Shot Gun Proposal

(Photo Credit: michael-crowe.blogspot)
(Photo Credit: michael-crowe.blogspot)

 Bilang isang babae, isang napakalaking karangalan na maipakilala ka ng partner mo sa pamilya (relatives) niya. Madalas kasi dito mo masusukat kung seryoso ba talaga siya sa ‘yo. Nakatataas ng self-esteem kapag nangyari sa ‘yo ito. Minsan pa nga, nililigawan ka pa lang ay pinapakilala ka na para lang patunayan na seryoso si Adan na makuha ang “Oo” mo.

SHOT GUN PROPOSAL. Parang Shot-Gun Wedding–biglaan at wala kang choice. Pero dito, nasa unang stage pa lang kayo ng relasyon. At ‘di gaya ng normal na proposal, walang choice yung isang partido. Nangyari sa akin ito. Flattering na bothering dahil nakatutuwang isipin na pinakilala niya ako sa buong angkan niya, pero nakakabother dahil hindi pa ako handa noon pero hinayag niya na ako lang ang babaeng iuuwi niya sa bahay nila.

Sa mata ng matatanda at pamilya niya, girlfriend na niya ako, pero wala pa akong sinasabi sa proposal niya. Hindi ako nakaimik, hindi ko rin nagawang tumanggi dahil matatanda na ang umakay sa akin sa bahay nila. Hindi ko magawang magalit sa kanya dahil nakikita ko ang sincerity sa mata niya. Hindi ko lang agad matanggap dahil alam kong masasaktan ko siya at hindi pa ako handang pumasok sa isang relasyon.

Kinausap ko siya pagkatapos naming makipagkuwentuhan sa mga matatanda. Sinabi kong hindi ako handa at hindi ko kayang maging girlfriend siya kahit na gusto ko siya–kahit sa tingin ko mahal ko siya.

Hindi kasi sapat na mahal mo lang yung tao kung papasok ka sa isang relasyon–kailangan dito ang tiwala at commitment.

Sa panahong yun hindi ko kayang magtiwala at natatakot ako sa commitment. Pero nakiusap siyang subukan namin. Napa-OO niya ako, pero nandun pa rin ang pangamba, agam-agam at apprehensions. Binigay ko ang credits sa kanya na pinakilala niya ako. Ayon sa mga matatanda sa kanila, ako lang ang dinala niya at pinakilala sa kanila. Okay, natuwa naman ako, pero sa tingin ko hindi yun sapat. Hindi ako mapaghanap na tao, pero sa tingin ko masyado yung mabilis…at sa tingin ko, may kulang.

Kinausap ko siya tungkol dito, pero hindi niya ako maintindihan. Nakikinig siya, pero sa pananaw niya, walang problema.

Ako nga lang ba talaga ang komplikado? Maaaring ako nga mismo ang problema; tama, ako nga. Dahil hindi pa talaga ako handa kahit mahal ko siya. Sa tingin ko rin, hindi siya ganoon ka-committed dahil nung naging kami, hindi nagmeet yung goals at outlook namin. Sinabi ko yan sa kanya, tinanong ko siya kung papaano namin iyon aayusin, pero wala siyang sagot. Wala siyang kibo. Sa tingin niya, wala talagang problema.

Napagdesisyunan kong kausapin siya at makipaghiwalay. Hindi kasi nagtutugma ang pananaw namin–sinubukan ko siyang kausapin tungkol doon, humingi ako ng assurance, pero hindi niya ko pinakikinggan. Hindi ko yun kaya. Mula noon hindi na niya ako kinausap. Naiintindihan ko naman, pero sana maintindihan niya rin ako. Maaaring sa ngayon ay galit siya sa akin, sabi nila may kasalanan din ako, aminado ako roon–wala akong balak itanggi ang katotohanang iyon. Wala na akong control sa reaction niya, ang sa akin, naging malinaw ako sa mga punto ko.

Siguro nga ang pag-ibig ay natututunan sa paglipas ng panahon, pero kaian man hindi ito maipipilit, lalo na sa taong hindi pa talaga handa. Hindi ito puwede sa gulpi-de-gulat. Hindi ito kagaya ng mangga na puwedeng buruhin para mahinog agad. Dahan-dahan lang talaga, lalo na kung ikaw yung tipo ng tao na sobrang nag-iingat dahil sa sobrang sakit na naranasan mo sa nakaraang relasyon.

Take time, let yourself heal bago magdesisyon. Bawat tao deserving sa oras para mahalin muli ang sarili bago ito ipagkaloob sa iba.

Take time. Huwag magmamadali. No pressure. Hindi kabawasan kung wala kang boyfriend o girlfriend. Hindi naman yan Twitter para mapasama ka sa trending.

Take time. Alamin nang mabuti ang pagkatao ng nanliligaw sa ‘yo. Alamin mo rin kung ano ang kasalukuyang kahinaan mo. Kung hindi ka pa talaga handa, huwag ipilit kung ayaw mong magsisi sa bandang huli.

Lahat ng bagay na worth it ay pinag-iisipan at pinaglalaanan ng oras. Kung ayaw mong makasakit at masaktan, maging patient ka sa process na to.

Take time. Alamin at maging future-oriented ka muna. Isipin mo, siya ba ang taong nakikita mo na makakasama mo sa loob ng mahabang panahon. Kung oo ang sagot mo, umatras ka na. Dahil ang relasyon ay hindi pangmahabang panahon lang–ito ay panghabangbuhay.

Dalawa lang kasi ang rule ng commitment: pakasalan mo o hiwalayan mo. Walang gray areas, “walang in-betweens”.

Take time, because you deserve it. Because you deserve the best. Dahil minsan ang pag-ibig at relasyon ay parang alak–it’s sweeter through time.

About PirmaAtPluma

Mahilig Sa Yellow, pero hindi kay Pnoy|| Madaldal|| A Fan of MSK, RAGubalane, Mike Portes, Kara David and akoposijayson || Fan ni Bob-Ong|| Proud Pinay|| Adik sa Clash of Clans