Selda Ang Ating Pagitan

(Photo Credit: dailymail.co.uk0
(Photo Credit:  dailymail.co.uk0
(Photo Credit: dailymail.co.uk0

“Limutin mo na lang ako, hindi ako karapat-dapat sa pag-ibig mo.”

Laman ng huling sulat na aking natanggap mula kay Rafael.

Binabalik-balikan ko ang sulat na iyon mula nang aking matanggap, isang taon na ang nakararaan. Halos gabi-gabi ko iyon iniiyakan; said na ang aking luha sa kaiiyak sa nangyari..

” Ano ka ba, Sheyra! Hindi mo pa ba matanggap na ang boyfriend mo ay isang rapist?” bulyaw sa akin ng aking ka-roommate na si Julie.

Isa akong nars dito sa Gitnang Silangan, naghahanap-buhay para sa paghahanda ng magandang bukas sakaling magkaroon ng sariling pamilya. Limang taon kaming magkatipan ni Rafael, isa siyang Seaman.

Propesyong aking pinapangarap ng aking magiging asawa. Para sa akin masaya ang may-asawang seaman dahil bukod sa buwan-buwang may allotment, parang hindi masyadong pressure sa asawa kasi malayo nga ito. (Hehehhehe)

Maganda ang takbo ng aming relasyon, masaya kami sa kabila ng malawak na karagatang pagitan.. Gamit na gamit ang mga elektronikong pangkumunikasyon; kaya kahit malayo kami ay walang anumang hadlang ang aming pagmamahalan..

Nag desisyon akong magtrabaho sa abroad sa kabila nang pagtanggi ng aking nobyo, ayaw niyang pumunta ako dito kasi nga sa masamang reputasyon ng mga Pinay at Pinoy ( hindi naman sa nilalahat) bukod pa sa kapaligiran at mga taong nakapaligid sa iyo..

Ayaw din niyang magbabakasyon siyang wala ako.

Masama ang loob niya nang ako’y tumuloy dito sa Gitnang Silangan.. Hindi ko lang inintindi iyon dahil alam kong lilipas din ang kanyang pagtatampo sa akin; alam kong hindi niya ako matitiis dahil ramdam kong mahal niya ako.

Ganun pa man, patuloy ang aming komunikasyon kahit pa nadagdagan ng disyerto ang lawak ng karagatan na aming naging pagitan..

Minsang nagbakasyon si Rafael sa bayan nating mithi.. nakatatanggap ako ng kanyang mga tawag na malungkot siya dahil wala ako, lagi na lamang daw sila gumagala ng kanyang mga barkada, inuman at kung anu-ano pang pagliliwaliw at pampalipas oras; para daw pansamantala niya akong makalimutan..

Naaawa ako sa kanya, gusto ko ring umuwi para makapiling siya, sabik na rin akong mayakap ang aking mahal na nobyo, ngunit ako’y nakakontrata ng dalawang taon sa hospital na aking pinagtatrabahuan. Sa madaling sabi ay hindi pa puwede.

Eksaktong ika-isang taon ko sa abroad nang may natanggap akong balita mula sa aking nanay..

“Sheyra, si Rafael, isang buwan na palang nakakulong sa salang panggagahasa.”

Bitin ang mensaheng iyon ng aking nanay.. kaya pala hindi nagpaparamdam ang aking nobyo; hindi ko rin lang napapansin dahil sa busy ako sa hospital. Akala ko’y naghahanda na siyang pabalik sa pagsakay ng barko para sa kanyang pangatlong sampa.

Ako’y litong-lito sa sitwasyon.. umiiyak ako sa sama ng loob, bakit nagawa niyang manggahasa? Kung hindi na talaga niya mapigilan ang init ng kanyang katawan, marami namang bayarang babae, bakit nang-rape pa..? Mga katanungang umuukilkil sa aking utak na hindi ko rin masasagot..

Lumbay at pighati sa aking puso ang namamayani sa araw at gabi.. laging basa ang aking unan sa luha, luha ng lungkot, sama ng loob at pangungulila.. kailangan ko siyang makausap, kailangan ko ng paliwanag..

” Sheyra, ‘nak, may boyfriend ka na ba dyan? Maghanap-hanap ka na bago ka umuwi dito sa atin para makita naman ng kamag-anak ng nakulong mong nobyo na naka-move-on ka na..” haba ng text ni Nanay..

Oo nga pala sa susunod na buwan na pala ang bakasyon ko, hindi ko lang namamalayan na dalawang taon na pala ako dito, tapos na ang aking kontrata…

June 5 2012 nang masilayan kong muli ang Pilipinas..

Sinundo ako ng isang kaibigan, hindi alam ng aking pamilya na ngayong araw ang uwi ko, ang alam nila ay sa susunod pang linggo; kusa kong iniba ang eskedyul ng aking pag-uwi..

May pupuntahan daw kami..

Sa gate ng National Bilibid Prison tumambad ang mukha ko, ngatal ang bibig at ngatog ang tuhod..

Mga naka-uniporme ng kulay dalandan ang aming nakakatagpo sa hallway, malikot ang mata ng aking kaibigan na tila ba may hinahanap..

Humantong kami sa officer’s desk at nakipag-usap ang aking kaibigan sa bantay doon, may narinig akong tinatawag:

“Rafael Guzman, may dalaw ka..”

Dumadagundong na boses ng pulis..

Ilang minuto ang lumipas, heto, may nakikita akong papalapit.. mahaba ang buhok na mula yata nang pumasok dito ay hindi na nagupitan, pati balbas ay kay lago..

Ito ba ang nobyo ko? Si Rafael ba ito? Ang lalaking mahal ko? Ang lalaking matikas ang pangangatawan na lalo kong nagustuhan dahil sa kanyang clean haircut at mabangong tingnan,.. Malaking kabaligtaran sa aking nasisilayan ngayon.. ibang-iba..

Pinakikiramdaman ko ang aking dibdib… ang lakas ng tibok, tila ba may nag-uunahang daga sa loob.. hindi ko namamalayang tumutulo na pala ang aking luha, masaganang luha ang dumadaloy sa aking pisngi na naging hagulgol.. napatayo ako at napayakap sa lalaking rapist, walang dudang mahal na mahal ko pa rin siya…

Gumanti ng mahigpit na yakap si Rafael, bumuka ang bibig at may nais sabihin…

Tinakpan ko ang kanyang bibig ng aking labi… siniil ko siya ng halik.. wala akong pakialam kung nasa harapan ko ang aking kaibigan at ang jail guard.. Sabik na sabik akong mayakap ang aking mahal..

Itutuloy…

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.