SCAAARY…

Hindi ko mawari kung bakit sa bawat umpukan eh nadadawit ang mga kwentong kababalaghan na sinusundan ng mga tanong na “totoo ba iyan?” at natatapos sa mga nakataas na balahibo sa tiyan….pero bakit nga ba tayo mahilig sa mga kwentong katatakutan? *natutuwa ako at nakagawa ako ng rhyme* =)

Mas mahilig ang mga kabataan sa mga kwentong katatakutan, at ito ang pinakagusto nilang marinig na kwento sa akin na talaga namang iniiwasan ko. Hindi kasi ako ganoon kakomportable na magkwento ng mga ghost stories dahil ako ang unang natatakot dito. Kapag nagkukuwento ako ng mga nakakatakot eh hindi ko maiwasang magkaroon ng goosebumps at sa edad kong ito eh hirap akong aminin na sa pagkakataong natakot ako eh gusto ko na lang tumakbo sa kama ko at magtalakbong na para bang hinahabol ng sanlibong tipaklong…oo.. takot ako sa tipaklong. Takot ako sa insekto at sa mga reptiles pero ag ipaliwanag kung bakit eh malamang sa mga susunod na pagkakataon na lang.

Balik sa ghost stories. Hindi ko pa rin maipaliwanag kung bakit napaka-in demand nito sa mga Pilipino lalo na sa mga kabataan na para bang addicted na sila rito. Naalala ko tuloy nung highschool kami eh sobrang naging sikat ang mga libro tungkol sa mga ghost stories ng kung sinu-sino at talaga namang andaming kopya ang nabenta nito at sa sobrang dami eh nagkaroon ito ng volumes 1 hanggang infinity na sa totoo lang eh ni isang volume eh hindi ko natapos dahil ayoko na itong tapusin. May lingering effect kasi ang mga ghost story books na para bang kahit ilang araw na ang lumipas eh inuukilkil pa rin nito ang utak mo at pinapaalala yung duguang kamay na humawak sa paa, mga pulang matang nakadungaw sa bintana at mga ummm… wag na nga. Basta ayokong magbasa ng ghost stories dahil kumakabog talaga ang dibdib ko sa tuwing makakabasa ako ng nakakatakot na kwento (paalala: sa mga nakakatakot lang dahil pag di nakakatakot eh naiinis naman ako).

Ayoko sa mga kwentong kababalaghan. Kahit na sabihing natutuwa ang isip ko sa mga kwentong umaaliw sa malikot kong imahinasyon eh pagtapos ng magagandang ideya ay napapalitan ito ng katakut-takot na pag-iisip na paano kung maging multo ako o kung multo na pala talaga ako tulad ng nangyari sa isang pelikula ni Nicole Kidman. May multo nga kaya at may multo kaya sa tabi ko?!?!

Isa rin naman akong bata na naaliw sa mga kababalaghan. Sa isang pagkakataon ng elementary life ko eh niyakap ko pa ang isang riual na ginagamit upang tumawag sa mga kaluluwang naliligaw. Ang tangi mong kailangan ay dalawang matulis na bagay na iyong pagdurugtungin na para bang pagdurugtong mo sa dalawang mundo, ang kalalabasan: SPIRIT OF THE BALLPEN. Cool. agandang gamitin ang panda, yung may butas ang pwet. Malalaman mo ang sagot sa pag-angat, pagbaba, pagtagilid at hindi nito paggalaw. Alam kong kakornihan at pwede kaming sabitan ng medal for BEST in KSP. Hindi ko alam kung epekto yun ng paso namin sa champorado o kabag na dulot ng panis na spaghetti pero isa iyon sa mga bisyo na aking kinasadlakan at pinangako na hindi na babalikan.

Ayoko sa mga ghost stories. Pakiramdam ko kasi eh hindi ito kailangan sa buhay. Kahit na minsan eh may mga pangyayaring nakakatakot at hindi maipaliwanag e mas gusto kong hayaan na lang ito at wag nang bigyan ng sobrang pansin. Kung kailangan man ng tulong ng mga nasabing kaluluwa sigurado akong hindi ako ang taong makapagbibigay ng tulong na iyon.

Nakakaaliw isipin na lahat tayo eh naaliw sa mga kwentong katatakutan, kinakabahan sa mga ghost stories na mga nakasulat sa aklat pero sa bawat aklat na tayo ang bida eh pihadong isa lang ang ending…kung anuman ang paraan ng pagtatapos eh isa pa rin ang kahihinatnan. Lahat tayo eh posibleng maging parte ng mga susunod na huntahan tungkol sa mga multo at ligaw na kaluluwa, pwede ring tumawid tayo sa kabilang mundo at matawag ng mga batang may hawak ng magkahugpong na bolpen o pwedeng makasama na rin natin ang ating Tagapaglikha pero wala pa ring nakakaalam, wala pa ring may kasiguraduhan ng kahihinatnan.

Lahat tayo ay aalis…isa-isa…pwedeng may kasabay pero ang aral na iiwan ng ating kwento… tayo lang ang makakapagtakda…

About DF Community

This article was submitted by the author above. All articles posted in this blog are views of their respective authors. All commentaries, letters or opinions submitted by the Definitely Filipino community are presented here unedited, except for formatting and minor typographical corrections.