Saudi Arabia: Raid Dito, Raid Doon. OFW Paano Na? (Trending)

KSA

Mas pinahigpit pa ng pamahalaan ng Saudi Arabia ang paglilinis ng Kaharian laban sa mga illegal na nagtratrabaho dito tulad ng mga TNT, mga takas, mga walang papel o iqama at kahit mayroong iqama ngunit hindi naman nagtratrabaho mismo sa kanyang sponsor ay wala pa rin itong ligtas.

Hindi natin maikakaila na marami din sa ating mga kababayan ang pagala-gala sa kaharian na walang maayos na dokumento. Marami ang tumakas sa dating amo o employer.

“Walang ibang masisisi kundi mga sarili nila..Sana mahuli na sila at maturuan ng leksyon.”

Isa na ito sa mga maaanghang na komento na aking nabasa sa mga social networking sites. Ang masakit ay sariling kababayan pa natin ang nagbitaw ng mga pahayag na iyon.

Kahit sinong Ofw ay hindi pinangarap na masadlak sa isang alanganin na sitwasyon na maaari niyang ikapahamak . Ngunit sadyang may pagkakataon na hindi mo na makakayanan pa ang matinding pasakit at pang-aabuso ng mga walang pusong taong pinagsisilbihan mo. Tanging pagtakas ang nakikita mong paraan upang wakasan ang isang bangungot na dating iyong kinalalagyan. Minsan gusto mo itong ituwid ngunit ang masakit ay sarili mo pang kababayan na pinagkakatiwalaan ng ating pamahalaan ang magtataboy at magkakait sa iyo ng tulong o kahit awa man lamang.

Minsan gusto na nilang sumuko ngunit sa tuwing naiisip nila ang mga taong umaasa sa kanila ay nabubuhayan sila ng loob. Pamilya, ito nalang ang kanilang pinaghahawakan na pag-asa. Handa nilang harapin ang anumang pagsubok na ibibigay ng buhay dito sa dayuhang lupa mabigyan lang nila ng katuparan ang kanilang pinapangarap para sa kanila.

Lingid man sa kaalaman ng mga naiwan sa Pinas sa mga dinanas na hirap ng isang OFW na takas ay pilit at patuloy niya itong itinatago at tinitiis kung katumbas nito ay labis na saya at ngiti ng mga mahal sa buhay.

Sabihin mo mang mali ang ginagawa nila ay makuha mo ba silang husgahan at pagsalitaan ng masasakit na salita kung tanging hangad lang nila ay kaginhawaan para sa pamilya? Hindi mo alam ang kanilang matinding pinagdadaanan. Sa halip na sila’y saktan bakit hindi mo nalang sila isama sa iyong mga dasal? Na balang araw kung hindi man ngayon ay mabibigyan ng kalutasan ang kanilang mga suliranin. Kung mahuhuli man sila at makauwi sa bansang pinanggalingan ay ipagdasal pa rin natin na sana ay makayanan nilang limutin ang masasakit at mapapait na karanasan  bilang isang OFW.

Higit sa lahat, sana’y suklian sila ng buong pagmamahal ng kani-kanilang mga mahal sa buhay na minsan ay sinakripisyo nila ang lahat para sa isang magandang bukas..!

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.