Ser

Photo by ~Brenda-Starr~

Ser, kumusta ka na, ang tagal ng panahon bago ulit ako nakauwi sa bayan natin. Ikaw ang unang naalala ko pagkababa ko ng bus. Isang malayong paglalakbay, isang matagal na pagbabalik at isang makulay na karanasan mula sa dalawampung taong pagtratrabaho sa gitnang silangan.

Kapitbahay lang kita, Ser, itinuring na kitang isang ama para sa akin mula noong ako’y nasa elementarya pa lang. Wala na kasi akong kinagisnang ama. Sabi ni Mama na sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa, ang tunay kong papa ay may sariling pamilya, at anak lang ako sa labas. Hindi ko naintindihan ang salitang anak sa labas hanggang noong nasa second year high school na ako.

May maliit na sari-sari store pa kami noon, sa harap lang ng bahay n’yo. Maalala ko, Ser, ikaw ‘yung laging sumusuway sa akin kapag hindi ako nadidisiplina ni Mama. Hindi mo man ako pinapalo, pero malaki ang takot ko sa iyo. Malaki ang respeto ko sa iyo. Kalaro ko ang dalawang anak mo noon na sina Toytoy at Maymay. Kumusta na rin kaya sila?

Ikaw ang adviser namin noon sa grade 5. Akala ko dati hindi ka namamalo, pero sa loob ng silid aralan, napagtanto ko na mali pala ako. Mabuti na lang at hindi ako nadapuan ng sinturon, kawayan, dos por dos, metros ang binti at puwet ko mula sa ‘yo.

Ser, napakagaling mong magturo lalo sa Kasaysayan at Panitikan. Nakilala ko si Genghis Khan, si Bonifacio, si Rizal, si MacArthur, si Marcos at iba pa. Napabasa ako sa Ibong Adarna, sa alamat ng iba’t ibang klase ng puno, sa Biag ni Lam-Ang, sa galing at lakas ni Bernardo Carpio.

Gamay mo ang pagtuturo, hindi lang stick ang inihahampas mo sa pisara, maging ulo din ng mga kaklase ko kung hindi makasagot sa paglilipat ng decimal place at pagsolb ng mga sagot kapag Matematika na.

Ser, sinabi mo noon, mayaman tayo sa likas na yaman at lakas paggawa. Sinabi mo magagaling ang mga naging presidente at mga pinuno ng ating bansa. Papaunlad na kamo ang Pilipinas. Naniwala ako. Naniwala kami noon. Dalawampung taon na ang nakararaan.

Ser, kumusta naman ngayon ang kasaysayan ng Pinas sa kasalukuyan?

Ayoko nang banggitin pa, marahil dahil alam naman natin ang kasagutan. Umalis ako ng bansa sa agam agam na maiahon ko sa kahirapan ang aking ina na sumalangit nawa ang kaluluwa. Hindi na ako nangarap na magkapamilya dahil ayokong danasin nila ang hirap ng buhay na dinanas ko noon at nakita ko sa ibang pamilya.

Ser, matagal ka nang wala sa serbisyo sa pagtuturo, pero ‘yung mga itinuro mo sa akin noon ang gumising sa aking kaisipan katulad ng kapag ang tao ay may kakulangan sa buhay, huwag na nating hagilapin pa ang nawawala, matutong punan ang kakulangan sa ating sarili sa sariling paraan, sa sariling pagsisikap.

Sinabi mong huwag na na nating sisihin ang gobyerno sa kanyang pamamalakad sa Pilipinas, hindi niya kasalanan kung bakit nakasadlak tayo sa hirap. Ariin natin ang sisi, pagsumikapang iangat ang kalagayan sa buhay. Gawin na lang na hamon ang lahat ng mga pagkukulang.

Ser, nandito na ako ulit sa bayan natin, mananariwa ng mga masasayang nakaraan at mabalikan ang mga nakasama at nakilala ko noon bago kami umalis ni Mama dalawampung taon na ang nakararaan.

Ser, sumalangit nawa ang iyong kaluluwa. Iiwanan ko na sa puntod mo ang pulang kandila. Bahala na ang hangin kung hihipan nito ang apoy na nakasindi. Pero ang apoy na sinindihan mo sa damdamin ko ay hinding-hindi mamamatay….

Photo by ~Brenda-Starr~

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.