‘Shameless’ (Kapalmuks)

jinggoy-estrada
Sen. Jinggoy Estrada

Bago pa man tuluyang matabunan ng drama ng kanyang katotong si Bong Revilla ang pinakahuling kontrobersiyang kinasangkutan ni Jinggoy, gusto kong uriratin nang kaunti ang isyu ng pag-realign niya ng P100 milyon ng kanyang pork barrel sa siyudad ng Maynila, kung saan ang kaniyang tatay na si Erap ay kasalukuyang nakaupo bilang mayor.

Itong huling kontrobersiyang kinasasangkutan niya yata ang magsesemento kay Jinggoy bilang poster boy ng pork barrel sa kasaysayan ng abang Pilipinas.

Pero katulad ng ginawa niyang pag-eendorse ng mga pekeng NGO ni Janet Napoles para mag-implement ng kaniyang mga proyekto gamit ang pork barrel, wala na naman daw nakitang masama si Jinggoy sa kaniyang ginawa.

Legal naman daw dahil ang mamamayan naman ng Maynila ang makikinabang ng P100 milyon na iyon, at hindi ang kaniyang amang mayor.

Saka kailangan daw ng Maynila ang tulong dahil bangkarote na ito, ayon din daw sa tatay niya kaya ito humingi ng tulong sa kaniya.

Ayos! Mabuhay ka Jinggoy!

Isa kang ulirang anak na pinalaki ng isang DAKILANG ama!

Pero tama ba ang ginawa mo? Legal ba?

Isa pang tanong, ethical ba iyon bilang isang lingkod-bayan, na kamakailan lang ay sinampahan ng kasong katiwalian sa kaparehong isyu din – ang ang pagbubulsa ng perang dapat sana’y taumbayan ang nakinabang.

Sa usapang legal, hindi ba at naideklara na ng Supreme Court na unconstitutional ang PDAF?

Bakit nakalusot pa rin ang pork barrel mo at ng ilang kasama mo sa senado?

Ano itong lumabas na report sa Inquirer na ISANG araw bago lumabas ang desisyon ng Korte Suprema, eh nagkumahog na kayong i-realign ang PDAF n’yo bilang insertion sa 2014 national budget?

Hindi isang buwan o isang lingo, ISANG ARAW talaga, hah?

Ang galing naman ng timing n’yo, o sadyang gusto n’iyo lang talagang paglaruan ang batas at pati ang pinakamataas na korte ng bansa ay binalak n’yo pang isahan!

Iniisip n’iyo siguro na bilang isang senador, ay mas mataas pa kayo sa batas ng bansa!

Pero mabuti pa nga iyong mga kasamahan mo, inilagak ang buong P200 milyong pork barrel nila para sa mga biktima ni Yolanda.

P’wede pa namin silang unawain at patawarin.

Eh, ikaw? Saan mo binalak dalhin?

Gusto mong ipamudmod sa ‘bangkarote’ na siyudad ng tatay mo.

Unang-una, hindi tungkulin ng isang senador na i-augment ang budget ng isang local government kung bankrupt man ito. Tungkulin ng national government ‘yan.

Puwede silang humingi ng subsidy kung talagang kailangan, at ito ay magmumula sa pondo ng pambansang pamahalaan, at hindi sa pork barrel ng isang mambabatas.

Pangalawa, ikaw lang yata ang nag-coin ng term na “allocations to local government units” (ALGU) na magmumula sa PDAF. Wala naman dati niyan, ah.

Pangatlo, ang isang senador ay isang national politician, that is, because, they are elected-at-large, kaya ang constituents nila ay ang buong bansa.

Kaya dapat lang na ang makinabang sa serbisyo mo (meron ba?) ay ang buong Pilipinas, at hindi lang ang isang siyudad na pinamumunuan ng isang kamag-anak.

Which brings me to the other point.

Ang usapang ethical naman, kung katanggap-tanggap  ba sa moral standards for a public servant ang iyong ginawa.

Susmaryosep, bakit naman du’n pa kay Erap na tatay mo ini-realign ang PDAF mo?

Marami pang siyudad sa ‘Pinas ang mas higit na nangangailangan ng pondo, hindi lang ang Maynila.

‘Yung mga lugar pa sana na sinalanta ng lindol at bagyo, o kaya yung Zamboanga na pilit bumabangon sa kalapastanganan ni Misuari.

Sigurado ako, marami ka ring nauto sa kanila at bumuto sa iyo nung eleksiyon.

Hindi mo sila naisip? Maynila agad dahil mayor si Daddy?

Sigurado ako, kung si Erap ang Mayor ng Tokyo, Japan, gaano man ito kayaman, ‘hindi ka magdadalawang isip na ibigay ‘dun ang PDAF mo kapag hiningi niya.

Ano ito, gusto ninyong gawing family business ang pork barrel?

Owmaygad naman, ‘asan naman ang delicadeza natin dito?

Isipin mo na lang kung tatanggapin namin ang ganitong kalakaran sa Senado, si Nancy Binay, puwedeng ibigay niya ang pork barrel sa Makati kasi mayor ang kapatid niya doon.

‘Yung kapatid mong si JV, puwede sa San Juan dahil mayor nanay niya.

Si Alan Cayetano, sa Taguig dahil mayor asawa niya, at kasama na rin si Pia.

‘Yung kumpare mong si Bong, puwedeng sa Cavite dahil bise gobernador ang anak niya.

Si Sonny Angara, puwede sa Aurora dahil nandoon ang  mga pinsan niyang local officials.

Si Bongbong Marcos sa Ilocos dahil nandoon ang kapatid niyang gobernador na si Imee.

Si Cynthia Villar, puwede rin sa Las Pinas, dahil mayor ang kapatid niya.

Baka pati si Tito Sotto payagan ninyong mag-realign ng pork barrel niya sa Eat Bulaga!

Pero hindi nila ginawa, dahil kahit papaano, may natitira pa silang hiya sa katawan.

Kaunting nipis naman ng mukha, sir!

Isa pa, tama ang sinabi ni Sen. Trillanes. Alam mo namang mainit ka na sa mata ng publiko dahil sa pork barrel, tapos eto pa ang ginawa mo.

Hindi mo pa nga maipaliwanag ang pagkakasangkot mo kay Napoles dahil din sa pork, eto ka na naman.

Tapos ang lakas pa ng loob mong magsalita na wala kang ginagawang masama, grabe ha?

Sana hindi mo na lang muna pinakialaman ‘yung PDAF mo, nagpalamig ka muna.

Sana nag-pass ka muna para hindi ka mapusoy-dos.

Sabi pa nga rin ni Trillanes, this is really SHAMELESS!

PAKAPALAN NA LANG NG MUKHA ‘TO!

About necessary_evil

The fact that no one understands you does not make you an artist! You can visit my website: http://retroandsoul.wordpress.com/ and my Facebook page Retro and Soul : https://www.facebook.com/retroandsoul?ref=hl