost na picture, ang daming likes at comments. Dahil maganda, maraming friend requests. Naalala ko pa tuloy noong kasagsagan ng halalan, kinakapanayam ng mga reporter o tagapagbalita ang ilan sa ating mga kababayan. Nang tanungin kung sino ang kanilang ibinoto at kung bakit rin nila ibinoto ang kandidatong iyon, anak ng tokwa naman oo, ang sagot ay dahil sa gwapo o maganda daw ang kandidato. Ganyan ba tayo? Hitsura na lamang ang nagiging batayan natin sa mga tintangkilik at ihinahalal? (Kung ganyan ang ating pamantayan, ay sa malamang hindi nakapagtataka kung bakit ganito ang kinahihinatnan natin ngayon.)

Galit tayo kapag ang naihahalal na mga mamumuno sa ating lipunan ay hindi masyadong kwalipikado o incompetent ika nga, at gayun din ang mga walang ginagawa. Bago magturuan at magsisihan, hindi ba’t tayo na rin mismong mga botante ang naghalal at nagluklok sa kanila sa pwesto. Wala na rin iyang pinagkaiba sa showbiz. Tulad ng nabanggit, ngunit hindi naman po lahat ha, may mga “artista” na ang puhunan lamang ay ang kanilang hitsura. Maaaring hindi ganun kahusay sa pag-arte, sa pag-awit at sa pag-sayaw. Pero dahil nga gwapo at maganda, ayun, sila yung mga madalas na lumalabas sa mga teleserye at variety show. Simpleng mag-lipsynch lamang ng mga awitin katambal ang ka-love-team, makapagpa-cute sa harap ng camera, tili, hiyaw at kilig-much na agad tayo.

Matanong ko lang po, bakit pag mga mainstream na pelikula, pila-balde at box-office agad, samantalang ang mga independent films o mga INDIE, na kung tutuusin ay siyang mga binibigyan ng pagkilala at parangal sa mga international film festivals dahil sa kalidad ng mga pelikulang ito, ay nilalangaw po lamang sa mga sinehan? Minsang naglibot ako sa isang mall sa aming lokalidad, palabas ang isang Indie Film mula sa ating bansa, kasabay nito ang pelikulang mainstream. Mahaba ang pila sa mainstream na pelikula, karamihan sa mga nakapila, mga kabataan (sabagay dahil yung paborito nilang love-team ang bida sa nasabing pelikula) samantalang sa Indie Film, may paunti-unting pumapasok pero nanliliit kung ikukumpara sa bilang ng mga nakapila sa kabila.

Ang showbiz at pulitika, parehong paulit-ulit na rin lamang. Mga teleseryeng nire-revive para sa kasalukuyang henerasyon, na pagbibidahan ng mga sikat na artista ngayon. O hindi naman kaya, mga sikat na reality-show at franchises na gagawan ng “Pinoy” Version. Mga Korean, Mexican, Tsinovela na isasalin sa sariling adaptation o pinoy version ulit. Mga romantic comedy, love story at mga dramang tungkol sa mga kabit, love triangle at lahat na tila iisa lang din naman ang nagiging tema. Sa pulitika, paulit-ulit na bangayan ng ating mga “lingkod-bayan” ang ating napapanood. Kaya naman si Juan Dela Cruz, nagsasawa at natutulilig na.

Hindi na rin lingid sa parehong showbiz at pulitika ang mga heirarchy at monarchy na iyan. Kaya nga nagiging mainit na usapin sa kasalukuyan ang Anti Political Dynasty Bill. Sa parehong mundo ng pulitika at entertainment, hindi ba’t may mga angkan na “naghahari” sa mga larangang ito? Mag-anak at angkan ng mga pulitiko at artista. Kahit mga bagito o bagong henerasyon, madaling napapasok ang mga larangang ito dahil sa bitbit na apelyido. Sinasabing: “It runs in the family” o kaya “It’s in my blood” ika nga. Sa kasamaang palad, tila ginagawa nang negosyo o business ang pagaartista at kahit na ang pulitika.

