Serendipity

(Photo Credit: Ecards.myfuncards)

(Photo Credit: Ecards.myfuncards)

Textmate. Ito iyong tawag sa mga taong nagkakilala sa pamamagitan ng cellphone. Mayroong sinadya talagang maging textmate. Mayroon namang nagkataon lang. Nagsimulang magtext nang hindi pinipilit. Iyong parang, pinahintulutan talaga ng panahon na magkakilala kayo. Maaaring FATE or DESTINY ang tawag. Puwede rin sigurong SOULMATE or iyong tinatawag nilang SERENDIPITY.

Totot.. Totot..

Tunog ng cellphone ko. May bagong message. Napangiti ako pagkakita sa pangalang nakaregister. Hindi ko alam kung anong mayroon ang taong ito kung bakit napapangiti ako sa tuwing magtetext siya. Hmmm…. Sa bawat tunog ng cellphone ko, nandoon iyong pag-aasam na sana ikaw iyong nagtext. Hindi yata makukumpleto ang araw ko kapag wala akong text na matanggap mula sa iyo. Naging bahagi na ng buhay ko ang halos araw-araw nating pagtetext. Sa paggising ko, cellphone agad ang unang tinitingnan kung may mensahe ba mula sa iyo. Nakagaganda ng araw ang simpleng bati mo lang ng good morning.

Hindi ko maintindihan kung anong mahika mayroon ang bawat text mo na nakapagbibigay sa akin ng matinding epekto. Nakikita ko na lang iyong sarili ko na tumatawa at kinikilig kahit simpleng mensahe lang mula sa iyo. Hindi ko namamalayang unti-unti ko nang binubuksan ang pinto ko sa isang kagaya mong estranghero. Napag-uusapan natin halos lahat ng bagay sa mundo. Nagkaroon ng kulay ang bawat bagay sa paligid ko, mula nang magkaroon tayo ng koneksyon. Gustong-gusto ko nang masilayan ang mukha ng tao sa likod ng bawat text na iyon.

SERENDIPITY nga ba?

Natatandaan ko pa noong una kitang nakita. Hindi iyon sinadya eh, nandoon ako sa second floor tumatanaw sa baba nang biglang may nahagip ang aking mga mata. Red shirt. Tennis shoes.

Ikaw iyong unang taong rumehistro sa utak ko. Tutok ako sa bawat kilos mo. Basta feel ko talaga na ikaw iyong nakita ko. Pagkalabas mo, nagtext agad ako sa ‘yo. “I think, I saw you”. Hindi nga ako nagkamali, ikaw iyon eh. Ikaw iyong nakita kong naka-red shirt at tennis shoes. Na-amaze ako sa fact na nakilala kita agad na ni hindi pa nga kita nakikita. Mayroon pala talagang ganun.

Sa school campus namin, tinatanaw lang kita habang busy ka sa pag-asikaso ng mga players n’yo. Sa labas ng simbahan, nakasalubong kita. First day ng misa de gallo, dumaan ka sa harapan ko. Ang daming pagkakataon na nag-krus ang landas nating dalawa. Pinagmamasdan lang kita. Binabantayan ko lang ang bawat kilos mo habang naiisip ko kung kailan kaya ang pagkakataong makikilala mo ako.

Minsan, nasabi mo na ang daya ko kasi hindi kita nilalapitan sa mga pagkakataong iyon. Wala lang siguro akong lakas ng loob para magpakilala. Kahit pa sabihing, magkaibigan tayo sa text, hindi pa rin sapat iyon para magpakilala sa iyo.

Sa wakas! Nagkaroon na rin tayo ng paakakataon na magkita. Sa halos isang taon na pagiging textmate, nakapag-decide na ring mag-eyeball. Sa unang pagtatama ng ating mga mata kasabay rin ng unang ngiti na nasilayan ko mula sa mga labi niya. Naging isang remarkable na gabi iyon sa aking buhay. Hanggang ngayon sa tuwing maiisip ko ang pagkakataong iyon, ay hindi ko maiwasang ngumiti. ^_^

Ilang taon na ang nakalipas, heto pa rin tayo patuloy na nagpapalitan ng mga mensahe sa isa’t-isa. Umalis ka man at nagpakalayo, sa tuwing bumabalik ka, hindi mo kinalilimutang magparamdam sa akin. Natatandaan ko pa noon, ang sabi mo “I dont want to cut the string that connects us.” Masaya ako sa katotohannag pinaninindigan mo ang bagay na iyon. Kung ano ka sa text mo, iyon talaga ang totoong ikaw.

Pagkakaibigan. Iyan lang siguro ang mayroon tayo sa ngayon. Hindi ko alam kung may aasahan ako mula sa iyo. Hindi ako sigurado kung may espesyal ba akong lugar diyan sa puso mo. Hindi ako nag-eexpect ng kung anuman mula sa iyo. Hayaan mo lang akong maging masaya sa kung anuman ang mayroon tayo ngayon. Hayaan mo lang akong patuloy na ngumiti sa bawat mensahe mo. Hayaan mo lang akong maghintay sa susunod na chapter ng aking buhay kasama ka.

SERENDIPITY.

Hayaan mo lang akong ganito ang itawag ko sa kuwento nating dalawa. Masyadong pang mahaba ang panahon. Mas marami pang pagkakataon para sa atin. ^_^

About shimes

Mahilig akong magbasa kaya naiinspire akong magsulat. Isang simpleng tao na mababaw lang ang kaligayahan. ^_^