Kaugnay ng pasikatan, nangyayari din sa magkaparehong laranangan ng showbiz at pulitika ang sympathy votes o dahil nadadala sa simpatiya ng taumbayan. Hindi ba’t bahagi na ng pagpili ng mga nananalo sa mga reality show at talent search at lahat na ang “TEXT VOTES”. Bagamat ang hangarin ng ganitong pamamaraan ay ma-involve ang taong bayan sa pagpapasya ng mananalo, hindi ba’t hindi rin maikakaila na isa itong marketing strategy upang kumita ang mga network ng telebisyon at mga Telco? May mga pagkakataon na sadyang deserving din naman ang mga
pinipili ng taumbayan at nagwawagi sa mga patimpalak, subalit may mga pagkakataon din namang nadadala lamang din tayo sa simpatiya o awa dahil sa “kwento ng buhay” ng mga kalahok, o kaya dahil na rin sa hitsura (dahil maganda o gwapo yung contestant). Ilang mga reality show contest winners na rin ba ang nagdaan at naglaho na lamang o ‘di kaya’y hanggang sa kasalukuyan ay hindi nabibigyan ng “big break” at nananatiling “B-lister” lang sa mundo ng showbiz? Sa usapang pulitika naman, may mga kandidato bang nagwagi dahil na rin sa nakuha ang simpatiya ng taumbayan?

Ang pulitika at showbiz, parang pareho din yatang pwedeng makahikayat ng mga tagahanga at tagasubaybay sa pamamagitan ng makukulay na mga pananalita at tugtugin. Sa entertainment at showbiz, maaaring ito ay mga punchline, catchphrases o tagline ng mga pelikula. Mga hugot lines at mga banat na nagiging salitain sa pangaraw-araw na pamumuhay. Sa mundo ng pulitika naman, maaaring ito ay mga campaign jingles o kaya mga campaign slogan. Mga makukulay na pananalita tulad ng: “Kung ano ang puno, siya ang bunga”, “Ipagpapatuloy ang laban na sinimulan” at lahat na ng istratehiya upang makumbinse at mahikayat ang mga botante. Mga campaign jingle na parang ipinagpilitan lang din sa saliw ng isang sikat na tugtugin kahit ang mga lyrics ng jingle ay hindi naman rhyme sa tunay na lyrics ng kanta. Dahil catchy, o kaya pinauso at ginagamit ng isang sikat na personalidad, sige sabay lang tayo at makikiuso. Gamit din tayo ng mga pinapausong catchphrase, punchline o anuman kahit minsan kung tutuusin ay wala namang saysay o kahulugan. Ganyan tayo eh.

Tunay na hindi panghabambuhay ang kinang ng isang bituin sa mundo ng showbiz. May mga pagkakataon pa nga na may mga personalidad na bigla na lamang nawawala bago pa man ma-establish ang showbiz career. Nawawala sila dahil sa maagang pagpanaw o talagang sinadya nang lisanin ang mundo ng showbiz (na malamang magkakaroon ng comeback sa mga darating na panahon). Siguro nga, para ma-immortalize ang isang showbiz career, kailangang mawala (as in pumanaw) ng isang artista sa tugatog o karurokan ng kanyang karera. Opinyon ko lamang po, kapag ang isang artista ay namatay sa tugatog ng kanyang kasikatan, kadalasan ay habang kabataan pa niya, ganoon na lamang ang hinagpis at panghihinayang ng mga tagahanga. Nariyan pa ang mga “what-if” scenarios, kung saan nagiging isang palaisipan at kanya-kanyang kuro-kuro sa magiging kahihinatnan pa ng karera ng yumaong artista kung hindi lang agad siya kinuha ng Dakilang Manlilikha.

Hayaan ninyo po akong magbigay ng sarili kong interpretasyon sa isang salawikain na kadalasan ay attributed sa isang movie franchise tungkol sa isang superhero. Sinasabi dito na: “Either you die a hero or you live long enough to see yourself become the villain”. Sa pagsasaliksik ay may kanya-kanyang mga interpretasyon tungkol sa quote na ito. Pero para po sa inyong lingkod, tila nababagay din ito sa buhay sa showbiz. Habang bata ka pa, makisig at matipuno, maganda at sexy, marami kang tagahanga. Sa puntong ito mararamdaman mong tunay ang pagiging isang artista. Dito pinakamakinang ang iyong bituin. Subalit isang realidad na lilipas ang panahon, tatanda ka, may darating na mga bagong pangalan sa industriya at sa kasamaang palad, malilimutan ka nila. Sa madaling salita, malalaos ka. Ewan na nga lang din ba kung bakit minsan ay tila ang sama ng pagtrato natin sa mga “laos” nang mga bituin, na ani mo’y mga kontrabida sa isang teleserye o pelikula. Hindi ba’t may mga pagkakataon na kung sakaling magparamdam na muli ang mga personalidad na ito, nasasambit natin na: “Buhay pa pala ito?” na para bang may pangungutya pa.

Tulad din ng nabasa kong komento sa social media, kung saan sinasabing ang Bansa daw natin ay takbuhan ng mga “laos” na mangaawit upang dito sa ating bansa ay makapagsagawa ng mga konsiyerto, siguro dahil sa kadahilanang ang mga namamayagpag sa kanilang bansang pinagmulan ay ang mga kasalukyang “mangaawit” o recording artists. Ewan nga lang din ba sa lipunan ngayon (hindi naman po lahat, pero may mga pagkakataon lalo na’t sa “younger generation”) na ang tingin sa awitin at mang-aawit na ang tugatog ng kasikatan ay tatlo, apat o limang dekada na ang nakalilipas ay “baduy” o “jologs”? Siguro nga kanya-kanya ding taste sa music yan. Pero hindi ba’t may mga pagkakataon din naman, na kapag ginawan ng cover o version ng kasalukyang sikat na recording artist ang mga “baduy” na awiting ito eh tinatangkilik din naman natin sabay sabi pang: “Ang ganda ng kantang ito”. Yung totoo, talaga bang nagandahan ka doon sa kanta o dahil kinanta lang ito ng idolo mo?

Masakit pero totoo, mabibigyan lamang ng pagkilala at appreciation ang mga naiambag ng mga “nalaos” na mga bituin na ito kapag sila ay pumanaw na. Saka lamang nabibigyan ng respeto at paggalang ngayong wala na sila. Siguro nga po “you cannot appreciate the worth of something until it is gone” o something like that, hindi natin malaman ang halaga ng isang tao o bagay hangga’t hindi ito nawawala sa atin. Kaya nga sana po, magsilbing aral ito sa ating lahat, na i-appreciate ang anumang meron o nagkaroon tayo. Sa mundo ng showbiz, bigyan ng pagkilala at respeto ang mga taong nagbigay ng daan sa kung ano ang industriya ngayon.

Ang pulitika po ganyan din. Habang mainit ang usapin, habang trending, ito ang laman ng mga diskusyon, kahit sa social media. Palilipasin lamang ang ilang panahon at lalamig din ang mga usaping ito. Darating at darating din na may isang bagong usapin na siya namang pag-uusapan sa mga pagkakataong iyon. Ang naunang mga usapin, “nalalaos” at nababaon sa limot. Ang mga problemang kinakaharap ng ating bansa, huwag naman po sanang maging ganito – ang malaos na lamang at tuluyan nang malimutan ng mga kinauukulan at ng mga mamamayan.

Bilang pangwakas, ang showbiz at pulitika ay “bahagi” na ng ating pangaraw-araw na buhay, maliban na lamang siguro kung tayo ang magmimistulang mga ermitanyo at maninirahan sa mga kabundukan at kagubatan. Hindi ba’t, ang showbiz at pulitika, sila ang laman ng mga balita, sa pahayagan man o telebisyon at maging sa social media? Ang mga news programs sa telebisyon, hindi ba’t may showbiz na segment? Gayundin sa mga pahayagan, may blind item pa. Ang ating mga personalidad sa pulitika, parang showbiz ang sagot sa mga panayam sa kanila. Ang ating kultura o paraan ng pamumuhay sa kasalukuyan, mula sa mga hugot lines at lahat na, hindi ba’t ito ay impluwensya ng mga napapanood natin sa telebisyon?

Kung may “Separation of Church and State” sang-ayon sa ating konstitusyon (Article II Section 6 po), dapat siguro subukan din nating paghiwalayin ang larangan ng showbiz at pulitika. Mukhang imposible nga siguro, pero malay natin, baka magdulot ng pagbabago, sana makabubuti, sa ating lipunan.

Ang paghingi po ng paumanhin ng inyong lingkod kung may mga tinamaan sa mga halimbawang nabanggit, opinyon lamang po ang mga ipinahayag base na rin sa obserbasyon. Hanggang sa muli po at maraming salamat!

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.